Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents

Masayang Pamumuhay

 - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kapitulo 21—Totoong Huli na Upang Magbago

    IPINAKIKILALA ni Kristo sa talinhaga tungkol sa taong mayaman at kay Lazaro, na sa buhay na ito ay mga tao ang nagpapasiya ng walang-hanggan niyang kapalaran o kahihinatnan. Sa panahon ng pagsubok ang biyaya ng Diyos ay iniaalok sa bawa't kaluluwa. Nguni't kung inaaksaya ng mga tao ang panahon o mga pagkakataon nila sa pagbibigay-lugod sa sarili, ay inihihiwalay nila ang kanilang mga sarili sa buhay na walanghanggan. Wala nang pagsubok pagkatapos nito na ibibigay pa sa kanila. Sa pamamagitan ng sarili nilang pagpili ay naglagay na sila ng di-madadaanang bangin sa pagitan nila at ng kanilang Diyos.MP 267.1

    Pinaghahambing ng talinhagang ito ang mayaman na hindi umasa sa Diyos, at ang dukha na umasa naman sa Diyos. Ipinakikilala ni Kristo na dumarating ang panahon na ang kalagayan ng dalawang uring ito ng mga tao ay mababaligtad. Yaong mga dukha sa mga bagay ng sanlibutang ito, nguni't nagsisitiwala sa Diyos at mga matiisin sa kahirapan, ay itataas balang araw kaysa sa mga may hawak ngayon ng mga tungkuling ibinibigay ng sanlibutan, nguni't hindi naman ipinasakop sa Diyos ang kanilang buhay.MP 267.2

    “Mayroon ngang isang taong mayaman,” sabi ni Kristo, “at siya'y nagdaramit ng kulay ube at maselang lino, at sa araw-araw ay kumakain nang sagana. At may isang pulubi na ang pangala'y Lazaro, na lipos ng mga sugat, ay inilalagay sa kanyang pintuan, at naghahangad na mapakain ng mga mumo na nangahuhulog mula sa dulang ng mayaman.”MP 267.3

    Ang taong mayaman ay hindi kabilang sa uring inilarawan ng masamang hukom, na hayagang nagpahayag ng hindi niya pagpapahalaga sa Diyos at sa tao. Sinabi niyang siya'y anak ni Abraham. Hindi niya pinakitunguhang may karahasan ang pulubi, ni pinaalis man ito dahil sa hindi niya gusto ang itsura o anyo nito. Kung ang kahabag-habag at nakaririmarim na uring ito ng tao ay maaaliw sa pamamagitan ng pagtingin sa kanya sa pagpasok niya sa kanyang mga pintuan, ay payag ang taong mayaman na ito'y manatili roon. Subali't siya'y buong kasakimang nagwalang-bahala sa mga pangangailangan ng kanyang naghihirap na kapatid.MP 268.1

    Wala noong mga ospital na doo'y maaalagaan ang mga maysakit. Ang mga nagdurusa at mga nangangailangan ay ipinagbibigay-alam noon sa mga pinagkatiwalaan ng Panginoon ng kayamanan, upang sila'y tulungan at damayan. Gayon ang kalagayan ng pulubi at ng taong mayaman. Kailangang-kailangan ni Lazaro ang tulong; sapagka't siya'y walang mga kaibigan, tahanan, salapi, o pagkain. Gayunma'y pinabayaan siyang manatili sa kalagayang ito araw-araw, samantalang ang mayamang mahal na tao ay mayroon ng lahat niyang kailangan. Siya na buong kasaganaang makalulunas sa mga paghihirap ng kanyang kapwa-nilalang, ay nabuhay para sa kanyang sarili, gaya rin naman ng maraming nabubuhay nang gayon ngayon.MP 268.2

    Sa kasalukuyan ay may mga kalapit tayong maraming nagugutom, walang madamit, at walang tahanan. Ang pagpapabaya nating magbigay ng ating salapi sa mga naghihirap at nangangailangang ito ay magpapataw sa atin ng isang mabigat na pagkakasala na katatakutan nating makaharap balang araw. Lahat ng kasakiman ay hinahatulang parang pagsamba sa diyus-diyusan. Lahat ng pagpapalayaw sa sarili ay isang kasalanan sa paningin ng Diyos.MP 268.3

    Ginawa ng Diyos na katiwala ng Kanyang salapi ang mayamang tao, at tungkulin ng taong ito na asikasuhin ang mga gayong kaso na gaya ng sa pulubi. Ang utos na ibinigay ay, “Iyong iibigin ang Panginoon mong Diyos nang iyong buong puso, at nang iyong buong kaluluwa, at nang iyong buong lakas;” at “iibigin ninyo ang inyong kapwa na gaya ng sa inyong sarili.”1Deut. 6:5; Lev. 19:18. Ang taong mayaman ay isang Hudyo, at alam na alam niya ang utos ng Diyos. Nguni't nalimutan niyang siya'y mananagot sa paggamit ng salapi at mga kakayahang ipinagkatiwala sa kanya. Sumagana siya sa mga pagpapala ng Panginoon, nguni't ginamit niya ito nang buong kasakiman, upang parangalan ang sarili, at hindi ang Lumikha sa kanya. Kasukat ng kanyang kasaganaan ay ang tungkulin niyang gamitin ang mga ipinagkaloob sa kanya sa ikaaangat ng sangkatauhan. Ito ang utos ng Diyos, nguni't hindi inisip ng taong mayaman ang tungkulin niya sa Diyos. Nagpahiram siya ng salapi, at kumuha ng tubo o interes sa salaping kanyang ipinahiram; nguni't hindi naman siya nagbigay ng tubo sa salaping ipinahiram sa kanya ng Diyos. Mayroon siyang kaalaman at mga talento nguni't hindi niya pinaunlad ang mga ito. Sapagka't nalimutan na niya ang sagutin niya sa Diyos, ibinuhos niya ang buo niyang kapangyarihan o lakas sa kalavawan. Lahat ng bagay na nakapaligid sa kanya, ang paulit-ulit niyang mga paglilibang, ang papuri at panghihibok ng kanyang mga kaibigan, ay tumulong sa makasarili niyang pagpapakalayaw. Lulong na lulong siya sa lipunan ng kanyang mga kaibigan na anupa't nawala na ang pagkadama niya ng kanyang kapanagutan na makipagtulungan sa Diyos sa Kanyang ministeryo ng kaawaan. Nagkaroon siya ng pagkakataon na maunawa- an ang salita ng Diyos, at isagawa ang mga itinuturo nito; nguni't ang pinili niyang lipunan na maibigin sa kalayawan ay kumuha ng buo niyang panahon na anupa't nalimutan niya ang Diyos na walang-hanggan.MP 269.1

    Dumating ang panahon na nagkaroon ng pagbabago sa kalagayan ng dalawang lalaki. Ang pulubi ay nagdusa araw-araw, nguni't buong pagtitiis at buong tahimik siyang nagbata. Dumating ang sandali na siya'y namatay at inilibing. Wala mang tumangis o namighati sa pagyao niya; nguni't dahil sa pagtitiis niya sa kahirapan ay naging saksi siya para kay Kristo, napagtiisan niya ang pagsubok sa kanyang pananampalataya, at sa pagkamatay niya ay inilalarawan siya na siya'y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham.MP 270.1

    Kinakatawanan ni Lazaro ang mga naghihirap na dukha na nagsisisampalataya kay Kristo. Kapag tumunog na ang pakakak, at kapag narinig na ng lahat ng mga nangahihimlay sa mga libingan ang tinig ni Kristo at sila'y magsilabas, ay tatanggapin nila ang kanilang gantimpala; sapagka't ang pananampalataya nila sa Diyos ay hindi isa lamang teorya, kundi isang katotohanan.MP 270.2

    “Namatay din naman ang mayaman, at inilibing; at sa impiyerno ay itiningin niya ang kanyang mga mata, palibhasa'y nasa pagdurusa, at natanaw niya sa malayo si Abraham, at si Lazaro ay nasa kanyang sinapupunan. At siya'y sumigaw at sinabi, Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri, at palamigin ang aking dila; sapagka't naghihirap ako sa alab na ito.”MP 270.3

    Sa talinhagang ito ay sinasagupa ni Kristo ang mga tao sa sarili nilang batayan ng paniniwala. Ang doktrina o aral tungkol sa pagiging-buhay sa pagitan ng pagkamatay at ng pagkabuhay na mag-uli ay pinaniniwalaan ng marami sa mga nakikinig noon sa pangangaral ni Kristo. Talos ng Tagapagligtas ang kanilang mga kuru-kuro, at binalangkas Niya ang Kanyang talinhaga upang maikintal at maitanim ang mahalagang katotohanan sa pamamagitan ng mga paunang-hakang ito. Iniharap Niya sa mga nakikinig sa Kanya ang isang salaming doo'y makikita nila ang kanilang mga sarili sa tunay nilang pagkakaugnay sa Diyos. Ginamit Niya ang namamayaning paniniwala upang maihatid ang kuru-kurong nais Niyang mapalitaw sa lahat,—na walang taong pinahahalagahan nang dahil sa kanyang mga tinatangkilik; sapagka't lahat ng nasa kanya ay ipinahihiram lamang sa kanya ng Panginoon. Ang maling paggamit ng mga kaloob na ito ay maglalagay sa kanya sa kalagayang mababa pa kaysa pinakadukha at pinakanapipighating tao na umiibig sa Diyos at nagtitiwala sa Kanya.MP 270.4

    Ibig ni Kristong maunawaan ng mga nakikinig sa Kanya na hindi matatamo ng mga tao ang kaligtasan ng kaluluwa pagkatapos na sila'y mamatay. “Anak,” inilalarawan si Abraham na parang sumasagot, “alalahanin mo na ikaw ay tumanggap ng iyong mabubuting bagay sa iyong pamumuhay, at si Lazaro sa gayunding paraan ay masasamang bagay; datapwa't ngayon ay inaaliw siya rito, at ikaw ay nasa kahirapan. At bukod sa lahat ng ito, ay may isang malaking banging nakalagay sa pagitan namin at ninyo; upang ang mga mag-ibig tumawid buhat dini hanggang sa inyo ay hindi maaari; at gayundin walang makatawid mula riyan hanggang sa amin.” Sa ganitong paraan inilarawan ni Kristo ang kawalang-pag-asa ng pag-asam o maghintay ng ikalawang panahon ng pagsubok. Ang buhay na ito ay siya lamang panahong ibinigay sa tao upang ipaghanda niya para sa walang-hanggan.MP 271.1

    Nanatili sa isip ng taong mayaman ang palagay o paniniwala na siya ay isang anak ni Abraham, at kaya nga sa kanyang paghihirap ay inilalarawan siya na tumatawag kay Abraham upang humingi ng tulong. “Amang Abraham,” dalangin niya, “maawa ka sa akin.” Hindi siya nanalangin sa Diyos, kundi kay Abraham. Sa gayo'y ipinakilala niyang nakatataas si Abraham sa Diyos, at iniasa niya ang kanyang kaligtasan sa pagkakaugnay niya kay Abraham. Ang magnanakaw na nakabayubay sa krus ay kay Kristo nagpailanlang ng kanyang panalangin. “Alalahanin Mo ako pagdating Mo sa Iyong kaharian,”1Gawa 5:31; 4:12 wika nito. At kapagdaka'y dumating ang tugon, Katotohanang sinasabi Ko sa iyo ngayon (habang Ako'y nakabayubay sa krus na nagpapakumbaba at naghihirap), ikaw ay makakasama Ko sa Paraiso. Datapwa't ang taong mayaman ay nanalangin kay Abraham, at hindi pinagbigyan ang kanyang kahilingan. Si Kristo lamang ang ibinubunying “Prinsipe at Tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel, at kapatawaran ng mga kasalanan.” “Sa kaninumang iba ay walang kaligtasan.”2Gawa 5:31; 4:12.MP 271.2

    Ginugol ng taong mayaman ang buo niyang buhay sa pagbibigay-lugod sa sarili, at napakahuli na nang makita niyang wala siyang nagawang anumang paghahanda para sa walang-hanggan. Napaglimi niya ang kanyang kamangmangan, at naiisip niya ang kanyang mga kapatid, na magpapatuloy sa paraan ng pamumuhay na gaya ng kanyang ginawa, na nagbibigay-lugod sa kanilang mga sarili. Kaya nga gumawa siya ng kahilingan, 'Ipinamamanhik ko nga sa iyo, ama, na suguin mo siya [si Lazaro] sa bahay ng aking ama; sapagka't ako'y may limang kapatid na lalaki; upang sa kanila'y patotohanan niya, baka pati sila'y mangaparito sa dakong ito ng pagdurusa.” Subali't “sinabi ni Abraham sa kanya, Nasa kanila si Moises at ang mga propeta; bayaan mong sila'y pakinggan nila. At sinabi niya, Hindi, amang Abraham; datapwa't kung ang isang mula sa mga patay ay makaparoon sa kanila, sila'y mangagsisisi. At sinabi niya sa kanya, Kung di nila pinakikinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin mangahihikayat sila, kahit ang isa'y magbangon sa mga patay.”MP 272.1

    Nang humingi ang taong mayaman ng dagdag na katunayan para sa kanyang mga kapatid, maliwanag na sinabi sa kanya na kahit na makita ng kanyang mga kapatid ang katunayang ito, ay hindi rin sila mahihikayat. Ang kanyang kahilingan ay may bahid ng paninisi sa Diyos. Para bagang ang mayaman ay nagsasabing, Kung lubusan mo pa akong binabalaan o pinaalalahanan, ay hindi ako mapapapunta rito ngayon. Sa sagot ni Abraham sa kahilingang ito ay inilalarawan siya na parang nagsasabing, Nababalaan nang sapat ang iyong mga kapatid. Ibinigay sa kanila ang liwanag, nguni't ayaw nila iyong tingnan; ipinakilala sa kanila ang katotohanan, nguni't ayaw nilang pakinggan.MP 273.1

    “Kung di nila pinakikinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin mangahihikayat sila, kahit ang isa'y magbangon sa mga patay.” Ang mga pangungusap na ito ay napatunayang totoo sa kasaysayan ng bansang Hudyo. Ang huli at pinakapamutong na kababalaghang ginawa ni Kristo ay ang pagbuhay kay Lazaro na tagaBetania, pagkaraan ng apat na araw na siya'y mamatay. Ibinigay sa mga Hudyo ang kahanga-hangang katunayang ito ng pagka-Diyos ng Tagapagligtas, nguni't tinanggihan nila ito. Nagbangon si Lazaro mula sa mga patay, at nagpatotoo sa harap nila, subali't pinapagmatigas nila ang kanilang mga puso sa lahat ng katunayan, at pinag-isipan pa nga nilang siya'y patayin.1Juan 12:9-11.MP 273.2

    Ang kautusan at ang mga propeta ay mga hinirang ng Diyos na mga kasangkapan para sa pagliligtas ng mga tao. Sinabi ni Kristo, Bayaan ninyong pansinin nila ang mga katunayang ito. Kung hindi sila nakikinig sa tinig ng Diyos na nasa Kanyang salita, ang patotoo ng isang saksing nagbangon mula sa mga patay ay hindi rin nila papansinin.MP 273.3

    Yaong mga nakikinig kay Moises at sa mga propeta ay hindi hihingan ng higit na malaking liwanag kaysa ibinigay ng Diyos; subali't kung tinatanggihan ng mga tao ang liwanag, at hindi pinahahalagahan ang mga pagkakataong ibinibigay sa kanila, ay hindi rin sila makikinig kahit na ang isang buhat sa mga patay ay dumating sa kanila na may taglay na pabalita. Hindi rin sila mahihikayat ng katunayang ito; sapagka't lahat ng mga tumatanggi sa kautusan at sa mga propeta ay pinapagmamatigas nang gayon na lamang ang kanilang mga puso na anupa't tatanggihan nila ang lahat ng liwanag.MP 273.4

    Ang pag-uusap ni Abraham at ng taong mayaman ay masagisag. Ang aral na makukuha roon ay yaong ang bawa't tao ay binibigyan ng sapat na liwanag sa ikatutupad ng mga tungkuling hinihingi sa kanya. Ang mga kapanagutan ng tao ay kasukat ng kanyang mga pagkakataon at mga karapatan. Nagbibigay ang Diyos sa bawa't isa ng sapat na liwanag at biyaya upang magampanan ang gawaing ipinagkaloob Niya rito. Kung hindi magawa ng tao yaong ayon sa ipinakikilala ng maliit na liwanag ay siya niyang tungkulin, ang lalong malaking liwanag ay maghahayag lamang ng di-pagtatapat, at ng pagpapabayang paunlarin ang mga pagpapalang ipinagkaloob. “Ang mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din naman sa marami; at ang di-matwid sa kakaunti ay di rin naman matwid sa marami.”1Lu. 16:19. Ang mga nagsisitanggi sa ibinibigay na liwanag ni Moises at ng mga propeta, at humihiling pang sila'y pagpakitaan ng ilang kagila-gilalas na kababalaghan, ay hindi rin mahihikayat pagbigyan man ang kanilang nais o hinihiling.MP 274.1

    Ipinakikilala ng talinhaga tungkol sa taong mayaman at kay Lazaro kung paano pinagtitimbang-timbang sa di-nakikitang sanlibutan ang dalawang uri ng mga tao na kinakatawanan ng mga taong ito. Hindi kasalanan ang maging mayaman, kung ang kayamanan ay natamo sa matwid na paraan. Hindi hinahatulan ang mayaman sa pagkakaroon niya ng mga kayamanan; subali't nakababaw sa kanya ang hatol kung ang salaping ipinagkatiwala sa kanya ay ginugugol sa kasakiman o sariling kalayawan. Higit pang mabuting ilagay niya ang kanyang salapi sa tabi ng luklukan ng Diyos, sa pamamagitan ng paggamit nito sa paggawa ng mabuti. Hindi mapagdaralita ng kamatayan ang sinumang taong sa ganitong paraan ay itinatalaga ang kanyang sarili sa paghahanap ng mga walang-hanggang kayamanan. Subali't ang taong nagtatago ng kanyang salapi o kayamanan para sa kanyang sarili ay hindi makapagdadala ng anumang bahagi nito sa langit. Ipinakilala niyang ang kanyang sarili ay isang di-tapat na katiwala. Sa buong buhay niya'y nagtamasa siya ng mabubuting bagay, nguni't kinalimutan niya ang kanyang tungkulin sa Diyos. Hindi siya nakapag-impok ng kayamanan sa langit.MP 274.2

    Ang taong mayaman na may gayon na lamang karaming mga karapatan ay inilalarawan sa atin bilang isa na dapat sana'y nagpayabong ng kanyang mga kaloob, upang ang kanyang mga gawa ay nakaabot sana hanggang sa kabilang buhay, na taglay-taglay ang mga pinagbuting mga espirituwal na kapakinabangan. Ang layunin ng pagtubos, ay hindi lamang upang pawiin ang kasalanan, kundi isauli din naman sa tao ang mga espirituwal na kaloob na nawala dahil sa nagpapaliit na kapangyarihan ng kasalanan. Ang salapi ay hindi madadala hanggang sa kabilang buhay; hindi ito kailangan doon; nguni't ang mabubuting gawang ginawa sa paghikayat ng mga kaluluwa kay Kristo ay nadadala hanggang sa mga korte sa langit. Datapwa't ang mga kasakimang gumugugol ng mga kaloob ng Panginoon para sa kanilang mga sarili, na hindi tinutulungan ang nangangailangan nilang mga kapwa-kinapal, at walang ginawang anuman upang mapasulong ang gawain ng Diyos sa sanlibutan, ay di-nagpaparangal sa Maygawa sa ka- nila. Ang isinusulat sa tapat ng kanilang mga pangalan sa mga aklat sa langit ay ninanakawan ang Diyos.MP 275.1

    Nagkaroon ang taong mayaman ng lahat nang makukuha ng salapi, gayunma'y hindi siya nagkaroon ng mga kayamanang ikinapanatili sanang matwid sa Diyos ng kanyang tala. Namuhay siya nang para bagang ang lahat ng tinatangkilik niya ay kanyang sarili. Pinabayaan niya ang tawag ng Diyos at ang mga hinihingi ng nagdurusang mahihirap. Subali't sa hinaba-haba ng panahon ay may dumarating na tawag na hindi niya maipagpapabaya. Sa pamamagitan ng isang kapangyarihang hindi niya mapag-aalinlanganan o malalabanan ay siya'y inuutusang lisanin ang mga pag-aaring hindi na ipinagkakatiwala sa kanya. Ang dating mayamang tao ay naging dukhang-dukha. Ang damit ng katwiran ni Kristo, na hinabi sa habihan ng langit, ay hinding-hindi maisusuot sa kanya. Siya na minsa'y nagsuot ng pinakamamahaling damit na kulay-ube, ng pinakamainam na lino, ay nahubaran. Natapos na ang panahon ng pagsubok sa kanya. Wala siyang nadalang anuman sa sanlibutan, at wala rin siyang makukuhang anuman mula roon.MP 276.1

    Hinawi ni Kristo ang tabing, at iniharap ang larawang ito sa mga saserdote at mga pinuno, sa mga eskriba at mga Pariseo. Pagmasdan ninyo ito, kayong mga mayayaman sa mga bagay ng sanlibutang ito, at hindi naman mayaman sa Diyos. Hindi ba ninyo bubulay-bulayin ang larawang ito? Yaong bagay na lubhang mahalaga sa mga tao ay kasuklam-suklam naman sa paningin ng Diyos. Nagtatanong si Kristo, “Ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamtan man niya ang buong sanlibutan, at mapapahamak naman ang kanyang buhay? o anong ibibigay ng tao na katumbas sa kanyang buhay?”1Mar. 8:36, 37.MP 276.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents