Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
ANG MALAKING TUNGGALIAN - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 22—Ang krus at ang anino nito

    Ang talata na higit sa lahat ng iba ay naging patibayan at panggitnang haligi ng pananampalatayang Adventismo, ay ang pamamahayag: “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daan na hapon at umaga, kung magkagayo'y malilinis ang santuaryo.”1Daniel 8:14. Ang mga pangungusap na ito ay totoong alam ng lahat ng nangananampalataya sa madaling pagdating ng Panginoon. Sa mga labi ng libu-libo ay namutawi ang hulang ito na pinakasalawikain ng kanilang pananampalataya. Naramdaman ng lahat na sa mga pangyayaring ipinagpauna roon nababatay ang kanilang pinakamaliwanag na pag-asa at pinakaiingatang pananalig. Ang mga araw na ito ng hula ay ipinakilalang matatapos sa panahong taglagas ng 1844. Katulad ng mga ibang tao sa Sangkakristiyanuhan, ang mga Adventista noon ay nanganiwala na ang lupa, o ang ibang bahagi nito, ay siyang santuaryo. Ang pagkaalam nila'y ang paglilinis ng santuaryo ay siyang paglilinis sa lupa sa pamamagitan ng mga apoy ng huling dakilang araw, at ito'y mangyayari sa ikalawang pagparito. Dahil dito'y sinabi nilang si Kristo'y babalik sa lupa noong 1844.MT 325.1

    Datapuwa't dumaan ang panahong kanilang itinakda, at hindi dumating ang Panginoon. Alam ng mga nananampalataya na ang salita ng Diyos ay hindi magkakabula, ang paliwanag nila sa hula ang walang pagsalang nagkamali; nguni't saan naroon ang kamalian? Biglang pinutol ng marami ang buhol ng kahirapan sa pamamagitan ng pagtanggi na ang 2300 araw ay natapos noong 1844. Wala silang maikakatuwiran dito, kundi ang si Kristo'y hindi dumating sa panahong kanilang inasahan. Kanilang ipinangatuwiran na kung ang mga araw ng hula ay natapos noong 1844, ay dumating sana si Kristo upang linisin ang santuaryo sa pamamagitan ng apoy; at dahil sa di Siya dumating ang mga araw na yaon ay hindi natapos noon.MT 325.2

    Ang pagtanggap sa hinuhang ito ay pagtanggi sa unang pagbilang sa mga panahon ng hula. Ang 2300 araw ay nakita nilang nagpasimula noong magkabisa ang utos ni Artaherhes na isauli at itayo ang Jerusalem ng magtatapos ang 457 B. K. Sa pagkuha dito bilang pasimula ay nagkaroon ng ganap na pagtutugma ang pag-aangkop ng lahat ng pangyayaring ipinagpauna sa pagpapaliwanag ng panahong yaon sa Daniel 9:25-27. Ang animnapu at siyam na sanlinggo, ang unang 483 taon ng 2300 taon, ay aabot sa Mesias, na Pinahiran; at ang pagbibinyag kay Kristo at ang pagpapahid ng Banal na Espiritu, noong 27 P. K. ay nangyari ayong-ayon sa salita ng hula. Sa kalagitnaan ng ikapitumpung sanlinggo, ang Mesias ay mahihiwalay. Tatlong taon at kalahati pagkatapos na mabinyagan si Kristo, Siya ay ipinako, noong panahong tagsibol ng 31 P. K. Ang pitumpung sanlinggo, o 490 taon, ay ukol sa mga Hudyo lamang. Sa wakas ng panahong ito, ay tinatakan ng kanilang bansa ang kanyang pagtatakwil kay Kristo nang kanilang usigin ang Kanyang mga alagad, at ang mga apostol ay yumaon sa mga hentil noong 34 P. K. Nang matapos ang unang 490 taon ng 2300 taon ay nalabi ang 1810 taon. Mula sa 34 P. K. ang 1810 taon ay aabot sa 1844. “Kung magkagayon,” ang wika ng anghel, “malilinis ang santuaryo.” Ang lahat ng unang ipinaliwanag ng hula ay natupad na walang pagkabula sa panahong takda.MT 327.1

    Sa ganitong pagbilang, ang lahat ay maliwanag at magkakaayon, maliban nga lamang sa wala silang nakitang anumang pangyayaring tumutupad sa paglilinis ng santuaryo noong 1844.MT 327.2

    Datapuwa't pinatnubayan ng Diyos ang Kanyang bayan sa malaking Kilusang Adventismo; ang Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian ay umakbay sa gawain, at hindi Niya pahihintulutang ito'y matapos sa kadiliman at pagkabigo, upang hamakin na tulad sa isang magdarayang pagkaligalig ng mga panatiko. Hindi Niya ibig na makaramay ang Kanyang salita sa pag-aalinlangan at walang katiyakan. Bagaman marami ang nagpabaya na sa kanilang unang pagbilang ng panahon ng hula, at tumanggi sa katiyakan ng kilusang nasasalig dito, ang mga iba naman ay ayaw bumitiw sa mga bahagi ng pananampalataya at karanasan na pinagtitibay ng Banal na Kasulatan at ng saksi ng Espiritu ng Diyos. Nanganiwala silang matuwid ang mga simulain ng pagpapaliwanag na kanilang ginamit sa pag-aaral ng mga hula, at tungkulin nila ang panghawakang matibay iyong mga katotohanang nakilala na nila, at magpatuloy sa gayon ding pagsasaliksik ng Banal na Kasulatan. Sa tulong ng mataos na pananalangin ay sinuri nilang muli ang kanilang katayuan, at pinag-aralan nila ang mga Banal na Kasulatan upang kanilang makita ang kanilang pagkakamali. Nang wala silang makita sa kanilang pagbilang ng mga panahon ng hula, ay naakay silang lalong mahigpit na magsiyasat sa suliraning tungkol sa santuaryo.MT 328.1

    Sa kanilang pagsisiyasat ay napag-alaman nilang hindi pinatutunayan ng Kasulatan ang paniniwala ng madla na ang lupa ay siyang santuaryo; datapuwa't natagpuan nila sa Biblia ang isang ganap na paliwanag tungkol sa suliranin ng santuaryo, ang uri, kinaroroonan, at mga gawain nito; ang patotoo ng mga banal na nagsisulat ng Kasulatan ay malinaw at sapat, na anupa't walang sukat ipag-alinlangan. Ito ang sabi ni apostol Pablo sa Sulat sa mga Hebreo: “Ngayon, ang unang tipan din ay nagkaroon ng mga palatuntunan ng pagsamba sa Diyos, at ng Kanyang santuaryo, ang santuaryo ng sanlibutang ito. Sapagka't inihanda ang isang tabernakulo, ang una, na kinaroroonan ng kandelero, at ng dulang, at ng mga tinapay na handog; na siyang tinatawag na Dakong Banal. At sa likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan; na may isang gintong dambana ng kamanyang at kaban ng tipan, at ang paligid ay nakakalupkupan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang ginto na may lamang mana, at tungkod ni Aaron na namulaklak, at mga tapyas na bato ng tipan; at sa ibabaw nito, ay ang mga kerubin ng kaluwalhatian na nangagsisililim sa luklukan ngawa.”2Hebreo 9:1-5.MT 328.2

    Ang santuaryong dito'y binabanggit ni Pablo ay ang tabernakulong itinayo ni Moises sa utos ng Diyos, na pinakatirahang dako ng Kataas-taasan. “Kanilang igawa Ako ng isang santuaryo upang Ako'y makatahan sa gitna nila,”3Exodo 25:8. ay siyang utos na ibinigay kay Moises samantalang siya'y kasama ng Diyos sa bundok. Ang mga Israelita noon ay naglalakbay sa ilang at ang tabernakulo ay niyari sa isang kaparaanan na mangyayaring mabuhat-buhat sa iba't ibang dako; gayon ma'y ito'y isang kayariang napakaganda. Ang mga dingding nito ay mga tablang naaayos na patayo na binalot ng makapal na ginto, at nakakama sa mga tuntungang pilak; samantalang ang bubong ay patung-patong na mga tabing o takip, ang labas ay balat ng hayop, at ang loob ay pinong lino na nabuburdahan ng maiinam na larawan ng kerubin. Bukod sa patyo, na kinaroroonan ng dambana ng handog na susunugin, ang tabernakulo ay may dalawang silid na tinatawag na banal at kabanal-banalang dako, na pinaghihiwalay ng isang matingkad ang kulay at magandang tabing, o lambong; mayroon din namang ganyang tabing sa pagpasok sa unang silid.MT 329.1

    Sa dakong banal sa gawing timog ay naroon ang kandelero, na may pitong sanga na nagbibigay ng liwanag sa santuaryo sa araw at sa gabi; sa hilaga ay nakatayo ang dulang ng tinapay; sa harapan ng tabing na naghihiwa- lay sa banal at kabanal-banalang dako ay ang gintong dambana ng kamanyang na buhat dito'y umiilanglang araw-araw sa harapan ng Diyos ang mabangong usok na kasama ang panalangin ng Israel.MT 329.2

    Sa kabanal-banalang dako ay nakatayo ang kaban, isang mahalagang sisidlang nababalot ng ginto, na kinatataguan ng dalawang tapyas na bato na sinulatan ng Diyos ng sampung utos. Sa ibabaw ng kaban, na siyang pinakatakip ng banal na sisidlan, ay ang luklukan ng awa, isang napakainam ang pagkakayari, na kinatatayuan ng dalawang kerubin na ang isa'y sa isang dulo at ang isa'y sa kabila naman at kapuwa lantay na ginto. Sa silid na ito ay nahahayag ang pakikiharap ng Diyos sa alapaap ng kaluwalhatian sa pagitan ng dalawang kerubin.MT 330.1

    Nang manirahan na ang mga Hebreo sa Kanaan, ang tabernakulo ay pinalitan nila ng templo ni Salomon, na bagaman isang palagiang gusali at lalong malaki, ay gayon din ang tabas at may gayon ding mga kagamitan. Sa ganitong anyo ay namalagi ang santuaryo—maliban noong ito'y nawasak nang kapanahunan ni Daniel—hanggang sa ito ay iguho ng mga Romano noong 70 P. K.MT 330.2

    Ito lamang ang santuaryong napatayo sa lupa na sinasabi sa atin ng Biblia. Ito'y sinasabi ni Pablo na santuaryo ng unang tipan. Datapuwa't wala bagang santuaryo ang Bagong tipan?MT 330.3

    Sa pagtunghay ng mga humahanap ng katotohanan sa aklat ng mga Hebreo, nasumpungan nila na ang pagkakaroon ng pangalawa, o santuaryo ng bagong tipan, ay ipinahihiwatig ng mga salita ni Pablo na sinipi na: “Ngayon, ang unang tipan din ay nagkaroon ng mga palatuntunan ng pagsamba sa Diyos, at ng Kanyang santuaryo na ukol sa sanlibutang ito.” Ang salitang “din” ay nagpapakilala na nabanggit na ni Pablo ang santuaryong ito. Sa pagbalik sa unang talata ng nakaraang pangkat, ay ganito ang mababasa: “Ang kinauuwian nga ng mga bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong isang dakilang saserdote, na nakaupo sa kanan ng luklukan ng Karangalan sa mga langit, ministro sa santuaryo, at sa tunay na tabernakulo, na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao.”4Hebreo 8:1, 2.MT 330.4

    Dito'y ipinakikilala ang santuaryo ng bagong tipan. Ang santuaryo ng unang tipan ay itinirik ng tao, itinayo ni Moises; ito'y itinayo ng Panginoon, hindi ng tao. Sa santuaryong yaon ay mga saserdoteng tao ang nangangasiwa; dito ay si Kristo, na ating dakilang saserdote, ang nangangasiwa sa kanan ng Diyos. Ang isang santuaryo ay nasa lupa, ang isa naman ay nasa langit.MT 331.1

    Bukod dito'y ang tabernakulong itinayo ni Moises ay may pinagparisan. Tinuruan siya ng Panginoon na, “ayon sa lahat ng Aking ipinakita sa iyo, sa anyo ng tabernakulo, at sa anyo ng lahat ng kasangkapan niyaon, ay gayon ninyo gagawin.” Muli pang ganito ang ipinagbilin, “ingatan mo, na iyong gawin ayon sa anyo ng mga yaon na ipinakita sa iyo sa bundok.”5Exodo 25:9, 40. At sinasabi ni Pablo ang unang tabernakulo ay “isang talinghaga ng panahong kasalukuyan; ayon dito ay inihahandog ang mga kaloob at ang mga hain;” na ang mga banal na dako nito ay “mga anyo ng mga bagay sa kalangitan;” na ang mga saserdoteng nag-aalay ng mga kaloob ayon sa kautusan, ay naglingkod sa “anyo at anino ng mga bagay sa kalangitan,” at “hindi pumasok si Kristo sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na kahalintulad lamang ng tunay; kundi sa talagang langit, upang humarap ngayon sa harapan ng Diyos dahil sa atin.”6Hebreo 9:9, 2:3; 8:5; 9:24.MT 331.2

    Ang santuaryo sa langit, na pinangangasiwaan ni Kristo alang-alang sa atin, ay siyang dakilang huwaran, na pinagparisan ng santuaryong itinayo ni Moises.MT 331.3

    Ang walang makatulad na kakinangan ng tabernakulo sa lupa ay nagpakita sa pag-iisip ng mga tao ng mga kaluwalhatian niyaong templo sa langit, pinangangasi- waan, alang-alang sa atin, ni Kristo na ating Pangunahin sa harapan ng luklukan ng Diyos. Ang tirahang dako ng Hari ng mga hari, ay bahagya lamang nasisinag ang kalawakan at kaluwalhatian nito sa pinakamagandang gusali na itinayo ng mga kamay ng mga tao. Gayon may mahahalagang katotohanang ukol sa santuaryo sa langit at sa dakilang gawaing ginaganap doon patungkol sa ikatutubos ng mga tao ang itinuro ng santuaryo sa lupa at ng mga paglilingkod doon.MT 331.4

    Ang mga banal na dako ng santuaryo sa langit ay kinakatawanan ng dalawang silid ng santuaryo sa lupa. Nang ipakita kay apostol Juan sa pangitain ang templo ng Diyos, ay natanaw niya roon ang “pitong ilawang apoy na mga nagliliyab sa harapan ng luklukan.”7Apocalipsis 4:5. Nakita niya ang isang anghel na “may hawak na isang gintong suuban ng kamanyang, at binigyan siya ng maraming kamanyang upang idagdag sa mga panalangin ng lahat ng banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng luklukan.”8Apocalipsis 8:3. Dito ay pinahintulutan ang propeta na makatingin sa unang silid ng santuaryo sa langit; at nakita niya roon ang “pitong ilawang apoy” at ang “dambana ng kamanyang sa santuaryo sa lupa. Muli: “at nabuksan ang templo ng Diyos,”9Apocalipsis 11:19. at tumingin siya sa loob, sa kabila ng tabing sa kabanal-banalang dako. Dito niya nakita ang “kaban ng Kanyang tipan,” na kinakatawanan ng banal na kabang ginawa ni Moises upang paglagyan ng kautusan ng Diyos.MT 332.1

    Sa gayo'y ang mga nag-aaral ng mga suliraning ito ay nakatagpo ng di matututulang katunayan na mayroon ngang santuaryo sa langit. Ginawa ni Moises ang santuaryo sa lupa ayon sa huwarang ipinakita sa kanya. Itinuturo ni Pablo na ang huwarang yaon na ipinakita ang siyang tunay na santuaryo na nasa langit. At pinatotohanan ni juan na iyo'y nakita niya sa langit.MT 332.2

    Sa templo sa langit, na siyang tirahang dako ng Diyos, ang Kanyang luklukan ay natatag sa katuwiran at kahatulan. Sa kabanal-banalang dako ay nalalagay ang Kanyang kautusan, na siyang dakilang patakaran ng katuwiran na pagsusukatan sa buong sangkatauhan. Ang kaban na kinapapalooban ng mga tapyas ng kautusan ay nalulukuban ng luklukan ng awa, na sa harap nito'y inihahain ni Kristo ang Kanyang dugo patungkol sa makasalanan. Sa ganya'y ipinakikilala ang pagkakalakip ng katarungan at kaawaan sa panukala ng pagtubos sa mga tao. Ang pagkakalakip na ito ay walang-hanggang Karunungan lamang ang makababalangkas, at walang-hanggang kapangyarihan ang makatutupad; ito'y isang paglalakip na pumuno sa buong sangkalangitan ng paghanga at pagsamba.MT 333.1

    Ang mga kerubin ng santuaryo sa lupa, na magalang na tumutunghay sa luklukan ng awa, ay kumakatawan sa malaking pag-ibig ng sangkalangitan sa gawain ng pagtubos. Ito ang hiwaga ng kaawaan na ibig mamasdan ng mga anghel—na ang Diyos ay maaaring maging matuwid samantalang inaari Niyang ganap ang nagsisising makasalanan, at binago ang Kanyang pakikisama sa sangkatauhang nagkasala; na si Kristo ay makayuyuko upang hanguin ang hindi mabilang na karamihan sa pagkapahamak, at upang bihisan sila ng walang dungis na kasuutan ng Kanyang sariling katuwiran, upang makasama ng mga anghel na hindi nagkasala kailan man, at manahan sa harapan ng Diyos magpasa walang-hanggan.MT 333.2

    Hanggang hindi natatapos ni Kristo ang Kanyang gawaing pagka tagapamagitan ay hindi ibibigay ng Diyos sa Kanya ang “luklukan ni David na Kanyang ama,” isang kahariang “hindi magkakawakas.”10Lucas 1:32, 33. Sa pagkasaserdote, si Kristo ay nakaupo ngayong kasama ng Kanyang Ama sa luklukan.11Apocalipsis 3:21. Sa luklukan na kasama noong Isang walanghanggan at walang pinagmulan, naroon si Kristo na nag- dala ng “ating mga kapanglawan,” na “tinukso sa lahat ng paraang gaya rin naman natin, gayon ma'y walang kasalanan,” upang “maabuluyan niya ang lahat ng mga tinutukso.”12Isaias 53:4; Hebreo 4:15; 2:18. “Kung ang sinuma'y magkasala ay may pintakasi tayo sa Ama.”131 Juan 2:1. Ang nasugatang mga kamay, ang inulos na tagiliran, ang may pilat na mga paa, ay nangamamanhik alangalang sa nagkasalang sangkatauhan, na ang katubusan ay binili ng walang-hanggang halaga.MT 333.3

    Ang tanong na: “Ano ang santuaryo?” ay buong linaw na sinasagot sa mga Banal na Kasulatan. Ang salitang “santuaryo” alinsunod sa pagkagamit ng Banal na Kasulatan, ay tumutukoy, una, sa tabernakulong itinayo ni Moises, na pinakalarawan ng mga bagay na nasa langit; at ikalawa, sa “tunay na tabernakulo” sa kalangitan na kinakatawanan ng santuaryo sa lupa. Nang mamatay si Kristo, nawakasan na ang paghahain at paghahandog sa santuaryo sa lupa. Ang “tunay na tabernakulo” sa langit ay siyang santuaryo ng bagong tipan. At yamang ang hula sa Daniel 8:14, ay natupad sa kapanahunang ito; ang santuaryong tinutukoy dito ay dapat na yaong santuaryo ng bagong tipan. Nang matapos ang 2300 araw, noong 1844 ay malaon nang walang santuaryo sa lupa. Samakatuwid ang hula, “Hanggang sa dalawang libo't tatlong daang hapon at umaga; kung magkagayo'y malinis ang santuaryo,” ay di-mapag-aalinlanganang tumutukoy sa santuaryo sa langit.MT 334.1

    Datapuwa't natitira pa upang sagutin ang pinakamahalagang katanungan: “Ano ang paglilinis ng santuaryo?” Na talagang nagkaroon ng ganyang gawain sa santuaryo rito sa lupa, ay ipinahahayag ng mga Kasulatan ng Matandang Tipan. Datapuwa't mayroon bagang anuman sa langit na lilinisin? Sa ikasiyam na kapitulo ng mga Hebreo ay buong linaw na itinuturo ang paglilinis ng santuaryo sa lupa at ng santuaryo sa langit. “Halos lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran. Kinakailangan nga na ang mga anyo ng mga bagay sa sangkalangitan ay linisin ng mga ito [ng dugo ng mga hayop]; nguni't ang mga bagay ring ito sa sangkalangitan ay linisin ng lalong mabuting handog kaysa rito,”14Hebreo 9:22, 23. samakatuwid baga'y ng mahalagang dugo ni Kristo.MT 334.2

    Ang paglilinis sa sagisag at sa tunay na santuaryo ay dapat gawin sa pamamagitan ng dugo: ang una ay sa pamamagitan ng dugo ng mga hayop; ang ikalawa'y sa dugo ni Kristo. Sinasabi ni Pablo, na ang dahilan kung bakit dapat na ito'y gawin sa pamamagitan ng dugo, ay sapagka't kung walang pagtitigis ng dugo ay walang kapatawaran. Ang kapatawaran o pag-aalis ng kasalanan, ay siyang gawaing dapat matapos. Nguni't papaanong magkakaroon ng kasalanan sa loob ng santuaryo, maging sa langit o sa lupa? Ito'y matututuhan natin kung ating babalingan ang mga sumasagisag na gawain dito sa santuaryo sa lupa; sapagka't ang mga saserdoteng nangasiwa, ay nangaglingkod alinsunod “sa anyo at anino ng mga bagay sa kalangitan.”15Hebreo 8:5.MT 335.1

    Ang pangangasiwa sa santuaryo sa lupa ay nababahagi sa dalawa; ang mga saserdote ay nangangasiwa arawaraw sa banal na dako, samantala'y minsan isang taon, ang dakilang saserdote ay gumaganap ng isang tanging gawain ng pagtubos sa kabanal-banalang dako, upang linisin ang santuaryo. Araw-araw ang nagsisising makasalanan ay nagdadala ng handog sa pinto ng tabernakulo, ipinapatong niya ang kanyang mga kasalanan, na sa gayo'y sa anino ay naaalis ang kanyang kasalanan at nalilipat sa walang kasalanang iniaalay. Saka pinapatay ang hayop. “Maliban na sa pagkabuhos ng dugo,” ang sabi ng apostol, “ay walang kapatawaran.” “Ang buhay ng laman ay nasa dugo.”16Levitico 17:11. Hinihingi ng sinuway na kautusan ng Diyos ang buhay ng sumasalansang. Ang dugo, na kumakatawan sa nahatulang buhay ng makasalanan na inako noong hain, ay dinadala ng saserdote sa loob ng banal na dako at iwiniwisik sa harap ng tabing, na sa likuran ay ang kabang kinalalagyan ng kautusan na sinuway ng makasalanan. Sa pamamagitan ng seremonyang ito, ang kasalanan, sa pamamagitan ng dugo, ay nalilipat sa santuaryo, sa sagisag. Sa ibang pangyayari, ang dugo ay hindi dinadala sa banal na dako, nguni't ang laman ay kinakain ng saserdote, gaya ng iniutos ni Moises sa mga anak na lalaki ni Aaron, na nagsabi: “Sa inyo” iya'y “ibinigay upang dalhin ang kasamaan ng kapisanan.”17Levitico 10:17. Ang dalawang seremonyang iya'y sumasagisag sa pagkalipat sa santuaryo ng kasalanan ng nagsisisi.MT 335.2

    Iyan ang ginagawa araw-araw sa buong santaon. Sa gayo'y nalipat ang mga kasalanan ng Israel sa santuaryo, at kailangan ang isang gawain upang iya'y maalis. Ipinagbilin ng Diyos na dapat magkaroon ng isang pagtubos para sa bawa't isa sa dalawang banal na dako. “Itutubos niya sa dakong banal dahil sa mga karumalan ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang mga pagsalansang, sa makatuwid baga'y sa lahat nilang kasalanan; at gayon ang kanyang gagawin sa tabernakulo ng kapisanan na nasa kanila, sa gitna ng kanilang karumalan.” Kailangan din namang gumawa ng pagtubos para sa dambana, na “lilinisin at babanalin dahil sa mga karumalan ng mga anak ni Israel.”18Levitico 16:16, 19.MT 336.1

    Minsan isang taon, sa dakilang araw ng pagtubos, ang saserdote ay pumapasok sa kabanal-banalang dako upang linisin ang santuaryo. Ang ginaganap na gawain doon ay siyang nagtatapos sa pangangasiwa sa buong santaon. Sa kaarawan ng pagtubos, ay dalawang maliliit na kambing ang dinadala sa pintuan ng tabernakulo, at pinagsasapalaran, “ang isang kapalaran ay sa Panginoon at ang isang kapalaran ay kay Azazel.”19Levitico 16:8, 21, 22. Ang kambing na tinamaan ng kapalaran para sa Panginoon ay papatayin na pinaka hain patungkol sa kasalanan ng bayan. At ang dugo ay dadalhin ng saserdote sa loob ng tabing, at iwiwisik sa ibabaw at sa harap ng luklukan ng awa. Ang dugo ay iwiwisik din naman sa ibabaw ng dambana ng kamanyang, na nasa harap ng tabing.MT 336.2

    “At ipapatong ni Aaron ang kanyang dalawang kamay sa ulo ng kambing na buhay, at isasaysay sa ibabaw niyaon ang lahat ng mga kasamaan ng mga anak ni Israel, at lahat ng kanilang mga pagsalansang, lahat nga ng kanilang mga kasalanan; at ilalagay niya sa ulo ng kambing, at ipadadala sa ilang sa pamamagitan ng kamay ng isang taong handa: at dadalhin ng kambing ang lahat ng mga kasamaan nila, sa lupaing hindi tinatahanan.”19Levitico 16:8, 21, 22. Ang kambing na pinawalan ay hindi na babalik sa kampamento ng Israel, at kailangang hugasan ng tubig ng taong nagdala nito ang kanyang katawan at damit bago siya bumalik sa kampamento.MT 337.1

    Ang buong gawaing seremonya ay inayos upang itanim sa isip ng mga angkan ni Israel ang kabanalan ng Diyos at ang pagkasuklam Niya sa kasalanan; at bukod dito'y upang ipakilala sa kanilang hindi sila makalalapit sa kasalanan na hindi marurumihan. Kailangang papagdalamhatiin ng bawa't tao ang kanyang kaluluwa samantalang ginaganap ang gawaing ito ng pagtubos. Ang lahat ng gawain ay dapat itabi, at ang araw na iyan ay dapat gugulin ng buong kapulungan ng Israel sa banal na pagpapakumbaba sa harap ng Panginoon, sa pananalangin, sa pag-aayuno at sa mataos na pagsasaliksik ng puso.MT 337.2

    Mahalagang katotohanang hinggil sa pagtubos ang itinuturo ng gawain sa santuaryo sa lupa. Isang panghalili ang tinanggap na kapalit ng makasalanan, datapuwa't ang kasalanan ay hindi napawi ng dugo ng hayop na pinatay, kaya't naglaan ng isang paraan upang ito'y mailipat sa santuaryo. Sa pagkahain ng dugo, kinikilala ng makasalanan ang kapangyarihan ng kautusan, ipinahahayag niya ang kanyang kasalanang pagsuway, at ipina- kikilala niya ang pagnanasang siya'y patawarin sa pamamagitan ng pananampalataya sa isang Manunubos na darating; datapuwa't hindi pa siya ganap na naalis sa hatol ng kautusan. Sa kaarawan ng pagtubos, ang dakilang saserdote, pagkatapos na makakuha ng isang hain sa kapulungan, ay napasasa loob ng kabanal-banalang dako na dala ang dugo ng handog, iwiniwisik sa ibabaw ng kaban ng tipan, sa ibabaw ng kautusan, upang bigyan ng kasiyahan ang mga hinihingi ng kautusang ito. Pagkatapos, sa kanyang likas na tagapamagitan, ay dinadala niya sa kanyang sarili ang mga kasalanan ng bayan at ilinalabas sa santuaryo. Ipinapatong niya ang kanyang mga kamay sa ulo ng kambing na pawawalan, at saka niya ipinahahayag ang lahat ng kasalanang ito, na sa gayo'y, sa anino, inaalis niya sa kanyang sarili ang mga kasalanang ito at inililipat sa kambing. Ang kambing pagkatapos, ang siyang aalis na taglay ang mga kasalanan, at ipinalalagay na hiwalay na magpakailan man ang mga kasalanang ito sa bayan.MT 337.3

    Ganyan ang pangangasiwang ginanap “sa anyo at sa anino ng mga bagay sa langit.” At ang ginagawa sa anino sa pangangasiwa sa santuaryo sa lupa, ay ginagawa sa tunay na pangangasiwa sa santuaryo sa langit. Nang umakyat na sa langit ang ating Tagapagligtas, sinimulan na Niya ang Kanyang gawain bilang dakilang saserdote natin. “Hindi pumasok si Kristo sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na kahalintulad lamang ng tunay; kundi sa talagang langit upang humarap ngayon sa harapan ng Diyos dahil sa atin.”20Hebreo 9:24.MT 338.1

    Ang pangangasiwa ng saserdote sa buong santaon sa unang silid o sa banal na dako ng santuaryo, “sa loob ng lambong” na siyang pinaka pinto at naghihiwalay ng banal na dako sa patyo ng tabernakulo, ay kumakatawan sa gawaing pangangasiwa na pinasukan ni Kristo sa Kanyang pag-akyat sa langit. Ang gawain ng saserdote, sa pa- ngangasiwa niya sa araw-araw, ay ang iharap sa Diyos ang dugo ng handog na patungkol sa kasalanan, gayon din naman ng kamanyang na pumapaitaas na kasama ng mga panalangin ng Israel. Ganyang-ganyan din naman ang pamanhik ni Kristo sa Kanyang Ama na inihaharap ang Kanyang dugo alang-alang sa makasalanan, at, inihaharap din naman Niya, kasama ng masarap na samyo ng Kanyang katuwiran, ang panalangin ng mga nanampalatayang nagsisisi. Iyan ang gawaing pangangasiwa sa unang dako ng santuaryo sa langit.MT 338.2

    Doon sumunod ang pananampalataya ng mga alagad ni Kristo nang Siya'y umakyat sa langit mula sa kanilang paningin. Dito namalagi ang kanilang mga pag-asa “isang pag-asa,” ang wika ni Pablo, “na ating inaring tulad sa sinepete ng kaluluwa, pag-asa na matibay at matatag at pumapasok sa nasa loob ng tabing; na roo'y pumasok dahil sa atin si Jesus na gaya ng pangunahin, na naging dakilang saserdote magpakailan man.” “At hindi rin naman sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at ng mga bulong baka, kundi sa pamamagitan ng Kanyang sariling dugo, ay pumasok na minsan magpakailan man sa dakong banal, na kinamtan ang walang-hanggang katubusan.”21Hebreo 6:19, 20; 9:12.MT 339.1

    Ang gawaing ito ng pangangasiwa sa unang dako ng santuaryo ay nagpatuloy sa loob ng labing walong dantaon. Natamo ng dugo ni Kristo na nagtatanggol sa nagsisising makasalanan ang kapatawaran at pagtanggap ng Ama, gayon ma'y nanatili pa rin sa mga aklat ang kanilang mga kasalanan. Kung paanong sa santuaryo sa lupa ay nagkaroon ng isang gawain ng pagtubos sa katapusan ng isang taon, gayon din naman bago matapos ang gawain ni Kristo sa pagtubos sa sangkatauhan, ay magkakaroon ng isang gawang pagtubos sa ikaaalis ng kasalanan sa santuaryo. Ito ang gawaing nagpasimula noong matapos ang 2300 araw. Nang panahong yaon ang ating dakilang saserdote ay nasok sa kabanal-banalang dako, upang gawin ang kahuli-hulihang bahagi ng Kanyang mahalagang gawain upang linisin ang santuaryo.MT 339.2

    Kung paano na noong una'y nangalipat, sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga kasalanan ng bayan sa handog na patungkol sa kasalanan, at sa pamamagitan ng dugo nito'y nangalipat, sa sagisag, sa santuaryo sa lupa; gayon din naman sa bagong tipan, ang mga kasalanan ng nangagsisi ay sa pamamagitan ng pananampalataya napapatong kay Kristo, at tunay na nalilipat, sa santuaryo sa langit. At kung paano, na sa santuaryo sa lupa ang paglilinis ay nagawa sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga kasalanang dito'y dumungis, gayon din naman ang tunay na paglilinis ng santuaryo sa langit ay magaganap sa pamamagitan ng pag-aalis o pagpawi ng mga kasalanang doo'y natala. Datapuwa't bago ito magawa, ay kailangan munang siyasatin ang mga aklat-talaan upang makilala kung sino, sa pamamagitan ng pagsisisi ng kanyang mga kasalanan at pananampalataya kay Kristo, ang nararapat sa mga kapakinabangan ng pagtubos sa kanya. Samakatuwid ang paglilinis ng santuaryo ay sumasaklaw sa isang gawaing pagsisiyasat—isang gawain ng paghuhukom. Ito'y dapat matapos bago pumarito si Kristo upang tubusin ang kanyang bayan; sapagka't pagka siya'y pumarito na, ay dala niya ang gantimpala upang bigyan ang bawa't isa ayon sa kani-kanyang mga gawa.22Apocalipsis 22:12.MT 340.1

    Kaya't nasumpungan niyaong nagsisunod sa liwanag ng salita ng hula, na sa halip na pumarito si Kristo sa lupa sa katapusan ng 2300 taon noong 1844, ay pumasok Siya sa kabanal-banalang dako ng santuaryo sa langit upang gawin ang kahuli-hulihang gawain ng pagtubos na siyang maghahanda sa Kanya sa pagbalik dito.MT 340.2

    Nakita rin naman, na samantalang ang handog na patungkol sa kasalanan ay tumutukoy kay Kristo na pinaka hain, at ang dakilang saserdote ay kumakatawan kay Kristo bilang tagapamagitan, ang kambing na pinawawalan ay sumasagisag naman kay Satanas, na pinagmulan ng kasalanan, at pagpapatungan ng mga kasalanan ng tunay na nagsisipagsisi. Kung sa pamamagitan ng dugo ng handog na patungkol sa kasalanan ay maalis na ng punong saserdote ang mga kasalanan sa santuaryo, inilalagay niya ang mga ito sa kambing na pawawalan. Kung maalis na ni Kristo, sa pamamagitan ng Kanyang sariling dugo, ang mga kasalanan ng Kanyang bayan sa santuaryo sa langit sa katapusan ng kanyang pangangasiwa, ipapatong Niya ang mga ito kay Satanas, na pagka iginawad na ang kaparusahan ay siyang magdadala ng huling kabayaran. Ang kambing na pawawalan ay dinadala sa isang lupaing hindi tinatahanan, at ito'y hindi na muling babalik pa sa kampamento ng angkan ni Israel. Gayon din naman, si Satanas ay maaalis magpakailan man sa harapan ng Diyos at ng Kanyang bayan, at siya'y mamamatay sa kahulihulihang paglipol sa kasalanan at mga makasalanan.MT 340.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents