Kapitulo 19—Ano Kung Gawin Niyang Midi?
LUMAPIT si Pedro kay Kristo at nagtanong, “Makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin, na siya'y aking patatawarin? hanggang sa makapito?” Hanggang sa tatlong pagkakasala lamang nagpapatawad ang mga rabi. Sa pagsasakatuparan ni Pedro ng aral ni Kristo, gaya ng palagay niya'y ginagawa niya, ay naisip niyang paabutin iyon hanggang sa pito, ang bilang na nagpapahiwatig ng kasakdalan. Subali't itinuro ni Kristo na hindi tayo kailanman dapat mapagod sa pagpapatawad. Hindi, “Hanggang sa makapito,” sabi Niya, “kundi, Hanggang sa makapitumpung pito.”MP 248.1
Pagkatapos ay ipinakilala Niya ang tunay na batayan ng pagkakaloob ng kapatawaran, at ang panganib ng pagkikimkim ng diwang di-mapagpatawad. Sa isang talinhaga ay isinalaysay Niya ang tungkol sa pakikipagusap ng isang hari sa mga nangangasiwa ng kanyang pamahalaan. Ang ilan sa mga nangangasiwang ito ay nangagsitanggap ng napakalalaking halaga ng salaping ukol sa estado o pamahalaan. Nang magsiyasat ang hari sa pangangasiwa nila ng tungkuling ito, ay may iniharap sa kanyang isang lalaki na nagpapakilalang may utang sa kanyang panginoon na malaking halagang sampung libong talento. Wala itong sukat ikabayad, at ayon sa kaugalian, iniutos ng haring ito'y ipagbili, at lahat ng ti- natangkilik nito, upang ito'y makabayad. Nguni't ang takot na takot na lalaki ay nagpatirapa sa kanyang paanan at nakiusap na mabuti sa kanya, na nagsasabi, “Pagtiisan mo ako, at pagbabayaran ko sa iyong lahat. Nang magkagayo'y nahabag ang panginoon sa aliping yaon, at pinawalan siya, at ipinatawad sa kanya ang utang.MP 248.2
“Datapwa't lumabas ang aliping yaon, at nasumpungan ang isa sa mga kapwa niya alipin, na sa kanya'y may utang na sandaang denaryo; at kanyang hinawakan siya, at sinakal niya, na sinasabi, Bayaran mo ang utang mo. Kaya't nagpatirapa ang kanyang kapwa alipin, at namanhik sa kanya, na nagsasabi, Pagtiisan mo ako, at ikaw ay pagbabayaran ko. At siya'y ayaw; at yumaon at siya'y ipinabilanggo, hanggang sa magbayad siya ng utang. Nang makita nga ng kanyang mga kapwa alipin ang nangyari, ay nangamanglaw silang lubha, at nagsiparoon at isinaysay sa kanyang panginoon ang lahat ng nangyari. Nang magkagayo'y pinalapit siya ng kanyang panginoon, at sa kanya'y sinabi, Ikaw na aliping masama, ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na yaon, sapagka't ipinamanhik mo sa akin: hindi baga dapat na ikaw naman ay mahabag sa iyong kapwa alipin, na gaya ko namang nahabag sa iyo? At nagalit ang kanyang panginoon, at ibinigay siya sa mga tagapagpahirap, hanggang sa siya'y magbayad ng lahat ng utang.”MP 249.1
Ang talinhagang ito ay nagbibigay ng mga bagay na pawang kinakailangan upang magkalaman ang larawan, nguni't ito'y walang katulad sa kahalagahang ukol sa espiritu. Ang pansin ay hindi dapat mapabaling sa mga ito. Mga tiyak na katotohanan ang inilalarawan, at ito ang dapat pag-ukulan ng ating pag-iisip.MP 249.2
Ang pagpapatawad na ibinigay ng haring ito ay kumakatawan sa pagpapatawad ng Diyos sa lahat ng kasalanan. Kumakatawan si Kristo sa hari, na, palibhasa'y nakilos ng pagkaawa, ay pinatawad ang utang ng kanyang alipin. Ang tao'y nasa ilalim ng paghatol ng nila- bag na kautusan. Hindi niya maililigtas ang sarili niya, at dahil dito ay naparito si Kristo sa sanlibutan, na dinamtan ang Kanyang pagka-Diyos ng pagka-tao, at ibinigay ang Kanyang buhay, ang ganap para sa di-ganap. Ibinigay Niya ang Kanyang sarili para sa ating mga kasalanan, at naghahandog Siya nang walang-bayad na kapatawarang binili ng dugo sa bawa't kaluluwa. “Sa Panginoon ay may kaawaan, at sa Kanya ay may saganang katubusan.”MP 249.3
Narito ang mapagbabatayan ng ating pagkaawa sa ating mga kapwa-makasalanan. “Kung tayo'y inibig ng Diyos nang gayon, ay nararapat na mangag-ibigan din naman tayo.” “Tinanggap ninyong walang-bayad,” sabi ni Kristo, “ay ibigay ninyong walang-bayad.”MP 250.1
Sa talinhaga, nang makiusap ang may-utang na bigyan pa siya ng ilang araw na may kalakip na pangakong, “Pagtiisan mo ako, at pagbabayaran ko sa iyong lahat,” ay iniurong ng hari ang ipinasiyang hatol. Ang buong pagkakautang ay pinatawad. At siya naman ay karakang binigyan ng pagkakataong matularan ang halimbawa ng panginoong nagpatawad sa kanya. Sa kanyang paglabas, nasalubong niya ang kanyang kapwa-aliping may utang na maliit na halaga sa kanya. Ang ipinatawad sa kanya ng hari ay sampung libong talento, ang may-utang naman sa kanya ay nagkakautang ng sandaang denaryo. Nguni't siya na buong kaawaang pinakitunguhan ng kanyang panginoong hari, ay nakitungo naman sa kanyang kapwa-manggagawa sa isang paraang lubhang kaiba. Ang may-utang sa kanya ay nakiusap din na gaya ng pakikiusap niya sa hari, nguni't hindi nagkaroon ng gayunding bunga. Siya na hindi pa lubhang naluluwatang pinatawad ay hindi naging malambot ang puso at hindi naging maawain, Ang kahabagang ipinakita sa kanya ay hindi naman niya ipinakita sa kanyang kapwa-alipin. Winalang-halaga niya ang pakiusap sa kanya na siya sana'y maging matiisin. Ang maliit na hala- gang inutang sa kanya ay siyang laging isinaisip ng walang-utang-na-loob na alipin. Hiningi niyang lahat ang sa palagay niya'y kaukulang dapat niyang tanggapin, at ipinatupad ang hatol na gaya ng inihatol sa kanya na buong kabiyayaang iniurong ng kanyang panginoong hari alang-alang sa kanya.MP 250.2
Gaano nga karami ang nagpapamalas ng ganito ring diwa ngayon. Nang magmakaawa ang may-utang sa kanyang panginoon, ay wala siyang tunay na pagkadama sa kalakihan ng kanyang utang. Hindi niya nadama ang kanyang kawalang-kaya. Umasa na lamang siyang maililigtas niya ang kanyang sarili. “Pagtiisan mo ako,” wika niya, “at pagbabayaran ko sa iyong lahat.” Kaya marami rin namang umaasa na matatamo nila ang lingap ng Diyos sa pamamagitan ng sarili nilang mga gawa. Hindi nila nadarama ang kawalan nilang magagawa. Hindi nila tinatanggap na isang walang-bayad na kaloob ang biyaya ng Diyos, kundi pinagsisikapan nilang mapagingbanai ang sarili nila. Ang sarili nilang mga puso ay hin-di nagpapakumbaba sa kanilang pagkakasala, at sila'y mahihigpit at walang-patawad sa mga iba. Ang mga pagkakasala nila laban sa Diyos, kung ihahambing sa mga pagkakasala sa kanila ng kanilang mga kapatid, ay gaya ng sampung libong talento sa sandaang denaryo,— halos isang angaw sa isa; at gayunpama'y nangangahas pa rin silang maging mga walang-patawad.MP 251.1
Sa talinhaga ay ipinatawag ng panginoon ang walang-awang may-utang, at “sa kanya'y sinabi, Ikaw na aliping masama, ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na yaon, sapagka't ipinamanhik mo sa akin; hindi baga dapat na ikaw naman ay mahabag sa iyong kapwa alipin, na gaya ko namang nahabag sa iyo? At nagalit ang kanyang panginoon, at ibinigay siya sa mga tagapagpahirap, hanggang sa siya'y nagbayad ng lahat ng utang.” “Kaya gayundin naman,” wika ni Jesus, “ang gagawin sa inyo ng Aking Ama na nasa Kalangitan, kung” hindi ninyo patatawarin sa inyong mga puso, ng bawa't isa ang kanyang kapatid.” Siya na ayaw magpatawad, ay hindi rin naman makaaasa na patatawarin.MP 251.2
Subali't ang itinuturo ng talinhagang ito ay hindi dapat gamitin nang may kamalian. Ang pagpapatawad sa atin ng Diyos ay hindi nagbabawas sa anumang paraan sa tungkulin nating Siya'y talimahin. Kaya ang espiritu o diwa ng pagpapatawad sa ating mga kapwa-tao ay hindi nakababawas sa inaangkin ng makatwirang tungkulin. Sa panalanging itinuro ni Kristo sa Kanyang mga alagad ay sinabi Niya, “Ipatawad Mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin.” Hindi ang ibig Niyang sabihin nito ay hindi na natin hihingin ang kaukulang bayad sa atin ng mga may-utang sa atin upang tayo ay patawarin sa ating mga kasalanan. Kung hindi sila makapagbayad, kahit na ito'y magburiga ng di-matalinong pangangasiwa, ay hindi sila dapat na ibilanggo, sikilin o apihin, ni hindi sila dapat pakitunguhan nang marahas; subali't hindi naman itinuturo sa atin ng talinhaga ang pagtatamad-tamaran. Sinasabi ng salita ng Diyos na kung ang isang tao ay ayaw gumawa, hindi rin naman siya dapat kumain. Hindi hinihingi ng Panginoon sa taong nagtatrabaho na itaguyod niya ang pagtatamad-tamaran ng iba. Marami ang nag-aaksaya ng panahon, kulang sa pagsisikap, kaya ang ibinubunga ay ang pagdaralita at pagsasalat. Kung hindi maitutuwid ang mga kamaliang ito ng mga gumagawa nito, ang lahat ng maaaring gawin para sa kapakanan nila ay magiging tulad sa paglagay ng kayamanan sa isang supot na may mga butas. Nguni't mayroon namang pagsasalat o karukhaan na dimaiiwasan, at sa mga ganito na kinukulang-palad ay dapat tayong magpakita ng pagmamahal at pagkahabag. Dapat nating pakitunguhan ang iba na gaya ng nanaisin nating ipakitungo sa atin, kung tayo'y nasa mga gayunding kalagayan.MP 252.1
Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay inaatasan ta- yo ni Apostol Pablo: “Kaya nga kung mayroong anumang kasiglahan kay Kristo, kung mayroong anumang kaaliwan ng pag-ibig, kung mayroong anumang pakikisama ng Espiritu, kung mayroong anumang mahinahong awa at habag, ay lubusin ninyo ang aking katuwaan, upang kayo'y mangagkaisa ng pag-iisip, mangagtaglay ng isa ring pag-ibig, na mangagkaisa ng akala, at isa lamang pag-iisip. Huwag ninyong gawin ang anuman sa pamamagitan ng pagkakampi-kampi o sa pamamagitan ng pagpapalalo; kundi sa kababaan ng pag-iisip, na ipalagay ng bawa't isa ang iba na lalong mabuti kaysa kanyang sarili. Huwag tingnan ng bawa't isa sa inyo ang sa kanyang sarili, kundi ang bawa't isa naman ay sa iba't iba. Mangagkaroon kayo sa inyo ng pag-iisip, na ito'y kay Kristo Jesus din naman.”MP 252.2
Nguni't ang kasalanan ay hindi dapat ipagwalangbahala. Iniuutos sa atin ng Panginoon na huwag nating pabayaang magkasala ang ating kapatid. Sinasabi Niya, “Kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya.” Ang kasalanan ay dapat tawagin sa tunay nitong pangalan at ito'y dapat ipakilala nang buong liwanag sa harap ng nagkakasala.MP 253.1
Sa kanyang payo kay Timoteo, si Pablo, na sumulat sa pamamagitan ng pagkasi ng Espiritu Santo, ay nagsasabi, “Magsikap ka sa kapanahunan, at sa di-kapanahunan; sumawata ka, sumaway ka, mangaral ka na may buong pagpapahinuhod at pagtuturo.” At kay Tito ay sumulat siya, “Maraming mga suwail na mapagsalita ng walang-kabuluhan at mga magdaraya. . . . Dahil dito'y sawayin mong may kabagsikan sila, upang sila'y mangagpagaling sa pananampalataya.”MP 253.2
“Kung magkasala laban sa iyo ang kapatid mo,” sabi ni Kristo, “pumaroon ka at ipakilala mo sa kanya ang kanyang kasalanan na ikaw at siyang mag-isa: kung ikaw ay pakinggan niya, ay nagwagi ka sa iyong kapatid. Datapwa't kung hindi ka niya pakinggan, ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawang saksi o tatlo ay mapagtibay ang bawa't salita. At kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesya: at kung ayaw rin niyang pakinggan ang iglesya, ay ipalagay mo siyang tulad sa Hentil at maniningil ng buwis.”MP 253.3
Itinuturo ng ating Panginoon na ang mga bagay na di-pagkakaunawaan ng mga Kristiyano ay dapat lutasin at ayusin sa loob ng iglesya. Hindi dapat ihayag ito sa harap ng mga hindi natatakot sa Diyos. Kung ang isang Kristiyano ay pinagkasalahan ng kanyang kapatid, ay hindi siya dapat magsakdal sa mga di-sumasampalatayang nasa hukuman ng katarungan. Dapat niyang sundin ang tagubiling ibinigay ni Kristo. Sa halip na pagsikapang ipaghiganti ang sarili, sikapin niyang iligtas ang kanyang kapatid. Iingatan ng Diyos ang mga kapakanan ng mga nagsisiibig at natatakot sa Kanya, at may pagtitiwalang maipagkakatiwala natin ang ating usapin sa Kanya na humahatol nang matwid.MP 254.1
Napakalimit mangyari na kapag paulit-ulit ang paggawa ng mga kasalanan, at umaamin naman ang nagkasala sa kanyang pagkakamali, ay nasusuya na ang pinagkasalahan, at iniisip niyang nakapagpatawad na siya nang sapat. Subali't maliwanag ang sabi sa atin ng Tagapagligtas kung paano pakikitunguhan ang nagkakasala: “Kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya; at kung siya'y magsisi, patawarin mo siya.” Huwag mo siyang ituturing' na di-karapat-dapat sa iyong pagtitiwala. Magwari ka sa “iyong sarili, baka ikaw naman ay matukso.”MP 254.2
Kung nagkakamali o nagkakasala ang iyong mga kapatid, dapat mo silang patawarin. Kapag sila'y lumalapit sa iyo na umaamin sa kanilang pagkakasala, ay hindi mo dapat sabihing, Palagay ko'y hindi sapat ang pagpapakumbaba nila. Palagay ko'y hindi taos sa kanilang damdamin ang kanilang pag-amin. Anong karapa- tan mayroon ka upang hatulan sila, na para bagang nakakabasa ka ng puso? Sinasabi ng salita ng Diyos, “Kung siya'y magsisi, patawarin mo. At kung siya'y makapitong magkasala sa isang araw laban sa iyo, at makapitong magbalik sa iyo na sasabihin, Pinagsisisihan ko; patawarin mo siya.” At hindi lamang pitong ulit, kundi makapitumpung pito,—kasinlimit ng pagpapatawad sa iyo ng Diyos.MP 254.3
Utang natin ang lahat ng bagay sa walang-bayad na biyaya ng Diyos. Itinalaga ng biyayang nasa tipan ang pagkukupkop sa atin. Binigyang-bisa ng biyayang nasa Tagapagligtas ang ating katubusan, ang ating pagbabago, at ang pagkataas natin sa pagiging-tagapagmanang kasama ni Kristo. Ihayag nga natin sa mga iba ang biyayang ito.MP 255.1
Huwag ninyong bibigyan ng kahit isang pagkakataon ang nagkakasala na masiraan-ng-loob o manlupaypay. Huwag ninyong pabayaang pumasok sa inyong puso ang katigasan ng Pariseo at saktan ang damdamin ng inyong kapatid. Huwag ninyong pahintulutang magbangon sa inyong puso at isip ang mapait na panunuya. Huwag ninyong pabayaang may bumahid na paglibak sa inyong tinig. Kung magsasalita kayo ng sarili ninyong salita, kung kikilos kayo ng pagwawalang-bahala, o magpapakita ng paghihinala o di-pagtitiwala, maaaring iyon ang ikapahamak ng isang kaluluwa. Kailangan niya ang isang kapatid na may pusong nakikiramay na tulad ng sa Kapatid na Panganay upang humipo sa kanyang pusong-tao. Ipadama ninyo sa kanya ang mahigpit na pakikikamay ng isang kamay na nakikiramay, at bayaang marinig niya ang bulong na, Tayo'y manalangin. Magbibigay ang Diyos sa inyong dalawa ng mayamang karanasan. Pinapagkakaisa tayo ng panalangin sa isa't isa at sa Diyos. Si Jesus ay inihahatid ng panalangin sa ating piling, at nagbibigay ito sa nanghihina't nagugulumihanang kaluluwa ng panibagong lakas upang mapa- nagumpayan o madaig ang sanlibutan, ang laman, at ang diyablo. Ibinabaling ng panalangin sa tabi ang mga salakay ni Satanas.MP 255.2
Kapag tinatalikuran ng isang tao ang mga karumihan ng tao upang masdan si Jesus, isang banal na pagbabago ang nagaganap sa likas. Ang Espiritu ni Kristo, na gumagawa sa puso, ay iniaayon ito sa Kanyang larawan. Kaya nga dapat ninyong pagsikapang itaas si Jesus. Ituon ninyo ang mata ng pag-iisip sa “Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” At sa paggawa ninyo ng gawaing ito, tandaan ninyo na “ang nagpapabalik-loob ng isang makasalanan mula sa kamalian ng lakad niya, ay magliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan, at magtatakip ng karamihang kasalanan.”MP 256.1
“Datapwa't kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama ng inyong mga kasalanan.” Walang maaaring magbigay-matwid sa isang diwang dinagpapatawad. Ipinakikilala ng taong di-mahabagin sa iba na siya na rin ay hindi nakakabahagi ng nagpapatawad na biyaya ng Diyos. Sa pagpapatawad ng Diyos ang puso ng isang nagkakasala ay nailalapit sa dakilang puso ng Walang-hanggang Pag-ibig. Ang alon ng kahabagan ng Diyos ay dumadaloy sa kaluluwa ng makasalanan, at buhat sa kanya, ito'y dumadaloy naman sa mga kaluluwa ng iba. Ang pag-ibig at kaawaang ipinakita ni Kristo sa mahalaga Niyang buhay ay makikita rin naman sa mga nagiging kabahagi ng Kanyang biyaya. Subali't “kung ang sinuma'y walang Espiritu ni Kristo, siya'y hindi sa Kanya.” Siya ay hiwalay sa Diyos, nababagay lamang para sa walang-hanggang pagkakahiwalay sa Kanya.MP 256.2
Totoo ngang siya'y maaaring tumanggap minsan ng kapatawaran; subali't ipinakikilala ng kanyang diwang di-mapagpatawad na ngayo'y tinatanggihan niya ang nagpapatawad na pag-ibig ng Diyos. Inihiwalay na niya ang kanyang sarili sa Diyos, at siya'y nasa kalagayan na ring gaya noong bago siya pinatawad. Itinatwa niya ang kanyang pagsisisi, at nakababaw sa kanya ang mga kasalanan niya na para bagang hindi siya nagsisi.MP 256.3
Nguni't ang dakilang aral ng talinhaga ay nasa pagkakaiba ng kahabagan ng Diyos at ng katigasan-ng-puso ng tao; nasa katotohanan na ang mapagpatawad na kaawaan ng Diyos ay siyang dapat na maging sukatan natin. “Hindi baga dapat na ikaw naman ay mahabag sa iyong kapwa alipin, na gaya ko namang nahabag sa iyo?”MP 257.1
Hindi tayo pinatatawad dahil sa tayo'y nagpapatawad, kundi gaya ng pagpapatawad natin. Ang batayan ng lahat ng pagpapatawad ay nasusumpungan sa lubos na pag-ibig ng Diyos; datapwa't sa pamamagitan ng ating pakikitungo sa iba ay ipinakikilala natin kung nasa atin ang pag-ibig na yaon. Dahil dito'y sinasabi ni Kristo, “Sa hatol na inyong ihahatol, ay hahatulan kayo; at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.”MP 257.2