Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Paglilitis sa Cesarea

    Limang araw matapos na makarating si Pablo sa Cesarea, duma-ting naman ang mga nagpaparatang sa kanya. Ang kaso ay binigyan ng madaliang pandinig. Si Pablo ay iniharap sa kapulungan, at “pasimulang siya ay pinaratangan” ni Tertulo. Sa isipang ang pagbibigay papuri ay gagawa ng malaking impluwensya sa Romanong gobernador kaysa mga payak na salita ng katotohanan at katarungan, ang tusong orador ay nagsimula ng pagsasalita sa pagpuri muna kay Felix: “Yamang dahil sa iyo’y nangagtamo kami ng malaking kapayapaan, at sa iyong kalinga ay napawi sa bansang ito ang mga kasamaan, ay tinatanggap namin ito sa lahat ng mga paraan, at sa lahat ng mga dako, kagalang-galang na Felix, ng buong pagpapasalamat.”AGA 316.1

    Pinalamutian ni Tertulo ang kamalian; sapagkat ang likas ni Felix ay masama at kamuhi-muhi. Tungkol sa kanya ay nasabi, “na sa pagsasagawa ng lahat ng pita at pagmamalupit, tinaglay niya ang kapangyarihan ng isang hari sa ugali ng isang alipin.”—Tacitus: History, ch. 5, par. 9. Ang mga nakapakinig kay Tertulo ay alam ang maling papuring ito, ngunit sa hangaring maibigay ang hatol kay Pablo ay higit nilang inibig ang kasinungalingan kaysa pag-ibig sa katotohanan.AGA 316.2

    Sa pagsasalita ni Tertulo, pinaratangan niya si Pablo ng mga krimeng kung mapatutunayan ay magbubunga ng paghatol sa kanya ng pagtataksil laban sa pamahalaan. “Sapagkat nasumpungan naming ang taong ito’y isang taong mapanggulo at mapagbangon ng mga paghihimagsik sa gitna ng lahat ng mga Judio sa buong sanlibutan, at namumuno sa sekta ng mga Nazareno: na pinagsisikapan din namang lapastanganin ang templo.” At sinabi ni Tertulo na si Lysia na pinuno ng garison sa Jerusalem ang marahas na umagaw kay Pablo sa mga Judio nang handa nang ito ay hatulan sa batas ng iglesia, at napilitan ngang dalhin ang bagay na ito kay Felix. Ang mga salitang ito ay may adhikaing isalin ni Felix ang pangangasiwa sa kaso sa korte ng mga Judio. Lahat ng mga paratang ay masigasig na pinatibayan ng mga Judio na nagkakatipon, na hindi man lamang naglihim ng kanilang muhi sa bilanggo.AGA 316.3

    Ngunit si Felix ay may sapat namang unawa upang makita ang takbo ng isipan at likas ng mga nagpaparatang kay Pablo. Alam niya kung ano ang kanilang motibo sa pagpuri sa kanya, at nakita din niyang hindi nila natayuan ang mga paratang kay Pablo. Binalingan niya ang akusado, at siya ang pinasagot sa mga paratang sa kanya. Si Pablo ay hindi nagsayang ng mga salita sa mga papuri, kundi sinabing higit siyang makapagtatanggol sa harapan ni Felix, sapagkat ito ay matagal nang prokurador, at sa gayon ay may mabuting unawa sa mga batas at kaugalian ng mga Judio. Tungkol sa mga paratang sa kanya, malinaw niyang ipinakita na walang isa man sa mga ito ang totoo. Inihayag niyang hindi siya nanggulo saan mang bahagi ng Jerusalem, o kaya ay nagparumi sa santuwaryo. “Hindi nila ako nasumpungan sa templong nakikipagtalo sa kaninuman,” kanyang sinabi, “o kaya’y nagmumungkahi sa mga tao, o sa sinagoga, o sa siyudad man; at hindi rin nila mapatutunayan ang mga bagay na kanilang ipinaparatang sa akin.”AGA 317.1

    Bagama’t kanyang ikinumpisal na “ayon sa iniisip nilang erehe,” siya ay sumamba sa Dios ng kanyang mga magulang, ngunit siya’y laging naniniwala “sa mga bagay na nasusulat sa kautusan at sa mga propeta;” at ayon sa maliwanag na turo ng mga Kasulatan, ay pinanghahawakan niya ang pananampalataya sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay. Idinagdag pa niyang adhikain ng kanyang buhay na “magkaroon ng konsyensyang walang pagkakasala sa Dios at sa tao.” Sa isang tuwirang pagsasalita, inilahad niya ang adhikain ng pagdalaw sa Jerusalem, at ang mga pangyayari sa kanyang aresto at paglilitis: “At nang makaraan nga ang ilang mga taon ay naparito ako upang magdala ng limos sa aking bansa, at ng mga hain: na ganito nila ako nasumpungang pinalinis sa templo, na walang kasamang karamihan, ni wala ring kaguluhan: datapuwat mayroon akong ilang mga Judio na galing sa Asia, na dapat magsiparito sa harapan mo, at mangagsakdal, kung may anumang laban sa akin. O kaya’y ang mga tao ring ito ang mangagsabi kung anong masamang gawa ang nasumpungan nila nang ako’y nakatayo sa harapan ng Sanhedrin, maliban na sa isang tinig na ito’y aking isinigaw ng nakatayo sa gitna nila, Tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay ako’y pinaghahatulan sa harapan ninyo sa araw na ito.”AGA 317.2

    Ang apostol ay nagsalitang may hayag na kataimtiman, at ang mga salita niya ay taglay ang bigat ng paniniwala. Si Claudio Lysia sa liham nito kay Felix, ay naghayag din ng katulad na patotoo sa mga kilos ni Pablo. Bukod dito, si Felix ay may higit na kaalaman sa relihiyon ng mga Judio kaysa iniisip ng marami. Ang simpleng paglalahad ni Pablo ng mga pangyayari ay lalong nagbigay linaw kay Felix ng motibo ng mga Judio sa pagsisikap na ipataw sa apostol ang paratang ng panunulsol laban sa pamahalaan at pagtataksil sa bayan. Ngunit ang gobernador ay hindi magpapahintulot na ang isang mamamayan ng Roma ay walang katarungang hatulan o kaya ay ipagkakaloob ito sa kanila upang kanilang mapatay ayon sa kanilang batas. Ngunit si Felix ay pigil ng pag-ibig sa papuri at ng hangaring tumaas pa sa tungkulin. Ang takot sa mga Judio ang pumigil sa kanyang ibigay ang lubos na katarungan sa isang taong alam niyang walang sala. Sa gayon ay ipinasya niyang itigil ang paglilitis hanggang si Lysia na pangulong kapitan ay dumating upang higit pang maunawaan ang tungkol sa bagay na ito.”AGA 318.1

    Si Pablo ay nanatiling bilanggo, ngunit nag-utos si Felix sa senturyong natalaga upang mangalaga kay Pablo, “na siya’y bigyang kalayaan,” o “huwag pagbawalan ang kanyang mga kasamahang maglingkod sa kanya.”AGA 318.2

    Hindi nagtagal matapos ito, ipinatawag ni Felix at asawa nitong si Drusila si Pablo sa isang pribadong pag-uusap upang madinig mula sa kanya ang “tungkol sa pananampalataya kay Kristo.” Masigasig silang nakinig tungkol sa mga bagong katotohanang ito—mga katotohanang maaaring hindi na nila madinig pa, at kung matatanggihan ay magiging mabilis na saksi laban sa kanila sa kaarawan ng Dios.AGA 318.3

    Itinuring ito ni Pablo na pagkakataong kaloob ng Dios, at matapat na kanyang sinamantala ito. Alam niyang siya ay tatayo sa harapan ng may kapangyarihang siya ay ipapatay o palayain; gayunman ay hindi niya hinarap si Felix at Drusila ng papuri. Alam niyang ang kanyang mga salita sa kanila ay magkakaroon ng lasa ng buhay o kamatayan, at sa pag-iisantabi ng lahat ng makasariling bagay, sinikap niyang gisingin ang mga ito sa pagkadama ng panganib.AGA 318.4

    Nadama ng apostol na ang ebanghelyo ay may pag-aangkin sa sinumang makaririnig nito; at balang araw sila ay tatayo sa harapan ng dakilang luklukan ng Dios na kabilang sa mga dalisay at banal, o sa mga sasabihan ni Kristo ng, “Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng kasamaan.” Mateo 7:23. Alam niyang siya ay mahaharap sa bawat isang nakinig sa kanya sa tribunal ng langit, hindi lamang dahilan sa kanyang sinalita o ginawa, kundi gayundin sa motibo at diwa ng kanyang pagsasalita at paggawa.AGA 318.5

    Gayon karahas at kalupit ang naging landas ni Felix anupa’t walang sinumang naglakas loob na magsalita sa kanya ng tungkol sa kanyang likas at ugali. Ngunit si Pablo ay walang takot sa sinumang tao. Maliwanag na inilahad niya ang kanyang pananampalataya kay Kristo, at ang mga dahilan ng kanyang pananampalataya, at hindi maiiwasang magsalita tungkol sa mga katangian ng Kristianong mahalaga sa likas, ngunit hindi masumpungan sa mayabang na mag-asawa na nasa kanyang harapan ngayon.AGA 319.1

    Itinaas niya kay Felix at Drusila ang likas ng Dios—ang Kanyang katuwiran, katarungan, pantay na pagtingin, at katangian ng Kanyang kautusan. Maliwanag na ipinakita niyang katungkulan ng taong mabuhay ayon sa katinuan at pagtitimpi, sinusupil ang mga damdamin sa ilalim ng pag-iisip, kaayon ng batas ng Dios, at nag-iingat ng mga kapangyarihang mental at pisikal sa malusog na kalagayan. Inihayag niyang tiyak na darating ang araw ng paghuhukom na ang lahat ay bibigyang ganti ayon sa mga gawa sa kanyang katawan, na doon ay maliwanag na mahahayag na ang kayamanan, posisyon, o titulo ay walang lakas na ipagkaloob sa tao ang pabor ng Dios, o iligtas man siya sa mga bunga ng kasalanan. Ipinakita niyang ang buhay na ito ay panahon para sa tao upang maghanda para sa darating na buhay. Kung magpapabaya siya sa mga kasalukuyang pagkakataon at mga karapatan, siya ay magdurusang pangwalang hanggan; walang panibagong palugit ang nakalaan sa kanya.AGA 319.2

    Si Pablo ay nagsalita tungkol sa mga kahilingan ng kautusan ng Dios. Ipinakita niya kung paanong ito ay nakaaabot kahit na sa mga malalim na lihim ng likas ng tao, at tumatanglaw sa mga bagay na lihim sa paningin at kaalaman ng tao. Anumang gawin ng kamay at salitang lumabas sa bibig ay maaaring paglalahad lamang ng walang kasakdalang likas na moral. Ang kautusan ay nagsasaliksik ng isipan, motibo, at adhikain. Ang maitim na damdaming nakatago sa paningin ng tao, ang inggit, muhi, pita, at ambisyon, ang mga masasamang gawang nabubuo sa madidilim na sulok ng kaluluwa, datapuwat hindi naisasagawa sa kawalan ng pagkakataon—lahat na ito ay hinahatulan ng batas ng Dios.AGA 319.3

    Sinikap ni Pablo na akayin ang isipan ng nakikinig sa kanya sa isang dakilang Sakripisyo para sa kasalanan. Itinuro niya ang mga sakripisyo bilang anino lamang ng mga mabubuting bagay na darating, at iniharap si Kristo bilang siyang kabuuan ng lahat ng mga seremonyang ito—ang itinuturo bilang tanging bukal ng buhay at pag-asa ng taong nagkasala. Mga banal na lalaki sa nakaraan ay iniligtas sa pananampalataya sa dugo ni Kristo. Sa pagmalas nila sa naghihingalong daing ng mga hayop na inihahain ay nakatingin sila sa pagitan ng mga panahon hanggang sa ang Kordero ng Dios na siyang mag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan ay dumating.AGA 320.1

    Matuwid na ang Dios ay nag-aangkin sa pag-ibig at pagsunod ng lahat ng Kanyang nilalang. Sa kautusan ay ipinagkaloob sa kanila ang isang sakdal na pamantayan ng matuwid. Ngunit marami ang nakalimutan ang kanilang Manlalalang, at piniling lumaban pa sa kaloobang ito ng Dios sa pagsunod sa sariling isipan. Sinuklian nila ng pag-aaway ang pag-ibig na kasintaas ng langit at kasinlawak ng sansinukob. Hindi maibababa ng Dios ang Kanyang pamantayan upang matugunan ang pamantayan ng masasamang tao; ni hindi rin naman masasapatan ng tao ang pamantayan ng Dios sa kanyang sariling kapangyarihan. Tanging sa pananampalataya kay Kristo maaaring malinis ang makasalanan mula sa parusa, at mabigyang lakas na makasunod sa batas ng kanyang Manlalalang.AGA 320.2

    Sa ganito, si Pablo na bilanggo ay nagharap sa Judio at Gentil ng mga pag-aangkin ng banal na utos, at nagpakilala kay Jesus na kinamuhiang Nazareno, bilang Anak ng Dios, ang Manunubos ng sanlibutan.AGA 320.3

    Ganap na naunawaan ng babaeng Judio ang banal na likas ng kautusan na walang kahihiyang kanyang nilabag; ngunit ang kanyang maling akala sa Tao ng Kalbaryo ang nagpatigas ng kanyang puso laban sa salita ng buhay. Ngunit kailanman ay hindi nakarinig si Felix ng ganitong mga katotohanan; at habang ang Espiritu ng Dios ay naghahatid ng aral sa kanyang puso, siya ay tunay na natigatig. Ang konsyensyang ngayon ay nagising, ang naging tinig na makapangyarihan; at nadama ni Felix na ang mga salita ni Pablo ay tunay. Ang kanyang isipan ay bumalik sa mga nakaraang pagkakasala. Sa nakatitigatig na linaw ay nakita niya ang mga lihim ng kanyang buhay na palubog at puno ng dugo, at mga madilim na tala ng mga nakaraang taon. Nakita niya ang sarili sa lupit, kalayawan, at kawalang turing. Kailanman ay di niya nakitang ganito ang katotohanan. Kailanman ay di pa napuspos ang kanyang kaluluwa ng pagkatakot. Ang isipang ang mga lihim ng kanyang buhay ay pawang lantad sa Dios, at siya’y hahatulan sa kanyang mga gawa, ay nagpanginig sa kanya sa takot.AGA 320.4

    Ngunit sa halip na maakay siya sa pagsisisi, sinikap niyang walaing kabuluhan ang ganitong hindi inaanyayahang .isipan. Ang pakikipanayam kay Pablo ay madaling tinapos. “Yumaon ka sa iyong landas sa panahong ito,” sabi niya; “at kung may pagkakataon ako, ay ipapatawag kita.”AGA 321.1

    Gaano kalawak ang pagkakaiba ng landas ni Felix at ng nagbabantay ng piitan sa Filipos! Ang mga lingkod ng Panginoon ay dinalang natatanikalaan sa bantay na ito,’ tulad ni Pablo kay Felix. Ang katibayang nalahad na sila ay tinatangkilik ng kapangyarihan ng langit, ang kanilang pagdiriwang sa gitna ng pagdurusa at kahihiyan, ang kawalang takot kapag ang lupa ay niyayanig ng lindol, at ang diwa ng pagpapatawad tulad ni Kristo, ay naghatid ng paniniwala sa puso ng bantay-piitan, at may panginginig na ito ay nagkumpisal ng mga kasalanan at nakasumpong ng pagpapatawad. Si Felix man ay nanginig, ngunit hindi siya nagsisi. Ang bantay sa piitan ay magalak na tumanggap ng Espiritu ng Dios sa kanyang puso at sa kanyang tahanan; ngunit pinaalis ni Felix ang banal na mensahero. Ang isa ay piniling maging anak ng Dios at tagapagmana ng langit; ang ikalawa ay piniling makasama ng mga manggagawa ng kasamaan.AGA 321.2

    Sa loob ng dalawang taon ay walang anumang pagkilos na ginawa laban kay Pablo, gayunman ay nanatili siyang bilanggo. Ilang beses siyang dinalaw ni Felix at matamang nakinig sa kanyang mga salita. Ngunit ang tunay na motibo sa ganitong pakikipagkaibigan sa wari ay ang hangarin ng pakinabang, at kanyang ibinadyang sa pagbabayad ng malaking halaga, si Pablo ay baka mapalaya. Ngunit ang apostol ay marangal upang hangaring mapalaya sa suhol. Hindi siya nagkasala ng anumang krimen, at hindi yuyukong gagawa ng bagay na masama upang mapalaya lamang. Bukod dito, siya ay mahirap lamang na makabayad sa kanyang pagpapalaya, at hindi rin siya hihingi ng tulong at simpatiya ng kanyang mga nahikayat. Nadama din niyang siya ay nasa kamay ng Dios, at hindi siya makikialam sa mga banal na adhikain tungkol sa kanya.AGA 321.3

    Sa wakas ay ipinatawag si Felix sa Roma dahilan sa malawakang kasamaan laban sa mga Judio. Bago ito umalis ng Cesarea upang tugunin ang tawag, inisip niyang “paluguran ang mga Judio” sa pagpapahintulot na si Pablo ay manatili pa sa bilangguan. Ngunit hindi nagtagumpay si Felix na muling makuha ang pagtitiwala ng mga Judio. Siya ay inalis sa tungkulin sa kahihiyan, at si Porcio Festo ang itinalagang kapalit niya, na ang punong tanggapan ay sa Cesarea.AGA 322.1

    Isang sinag ng liwanag ng langit ay ipinahintulot na sumikat kay Felix, nang si Pablo ay nakipagkatuwiranan sa kanya tungkol sa katuwiran, pagtitimpi, at dumarating na paghuhukom. Iyon ay pagkakataong kaloob ng langit sa kanya upang makita at iwaksi ang pagkakasala. Ngunit sinabi niya sa mensahero ng Dios, “Humayo ka sa iyong lakad sa panahong ito; at kapag may pagkakataon ako ay ipapatawag kita.” Binali wala niya ang huling alok ng kahabagan. Kailanman ay di na siya makaririnig pang muli ng pagtawag mula sa Dios.AGA 322.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents