Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
Masayang Pamumuhay - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kapitulo 20—Nagawa Niya

    NANGANGARAL si Kristo, at gaya ng karaniwan, nagkatipon sa palibot Niya ang mga iba bukod pa sa Kanyang mga alagad. Sinasabi Niya sa mga alagad ang mga tagpong doo'y malapit na silang gumanap ng isang bahagi. Palalaganapin nila ang mga katotohanang ipinagkatiwala Niya sa kanila, at makakatunggali nila ang mga pinuno ng sanlibutang ito. Dahil sa Kanya ay ipatatawag sila sa mga hukuman, at pahaharapin sa mga mahistrado at mga hari. Pinangakuan Niya sila ng karunungang hindi maitatatwa o matatalikuran ng sinuman. Ang sarili Niyang mga salita, na kumilos sa mga puso ng karamihan, at ikinalito ng tuso Niyang mga kaaway, ay nagpatotoo sa kapangyarihan ng tumatahang Espiritung yaon na siya Niyang ipinangako sa mga sumusunod sa Kanya.MP 259.1

    Datapwa't maraming naroon ang naghangad ng biyaya ng langit upang masunod lamang ang makasarili nilang mga layunin. Kinilala nila ang kagila-gilalas na kapangyarihan ni Kristo sa maliwanag na paglalahad ng katotohanan. Napakinggan nilang ipinangako Niya sa Kanyang mga tagasunod ang karunungang makapagsalita sa harap ng mga pinuno at mga mahistrado o mga hukom. Hindi kaya Niya ipahihiram ang Kanyang kapangyarihan para sa kanilang kapakinabangang pansanlibutan?MP 259.2

    “At sinabi sa Kanya ng isa sa karamihan, Guro, iutos Mo sa aking kapatid, na bahaginan ako ng mana.” Sa pamamagitan ni Moises ay nagtagubilin ang Diyos tungkol sa pagpapamana ng ari-arian o tinatangkilik. Ang panganay na anak ay tumanggap ng dalawang bahagi sa buong tinatangkilik ng ama,1Deut. 21:17. samantalang ang mga nakababatang kapatid ay nagsitanggap ng magkakatulad o pare-pareho. Ang akala ng lalaking ito ay dinadaya siya ng kanyang kapatid sa manang dapat niyang tanggapin. Walang nangyari sa mga pagsisikap niyang matamo ang sa palagay niya'y dapat niyang tanggapin; nguni't kung mamamagitan si Kristo, natitiyak niyang matatamo niya ang kanyang nilalayon. Narinig na niya ang nakapupukaw na mga pamanhik o mga panawagan ni Kristo, at ang mga solemneng pagtuligsa Nito sa mga eskriba at mga Pariseo. Kung ang gayong makapangyarihang mga pangungusap ay masasalita sa kapatid niyang ito, ay hindi makakatanggi ang kanyang kapatid na ibigay ang bahagi niya.MP 260.1

    Sa gitna ng solemneng pagbibigay ni Kristo ng tagubilin, ay ipinakita ng lalaking ito ang sakim o makasarili niyang pag-uugali. Pinahalagahan niya ang kakayahang yaon ng Panginoon na maaaring makagawa para sa ikauunlad ng sarili niyang mga pangangailangan sa buhay na ito; subali't hindi napatanim sa kanyang puso at isip ang mga espirituwal na katotohanan. Ang kinabuhusang lubos ng kanyang pag-iisip ay ang makapagtamo ng mamanahin. Binubuksan at inihahayag noon sa kanya ni Jesus, na Hari ng kaluwalhatian, mayaman, at alang-alang sa atin ay nagpakadukha, ang mga kayamanan ng pag-ibig ng Diyos. Nakikiusap noon sa kanya ang Espiritu Santo upang siya'y maging isang tagapagmana ng “manang di-nasisira, at walang-dungis, at hindi kumukupas.”21 Ped. 1:4. Nakita na niya ang katunayan ng kapangyarihan ni Kristo. Ngayo'y dumating na ang kanyang pagkakataon upang makapagsalita sa dakilang Guro, at sabihin ang pinakalulunggati ng kanyang puso. Datapwa't katulad ng lalaking naghahanap at nagbubunyag ng masamang gawa ng mga tanyag na tao sa alegorya ni Bunyan, ang mga mata niya'y nakatuon sa lupa. Hindi niya nakita ang koronang nakapatong sa kanyang ulo. Tulad ni Simon Magus, pinahalagahan niya ang kaloob ng Diyos bilang isang paraan upang makapagtamo ng kapakinabangang pansanlibutan.MP 260.2

    Ang misyon ng Tagapagligtas sa ibabaw ng lupa ay malapit nang matapos. Iilang buwan na lamang ang nalalabi sa Kanya upang tapusin ang gawaing pinarituhan Niya upang gawin, ang pagtatatag ng kaharian ng Kanyang biyaya. Nguni't ang kayamuan ng tao ay ibig Siyang abalahin sa Kanyang gawain, upang pamagitanan Niya ang pagtatalo tungkol sa isang piraso ng lupa. Gayunma'y hindi natigatig si Jesus sa pagtupad ng Kanyang misyon. Ang naging tugon Niya ay, “Lalaki, sino ang gumawa sa Aking hukom o tagapamahagi sa inyo?”MP 261.1

    Masasabi sana ni Jesus sa lalaking ito kung ano ang sadyang tama o matwid. Alam Niya kung ano ang matwid sa usaping yaon; subali't nag-aaway ang magkapatid dahil sa sila'y kapwa mapag-imbot. Halos sinabi ni Kristong, Hindi Ko gawaing mag-ayos ng mga pagtatalong tulad nito. Siya'y naparito para sa ibang layunin, ang ipangaral ang ebanghelyo, at nang sa gayo'y mapukaw Niya ang mga tao na makadama ng mga walang-hanggang katotohanan.MP 261.2

    Sa ginawang pakikitungo ni Kristo sa kasong ito ay may aral na makukuha ang lahat ng naglilingkod sa Kanyang pangalan. Nang suguin Niya ang labindalawa, ay sinabi Niya, “Samantalang kayo'y nangaglalakad, ay magsipangaral kayo, na mangagsabi, Ang kaharian ng langit ay malapit na. Mangagpagaling kayo ng mga maysakit, mangaglinis kayo ng mga may ketong, mangagpabangon kayo ng mga patay, mangagpalabas kayo ng mga demonyo: tinanggap ninyong walang-bayad, ay ibigay ninyong walang-bayad.”1Mat. 10:7, 8 Hindi sila mag-aayos ng mga suliranin ng mga tao sa buhay na ito. Ang gawain nila ay hikayatin ang mga tao na makipagkasundo sa Diyos. Nakalagay sa gawaing ito ang kapangyarihan nila upang pagpalain ang sangkatauhan. Ang tanging lunas sa mga kasalanan at mga kalungkutan ng mga tao ay si Kristo. Ang ebanghelyo lamang ng Kanyang biyaya ay siyang makalulunas sa mga kasamaang nagiging sumpa sa lipunan. Ang kawalang-katarungan ng mga mayayaman sa mga dukha, at ang pagkapoot naman ng mga dukha sa mga mayayaman, ay kapwa nag-ugat sa kasakiman, at ito'y mapapawi lamang sa pamamagitan ng pagpapasakop kay Kristo. Siya lamang ang nagbibigay ng bagong pusong umiibig, na kapalit ng sakim na pusong makasalanan. Dapat ipangaral ng mga lingkod ni Kristo ang ebanghelyo na taglay ang Espiritung buhat sa langit, at dapat silang gumawa na gaya ng Kanyang ginawa para sa kabutihan ng mga tao. Kung magkagayon ang mga bungang pagpapala at pagtataas sa mga tao ay makikita, na ito'y lubos na di-mangyayaring ganapin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng tao.MP 261.3

    Tinukoy ng ating Panginoon ang ugat ng suliraning yaon na bumabagabag sa lalaking ito, at ugat ng lahat ng mga gayunding pagtatalo, na sinasabi, “Mangagmasid kayo, at kayo'y mangag-ingat sa lahat ng kasakiman; sapagka't ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya.MP 262.1

    “At nagsaysay Siya sa kanila ng isang talinhaga, na sinasabi, Ang lupa ng isang taong mayaman ay namumunga nang sagana; at inisip niya sa sarili na sinasabi, Ano ang gagawin ko, sapagka't wala akong mapaglalagyan ng aking mga inaning bunga? At sinabi niya, Ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pag-aari. At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, at matuwa ka. Datapwa't sinabi sa kanya ng Diyos, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa: at ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapasa kanino kaya? Gayon nga ang nagpapakayaman sa ganang kanyang sarili, at hindi mayaman sa Diyos.”MP 262.2

    Sa pamamagitan ng talinhaga tungkol sa haling na taong mayaman, ay ipinakilala ni Kristo ang kamangmangan ng mga taong ang sanlibutan ay siyang ginagawa nilang siya nang lahat sa kanilang buhay. Tumanggap ang taong ito ng lahat ng bagay mula sa Diyos. Ang araw ay pinahintulutang sumikat sa kanyang lupain; sapagka't ang sinag nito ay sumisikat sa mga ganap at sa mga di-ganap. Ang mga ambon ng langit ay pumapatak sa mga masasama at sa mga mabubuti. Pinayabong ng Panginoon ang mga pananim at mga halaman, at pinapagbunga nang sagana ang mga bukiran. Hindi malaman ng taong mayaman kung ano ang kanyang gagawin sa mga bunga ng kanyang lupain. Ang kanyang mga bangan ay punung-puno na't umaapaw, at wala siyang mapaglagyan ng mga labis sa mga inani niya. Hindi niya naalaala ang Diyos, na siyang pinagmumulan ng lahat ng mga kahabagang dulot sa kanya. Hindi niya napag-unawang siya'y ginawa ng Diyos na isang katiwala ng mga pag-aari o mga tinatangkilik Nito, upang makatulong siya sa mga nangangailangan. Nagkaroon siya ng pinagpalang pagkakataon na maging opisyal na tagapaglimos ng Diyos, subali't ang naisip lamang niya ay ang ikagiginhawa ng kanyang sarili.MP 263.1

    Ang kalagayan ng mga dukha, ng mga ulila, ng mga babaeng balo, ng mga naghihirap, at ng mga nagdadalamhati, ay ipinatalastas sa mayamang taong ito; maraming pook na mapagbibigyan ng kanyang mga pagaari. Madali sana niyang maipamamahagi ang bahagi ng kanyang kasaganaan, at marami sanang tahanan ang na- kalaya sa pagsasalat, marami sanang nangagugutom ang napakain, marami sanang mga hubad ang nadamtan, marami sanang puso ang nabigyang-katuwaan, marami sanang panalangin na humihingi ng tinapay at damit ang nabigyang-kasagutan, at sana'y isang himig ng papuri ang nakapailanlang sa langit. Narinig ng Panginoon ang mga dalangin ng mga nangangailangan, at ipinaghanda Niya ng Kanyang kabutihan ang mga dukha.1Awit 68:10. Gumawa ng masaganang paghahanda para sa mga pangangailangan ng marami sa pamamagitan ng mga pagpapalang ipinagkaloob sa taong mayaman. Datapwa't ipininid niya ang kanyang puso sa daing ng nangangailangan, at sinabi niya sa kanyang mga alipin, “Ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pag-aari. At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, at matuwa ka.”MP 263.2

    Ang mga hinahangad ng taong ito ay hindi na tataas pa sa mga hinahangad ng mga hayop na nangamamatay. Nabuhay siya na para bagang walang Diyos, walang langit, walang buhay na panghinaharap; na para bagang ang lahat ng bagay na tinatangkilik niya ay kanyang sarili, at wala siyang pagkakautang na anuman sa Diyos o sa tao. Inilarawan ng mang-aawit ang taong mayamang ito nang sumulat siya nang ganito: “Ang mangmang ay nagsabi sa kanyang puso, Walang Diyos.”2Awit 14:1.MP 264.1

    Ang taong ito ay nabuhay at nagpanukala para sa kanyang sarili. Nakikita niyang napaghandaan na niyang sagana ang para sa hinaharap; wala na siyang kailangang gawin ngayon kundi pagyamanin at pagtamasahan ang mga bunga ng kanyang mga pagpapagal. Itinuturing niya ang kanyang sarili na higit na nilingap kaysa ibang mga tao, at pinupuri niya ang kanyang sarili sa matalino niyang pangangasiwa. Pinararangalan siya ng kanyang mga kababayan bilang isang taong may mabuting kuru-kuro o kahatulan at isang maunlad na mamamayan. Sapagka't “pinupuri ka ng mga tao, pagka gumagawa ka ng mabuti sa iyong sarili.”1Awit 49:18.MP 264.2

    Datapwa't “ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos.”21 Cor. 3:19. Samantalang ang taong mayaman ay umaasam na magtatamasa ng kasayahan sa darating na mga taon, ang Panginoon naman ay gumagawa ng lubhang kakaibang mga panukala. Dumating ang pasabi sa di-tapat na katiwalang ito, “Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa.” Narito ang isang hinihingi na hindi maibibigay ng salapi. Hindi makabibili ng anumang palugit ang kayamanang kanyang iningat-ingatan at minahal nang labis. Sa isang sandali yaong bagay na pinagpagalan niya sa buo niyang buhay ay naging walang-halaga sa kanya. “Ang mga bagay na inihanda mo ay mapapasa kanino kaya?” Ang malawak niyang bukiran at punung-punong mga bangan ay nawawala na sa kanyang pangangasiwa. “Kanyang ibinubunton ang mga kayamanan, at hindi nalalaman kung sinong magsisipulot.”3Awit 39:6.MP 265.1

    Ang tanging bagay na magiging mahalaga sa kanya ngayon, ay hindi niya pinagsikapang makamtan. Sa pamumuhay niya nang makasarili ay tinanggihan niya ang pag-ibig ng Diyos na sana'y inagusan ng kahabagan patungo sa kanyang mga kapwa-tao. Sa gayong paraan niya tinanggihan ang buhay. Sapagka't ang Diyos ay pagibig, at ang pag-ibig ay buhay. Pinili ng taong ito ang mga bagay na ukol sa lupa at hindi ang mga bagay na ukol sa espiritu, at kasama ng mga bagay na ukol sa lupa ay dapat siyang mamatay. “Taong nasa karangalan, at hindi nakakaunawa, ay gaya ng mga hayop na namamatay.”4Awit 49:20.MP 265.2

    “Gayon nga ang nagpapakayaman sa ganang kanyang sarili, at hindi mayaman sa Diyos.” Totoo sa lahat ng panahon ang larawang ito. Maaari kayong magpanukala para sa ikabubuti lamang ng sarili, maaaring magtipon kayo ng kayamanan, maaari kayong magtayo ng mga mansiyong malalaki at matataas, gaya nang ginawa ng mga tagapagtayo ng matandang Babilonia; subali't hindi kayo makapagtatayo ng kuta o moog na napakataas o ng pintuang-bayan na napakatibay na anupa't masasarhan ninyo sa labas ang mga tagapagbalita ng kapahamakan. Si Belsasar na hari ay “nagpiging sa kanyang palasyo,” at “pinuri ang mga diyos ng ginto, at ng pilak, ng tanso, ng bakal, ng kahoy, at ng bato.” Subali't ang kamay ng Isang di-nakikita ay sumulat sa mga pader ng mga salita ng kapahamakan, at ang yabag ng mga kalabang hukbo ay narinig sa mga pintuan ng kanyang palasyo. “Nang gabing yaon ay napatay si Belsasar na hari ng mga taga-Caldea”1Dan. 5:30. at isang dayuhang monarka ang lumuklok sa trono.MP 265.3

    Ang nabubuhay para sa sarili ay mamamatay. Ang pag-iimbot, na ito'y pagnanasa ng kapakinabangang pansarili, ay inihihiwalay ang kaluluwa sa buhay. Diwa ni Satanas ang kumuha, ang kumuha para sa sarili. Ang diwa naman ni Kristo ay ang magbigay, ang magsakripisyo ng sarili para sa ikabubuti ng mga iba. “At ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Diyos ng buhay na walapg-hanggan, at ang buhay na ito ay nasa Kanyang Anak. Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; at ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay hindi kinaroroonan ng buhay.”21 Juan 5:11, 12.MP 266.1

    Dahil dito'y sinasabi Niya, “Mangagmasid kayo, at kayo'y mangag-ingat sa lahat ng kasakiman (pag-iimbot); sapagka't ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya.”MP 266.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents