Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Tinawag sa Lalong Mataas na Pamantayan

    Sa pag-asang maidiin sa isipan ng mga mananampalataya sa Corinto ang kahalagahan ng matatag na pagpipigil sa sarili, mahigpit na pagtitimpi, at di nagbabagong sigasig sa paglilingkod kay Kristo, ibinigay ni Pablo sa sulat sa kanila ang malinaw na paghahambing ng pakikibakang Kristiano sa mga karera sa takbuhang ginaganap paminsanminsan sa Corinto. Sa lahat ng mga palaro ng mga Griyego at Romano, ang takbuhan ang pinakamatanda at higit na pinahahalagahan. Pinanonood ito ng mga hari, mga mararangal at mga opisyal ng estado. Mga kabataang lalaki na may antas sa lipunan at mayayaman ay lumalahok, at nagsasagawa ng mga pagsisikap at disiplina upang matamo ang gantimpala.AGA 235.1

    Ang paligsahan ay nasa ilalim ng mahihigpit na patakaran, at walang pakiusap dito. Ang nagnanais na magpasok ng pangalan bilang kalahok para sa gantimpala, ay dapat munang pasailalim sa paghahandang pagsasanay. Mga nakapipinsalang panlasa, o anumang hilig na makapagpapababa ng mental o pisikal na lakas, ay ipinagbabawal na mahigpit. Para ang sinuman ay magkaroon ng pag-asang magwagi sa subukang ito ng lakas at bilis, ang mga kalamnan ay dapat na malakas at malambot, at ang mga nerbiyos ay nasa kundisyon. Bawat kilos ay dapat na tiyakan, bawat hakbang ay mabilis at tiyak; ang kapangyarihang pisikal ay dapat na nasa pinakamataas na antas.AGA 235.2

    Sa pagharap ng mga kalahok sa naghihintay na mga tao, ang kanilang mga pangalan ay binabanggit, at ang mga patakaran ng takbuhan ay malinaw na inihahayag. At sila ay magpapasimulang magkakasama, ang buong pansin ng mga nanonood ang nagpapasigla sa kanila upang maghangad na magwagi. Ang mga tagahatol ay nakaupo malapit sa katapusan, upang makita nilang malinaw ang takbuhan mula pasimula hanggang katapusan at maipagkaloob ang gantimplala sa tunay na magwawagi. Kapag ang sinuman ay mauna sa katapusan ngunit lumabag sa anumang patakaran, siya ay hindi pinagkakalooban ng gantimpala.AGA 235.3

    Sa takbuhang ito ay malaking panganib ang kaugnay. Mayroong hindi na nakakabawi pa sa kahirapang pisikal. Pangkaraniwan lamang na mayroong nadadapa sa takbuhan, duguan sa bibig at ilong, at kung minsan ay may kalahok na patay na natitimbuwang sa puntong halos nakamit na niya ang tagumpay. Ngunit ang pagkakaroon ng sugat o pinsalang habang buhay ay minamaliit para sa karangalang ipagkakaloob sa matagumpay na mananakbo.AGA 236.1

    Sa pag-abot ng nagtagumpay sa kanyang mithiin, ang palakpakan ng karamihan ang madidinig at aalingawngaw sa mga karatig na burol at kabundukan. Sa buong pangmasid ng karamihan, ipagka-kaloob ng hukom ang sagisag ng tagumpay—isang koronang laurel, at isang sanga ng palma sa kanyang kanang kamay. Ang kapurihan niya ay aawitin sa buong lupain; ang mga magulang niya ay kabahagi sa parangal na ito; at kahit na ang siyudad na kanyang tinitirhan ay pinagpapahalagahan sa pagkakaloob ng isang dakilang adetang katulad niya.AGA 236.2

    Sa pagbanggit sa mga takbuhang ito bilang sagisag ng pakikibakang Kristiano, idiniin ni Pablo ang paghahandang kailangan sa tagumpay ng mga kalahok sa karera—ang pang-unang disiplina, ang pagkaing may pagtitimpi, ang pagpipigil sa sarili. “Ang bawat tao na nakikipaglaban sa mga palaruan ay mapagpigil sa lahat ng mga bagay.” Ang mga mananakbo ay isinasaisantabi ang bawat pagmamalabis na magpapahina ng pisikal na lakas, at sa mahigpit at patuloy na disiplina ay sinasanay ang mga kalamnan upang lumakas at makatagal, upang sa araw ng takbuhan ay magamit nilang sukdulan. Gaano pang higit na mahalaga para sa Kristiano, na mga walang hanggang interes ang kasangkot, na ang bawat panlasa at damdamin ay masupil ng katuwiran at kalooban ng Dios! Kailanman ay di niya dapat pahintulutang ang buong pansin ay manakaw ng mga libangan, luho, o ginhawa. Lahat ng kanyang ugali at damdamin ay dapat mapasailalim sa pinakamahigpit na disiplina. Ang pangangatuwirang nagliwanag sa mga turo ng salita ng Dios at pinapatnubayan ng Kanyang Espiritu ang dapat humawak ng renda.AGA 236.3

    Matapos magawa ito, ang Kristiano ay dapat magsikap na lubos upang makamtan ang tagumpay. Sa mga palaro sa Corinto, ang mga huling hakbang ay katumbas ng pinakabuhos na pagsisikap upang mapanatili ang bilis. Gayon din ang Kristiano, habang nalalapit sa mithiin, ay dapat magpatuloy sa higit na sigasig at tatag kaysa nang siya ay nagsimula.AGA 236.4

    Inihambing ni Pablo ang kumukupas na laurel ng nagtagumpay sa takbuhan, sa korona ng walang hanggang kaluwalhatian na ibibigay sa kanyang magtatagumpay sa takbuhang Kristiano. “Ginagawa nila ito upang magtamo ng koranang nasisira; ngunit tayo ay ng hindi nasisira.” Upang magtamo ng gantimpalang lumilipas, ang mga mananakbong Griyego ay hindi inalintana ang paggawa at disiplina. Datapuwat tayo ay nagsisikap para sa isang gantimpalang higit at higit na mahalaga, ang putong ng walang hanggang buhay. Gaano nga higit na tayo ay dapat maging maingat sa ating mga pagsisikap, gaano nga higit na maging laang magsakripisyo at tumanggi sa sarili!AGA 237.1

    Sa mga sulat sa Hebreo ay tinutukoy ang adhikain ng pusong dapat maging likas ng KristianOng tumatakbo ukol sa walang hanggang buhay: “Itabi nating walang liwag ang bawat pasan at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin, na masdan natin si Jesus na gumawa at sumakdal sa ating pananampalataya.” Hebreo 12:1, 2. Ang inggit, masamang isipan, malisya, masamang salita, kasakiman— ang mga ito ay pabigat na kailangang iwaksi ng Kristiano kung nais niyang takbuhing matagumpay ang karera na ukol sa imortalidad. Bawat ugali at gawang umaakay sa kasalanan at nagbibigay kahihiyan kay Kristo, ay dapat itakwil, anuman ang kailangang sakripisyo. Ang pagpapala ng langit ay hindi ukol sa taong lalabag sa mga walang hanggang simulain ng katuwiran. Isang kasalanang minamahal ay sapat upang gumawa ng pagpapasama sa likas, at aakay sa iba sa kapahamakan.AGA 237.2

    “Kung ang kamay mo ay magpapatisod sa iyo,” sabi ng Tagapagligtas, “putulin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw, kaysa may dalawang kamay kang mapasa impiyerno, sa apoy na hindi mapapatay. At kung ang paa mo’y makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo: mabuti pang pumasok kang pilay sa buhay kaysa may dalawang paa kang mabulid sa impiyerno.” Marcos 9:4345. Kung kailangang putulin ang kamay o paa, o dukitin ang mata upang makapasok sa buhay, gaano nga kasikap na ang Kristiano ay dapat magtakwil ng kasalanan, na naghahatid ng kamatayan sa kaluluwa!AGA 237.3

    Ang mga kalahok sa sinaunang mga palarong ito, matapos pasailalim sa pagtanggi sa sarili at mahigpit na disiplina, ay hindi pa rin nakatitiyak ng tagumpay. “Hindi baga ninyo nalalaman,” wika ni Pablo, “na silang kalahok sa takbuhan ay tumatakbong lahat, datapuwat iisa ang nagtatagumpay?” Gaano man kasikap at kasigasig ang lahat ng mananakbo, ang gantimpala ay ukol lamang sa isa. Isang kamay ang makahahawak ng minimithing korona. May magsisikap nang lubusan upang makamit ang tagumpay, ngunit sa sandaling mahahawakan na ang gantimpala, biglang may ibang kamay ang maaaring umagaw nito.AGA 237.4

    Ngunit kaiba sa pakikibakang Kristiano. Walang sinumang tutupad sa mga kahilingan ang mabibigo sa katapusan ng takbuhan. Walang sinumang masikap at nagpunyagi ang mabibigo. Ang karera ay hindi sa mabilis, o ang pagbabaka ay ukol sa malakas. Ang pinakamahinang banal, gayon din ang pinakamalakas, ay maaaring magsuot ng korona ng walang hanggang kaluwalhatian. Lahat ay maaaring magwagi, na sa kapangyarihan ng biyaya ng Dios, ay magpapasakop ng kanilang mga buhay sa kalooban ni Kristo. Ang pagsasanay, ang mga detalye ng buhay, ang mga simulaing inilahad sa salita ng Dios, ay madalas na niwawalang kabuluhan—isang bagay na napakawalang kwenta upang pansinin. Ngunit sa harapan ng dakilang isyung nakataya, walang bagay na napakaliit upang makatulong o makahadlang. Bawat gawa ay may bigat sa timbangang nagpapasiya ukol sa tagumpay o kabiguan sa buhay. Ang gantimpalang kaloob sa kanilang magwawagi ay magiging kasukat ng lakas at sigasig sa pagsisikap.AGA 238.1

    Inihambing ng apostol ang sarili sa isang mananakbo na ang buong pagsisikap ay ginagawa upang magwagi. “Ako nga’y tumatakbo sa ganitong paraan,” kanyang sinabi, “hindi gaya ng nagsasapalaran; sa ganito rin ako’y sumusuntok, na hindi gayang sumusuntok sa hangin: ngunit hinahampas ko ang aking katawan, at aking sinusupil: baka sakaling sa anumang paraan, pagkapangaral ko sa iba, ay ako rin ay itakwil.” Upang hindi siya tumakbong walang kasiguruhan o sa alasuwerteng takbukhan ng mga Kristiano, itinalaga ni Pablo ang sarili sa dibdibang pag-eensayo. Ang mga salita, “Ngunit hinahampas ko ang aking katawan,” ang literal na kahulugan nito ay labanan na may mahigpit na disiplina ang mga bugso ng damdamin, at mga masidhing nais.AGA 238.2

    May pangamba si Pablo na matapos siyang makapangaral sa iba, siya na rin ay maitakwil. Nadama niyang kung hindi niya maisa- kabuhayan ang mga simulaing pinaniniwalaan at ipinangangaral, ang paggawa niya para sa iba ay mawawalang kabuluhan. Ang kanyang pagkahikayat, impluwensya, pagtanggi sa pagmamalabis sa sarili, ay dapat maghayag na ang kanyang relihiyon ay hindi lamang isang pagpapanggap, kundi isang buhay na kaugnayan sa Dios sa bawat araw. Iisang mithiin ang laging nasa harapan niya at taimtim na nagsikap upang abutin—“ang katuwiran ng Dios sa pananampalataya.” Filipos 3:9.AGA 238.3

    Alam ni Pablo na ang kanyang pakikibaka ay panghabang buhay. Lagi niyang nadadama ang pangangailangan ng mahigpit na pagbabantay sa sarili, upang ang makalamang naisin ay hindi mangibabaw sa espirituwal na sigasig. Buong kapangyarihang nakipagpunyagi siya sa mga natural na hilig. Laging nakalagay sa kanyang harapan ang pamantayang dapat abutin, at ito ay lagi niyang pinagsikapang abutin sa pagiging laang sumunod sa kautusan ng Dios. Ang kanyang mga salita, gawa, at damdamin—ang lahat ay ipinasakop sa kontrol ng Espiritu ng Dios.AGA 239.1

    Ang nag-iisang adhikaing ito na magtagumpay sa takbuhan ng walang hanggang buhay ang nais ni Pablo na makita sa kabuhayan ng mga mananampalataya sa Corinto. Alam niyang upang maabot ang kahilingan ng Dios para sa kanila, kailangang harapin nilang walang pahinga ang pakikipagbaka sa buhay. Sumamo siya sa kanilang sa bawat araw ay magsikap na magpakabanal at magtamong kagalingang moral. Sumamo siyang alisin ang anumang pasan at magpatuloy sa mithiin ng kasakdalan kay Kristo.AGA 239.2

    Itinuro ni Pablo ang mga taga Corinto sa mga karanasan ng sinaunang Israel, sa mga pagpapalang naging pabuya ng kanilang pagsunod, at sa mga hatol na kasunod ng kanilang pagsalangsang. Ipinaalaala niya sa kanila ang mga milagro ng Dios sa pag-akay sa mga Hebreo mula sa Egipto, sa proteksyon ng ulap sa araw at haliging apoy kung gabi. Mapanatag na sila ay nakatawid sa Dagat na Pula, samantalang ang mga Egipsyong nagsisikap makatawid ay nangalunod na lahat. Sa mga gawang ito ay kinilala ng Dios ang Israel bilang Kanyang iglesia. Sila’y “nagsikain ng espirituwal na pagkain; at nagsiinom ng espirituwal na inumin: sapagkat uminom sila sa espirituwal na Batong sumunod sa kanila: at ang Batong yaon ay si Kristo.” Sa lahat ng paglalakbay ng mga Hebreo, si Kristo ang kanilang lider. Ang batong pinalo ay anino ni Kristo, na masusugatan para sa pagkakasala ng tao, upang ang daloy ng kaligtasan ay umagos sa lahat.AGA 239.3

    Sa kabila ng pagtinging ipinakita ng Dios sa mga Hebreo, gayunman, dahilan sa pag-ibig nila sa mga karangyaang naiwan sa Egipto, at dahilan sa kanilang pagkakasala at paghihimagsik, ang mga hatol ng Dios ay dumating sa kanila. Nanawagan ang apostol sa mga mananampalataya sa Corinto na sundin ang mga liksyong napapaloob sa karanasan ng Israel. “Ang mga bagay na ito ay halimbawa,” kanyang pinahayag, “upang tayo ay hindi magnasa ng mga masasamang bagay, na kanilang ninasa.” Ipinakita niya kung paanong ang pag-ibig sa kaginhawahan at kalayawan ang naghanda ng daan sa mga kasalanang nagpagalit sa Dios. Nang ang Israel ay naupo upang kumain at uminom, at tumayo upang maglaro, kanilang itinakwil ang pagkatakot sa Dios, na kanilang nadama habang nakikinig sa pagbibigay ng kautusan; at sa paggawa ng guyang ginto upang sambahin ito. Matapos ang isang maluhong kapistahan kaugnay ng pagsamba kay Baalpeor, marami sa mga Hebreo ang nahulog sa kamunduhan. Ang galit ng Dios ay napukaw, at sa Kanyang utos “tatlo at dalawampung libo” ay pinaslang ng peste sa araw na iyon.AGA 240.1

    Nagbabala ang apostol sa mga taga Corinto, “Siyang nag-aakalang siya’y nakatayo ay mag-ingat na baka siya ay mahulog.” Kung sila ay magiging mayabang at kompiyansa sa sarili, na magpapabaya sa pagbabantay at pananalangin, sila ay mahuhulog sa mga malalang kasalanan, at hihilahin ang galit ng Dios. Gayunman hindi nais ni Pablo na sila ay manlupaypay o magmukmok. Ibinigay niya sa kanila ang kasiguruhan: “Ang Dios ay tapat, na hindi niya tutulutang ang sinuman ay matukso na higit sa kanyang makakayanan; kundi magkakaloob ng paraan ng pagtakas sa tukso, upang inyong makayanan ito.”AGA 240.2

    Pinasigla ni Pablo ang mga kapatid na magtanong sa sarili kung ano ang mga nagawa nila para sa iba, at huwag gagawa ng anumang bagay na magpapahintulot sa pasamba sa diyus-diyusan, o magbibigay katitisuran sa mga mahihina pa sa pananampalataya. “Maging kayo man ay nagsisikain, o nagsisiinom, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyong lahat sa ikaluluwalhati ng Dios. Huwag magbigay ng anumang katitisuran, sa mga Judio o sa Gentil man, o sa iglesia ng Dios.”AGA 240.3

    Ang mga babala ng apostol sa iglesia sa Corinto ay angkop sa lahat ng panahon, at lalong angkop sa ating panahon ngayon. Ang idolatriya ay hindi lamang pagsamba sa mga diyus-diyusan, kundi paglilingkod din sa sarili, pag-ibig sa kaginhawahan, pagsunod sa layaw ng panlasa at damdamin. Ang karaniwang pagpapanggap ng pananampalataya kay Kristo, ang mayabang na kaalaman ng katotohanan, ay hindi ginagawang Kristiano ang isang tao. Ang isang relihiyong nagsisikap na bigyang kasiyahan ang mata, ang tainga, at ang panlasa, o sumusunod sa pagpapasasa sa sarili, ay hindi siyang relihiyon ni Kristo.AGA 240.4

    Sa paghahambing ng iglesia sa katawan ng tao, angkop na inilarawan ng apostol ang malapit at katugmang kaugnayang dapat makita sa mga kaanib ng iglesia ni Kristo. “Sapagkat sa isang Espiritu,” kanyang sinulat, “ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo’y Judio o Gentil, maging mga alipin o laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu. Sapagkat ang katawan ay hindi iisang sangkap, kundi marami. Kung sasabihin ng paa, sapagkat hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito’y hindi sa katawan? At kung sasabihin ng tainga, Sapagkat hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito’y hindi sa katawan? Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan naroroon ang pakinig? Kung ang lahat ay pawang pakinig, saan naroroon ang pang-amoy? Datapuwat ngayo’y inilagay ng Dios ang bawat isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa Kanyang minagaling. At kung ang lahat nga’y pawang isang sangkap, saan naroroon ang katawan? Datapuwat maraming mga sangkap nga, ngunit iisa ang katawan. At hindi makapagsasabi ang mata sa kamay, Hindi kita kinakailangan: at hindi rin ang ulo sa mga paa, Hindi ko kayo kailangan.... Hinusay ng Dios ang katawan, na binigyan ng lalong saganang puri yaong sangkap na may kakulangan: upang huwag magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkakatulad na pag-iingat sa isa’t isa. At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya. Kayo nga ang katawan ni Kristo, at bawat isa’y sasamang sangkap niya.”AGA 241.1

    Matapos ito, at mula noon hanggang ngayon sa mga salitang nagbibigay sigla at inspirasyon sa lahat ng tao, ibinigay ni Pablo ang kahalagahan ng pag-ibig na dapat pakamahalin ng mga alagad ni Kristo: “Kung ako’y magsalita ng mga wika ng mga tao at mga anghel, datapuwat wala akong pag-ibig, ay ako’y naging tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw. At kung magkaroon ako ng kaloob ng propesiya, at maalaman ko ang lahat ng mga hiwaga, at ang lahat ng kaalaman; at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya, na anupa’t mapalipat ko ang mga bundok, datapuwat wala akong pag-ibig, ay wala akong kabuluhan. At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking mga tinatangkilik upang ipakain sa mga dukha, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, datapuwat wala akong pag-ibig, ay walang pakikinabangin sa akin.”AGA 241.2

    Gaano man kataas ang pag-aangkin, siyang ang puso ay hindi puspos ng pag-ibig sa Dios at sa kapwa, ay hindi tunay na alagad ni Kristo. Bagama’t magtaglay siya ng dakilang pananampalataya at may kapangyarihang gumawa ng mga milagro, gayunman ay walang pag-ibig ay wala ring kabuluhan ang kanyang pananampalataya. Maaaring sagana siyang magbigay ng tulong; ngunit kung ang pagbibigay niya, ang motibo ay iba kaysa pag-ibig, at kung ibigay niyang lahat ang kayamanan niya sa mga dukha, ang gawang ito ay hindi rin makalulugod sa Dios. Sa kanyang sigasig ay maaari pa siyang mamatay na isang martir, ngunit kung hindi bunsod ng pagibig, ang magiging turing sa kanya ng Dios ay isang tagasunod na sira ang tuktok o ambisyosong ipokrito.AGA 242.1

    “Ang pag-ibig ay mapagpahinuhod, at magandang loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.” Ang pinakadalisay na kagalakan ay bumubukal mula sa pinakamalalim na pagkaaba. Ang pinakamalakas at pinakamarangal na likas ay nakatatag sa pundasyon ng pagtitiis, pag-ibig, at pagpapasakop sa kalooban ng Dios.AGA 242.2

    Ang pag-ibig “ay hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang kanyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama.” Ang pag-ibig na katulad kay Kristo ay nagbibigay ng pinakamagandang haka sa mga motibo at gawa ng iba. Hindi ito naglalantad ng kamalian kung hindi marapat; hindi ito sabik makinig sa mga ulat na hindi maganda, sa halip ay nagsisikap na ibangon ang magagandang katangian ng iba.AGA 242.3

    Ang pag-ibig ay “hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan; lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis.” Ang pag-ibig “ay hindi nagkukulang kailanman.” Hindi ito mawawalan ng halaga; sa kanyang makalangit na katangian. Bilang mahalagang kayamanan, ito ay madadala ng sinuman hanggang sa pintuan ng siyudad ng Dios.AGA 242.4

    “Datapuwat ngayo’y nanatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang pag-asa, at ang pag-ibig; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.”AGA 243.1

    Sa pagbaba sa pamantayan ng mga mananampalataya sa Corinto, mayroong bumitaw sa mga pangunahing pagkakakilanlan ng kanilang pananampalataya. Mayroong umabot sa puntong ikaila ang doktrina ng pagkabuhay na muli. Hinarap ni Pablo ang erehe ng payak at malinaw na patotoo ng pagkabuhay na muli ni Kristo. Inihayag niyang matapos mamatay si Kristo, “Siya ay bumangong muli nang ikatlong araw ayon sa Kasulatan,” at matapos ito ay “nakita ni Cefas, at ng Labindalawa: at nakita pa ng mga limang daang kapatid na minsanan; na ang kalakhang bahagi ng mga ito ay buhay pa ngayon, ngunit ang ilan ay nangatulog na. Matapos ito, ay nakita Siya ni Santiago; at ng lahat ng mga apostol. At sa wakas ay nakita ko rin.”AGA 243.2

    Taglay ang kapangyarihan, inilahad ng apostol ang dakilang katotohanan ng pagkabuhay na mag-uli. “Sapagkat kung hindi muling binubuhay ang mga patay,” kanyang sinabi, “ay hindi rin nga muling binuhay si Kristo: at kung si Kristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan, kayo’y nasa inyong mga kasalanan pa. Kung gayon nga, ang mga nangatutulog din naman kay Kristo ay pawang nangapahamak. Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Kristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabag-habag. Datapuwat si Kristo nga’y muling binuhay sa mga patay na Siya ay naging pangunahing bunga ng nangatutulog.”AGA 243.3

    Dinala ng apostol ang mga isipan ng mga kapatid sa Corinto sa mga tagumpay ng umaga ng pagkabuhay na muli tungo sa hinaharap, kapag ang lahat ng mga banal na natutulog ay ibabangon na upang mabuhay sa walang hanggan kasama ng kanilang Panginoon: “Narito,” pahayag ng apostol, “isinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: Hindi tayong lahat ay mangatutulog, ngunit tayong lahat ay babaguhin, sa isang sandali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagkat tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na mag-uli na walang kasiraan, at tayo’y babaguhin. Sapagkat kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan. Saan naroon, O kamatayan ang iyong pagtatagumpay? Saan naroon O kamatayan ang iyong tibo?... Datapuwat salamat sa Dios, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.”AGA 243.4

    Alaluwalhati ang tagumpay na naghihintay sa mga tapat. Sa pagkadama ng apostol sa mga maaaring maganap sa mga mananampalataya sa Corinto, sinikap niyang ilahad sa kanila ang mga bagay na magaangat mula sa makasarili at senswal, at luluwalhad sa buhay na may pag-asa ng kawalang kamatayan. Maningas na nagpayo siya upang sila’y maging tapat sa mataas na pagkakatawag sa kanila kay Kristo. “Mga kapatid kong minamahal,” ang kanyang pakiusap, “kayo’y magsitatag, huwag makilos, na laging sumagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.”AGA 244.1

    Sa ganito ay sinikap ng apostol na sa tiyakan at madiing paraan ay maituwid ang mga mali at mapanganib na isipan at gawang namamayani sa iglesia sa Corinto. Maliwanag, ngunit may pag-ibig na nagsalita siya sa tao. Sa mga babala at sansala, ang liwanag mula sa trono ng Dios ay nagningning sa kanila, upang maghayag ng mga kasalanang lihim na nagpapasama ng kanilang kabuhayan. Paano kaya ito tatanggapin?AGA 244.2

    Matapos ipadala ang liham, nangamba si Pablo na ang isinulat niya ay lubhang makasugat sa kanila na nais niyang makinabang dito. Nangamba rin siyang ang mga ito ay lumayong lubusan, at kung minsan ay ninais niyang bawiin ang liham. Sila, na katulad ng apostol, ay may nadadamang kapanagutan sa mga minamahal na iglesia at institusyon, ay higit na makauunawa sa kalungkutan ng kanyang diwa. Ang mga lingkod ng Dios ngayon na nagpapasan ng kanyang gawain ay alam ang katulad na karanasan ng paggawa, bagabag at pagkabahalang nadama ng dakilang apostol. Pinabibigat pa ang damdamin ng mga pagkakabahagi sa iglesia, nakatatagpo ng kawalang pasasalamat at pagkakanulo ng ilang inaasahan sa simpatiya at tangkilik, nakadadama ng panganib sa mga iglesiang nagmamahal sa kalikuan, napipilitang magtaglay ng tuwiran at nananaliksik na patotoong sansala sa nagkakasala, siya ay nabibigatan din ng pangamba na baka lubhang malupit ang kanyang pakikitungo sa kanila. May panginginig at bagabag na naghintay siya ng balita tungkol sa naging pagtanggap sa kanyang liham.AGA 244.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents