Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
ANG MALAKING TUNGGALIAN - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 33—Tumitingin sa roma ang sanlibutan

    Ang Romanismo ay pinagpapakitaan ngayon ng mga Protestante ng lalong malaking paglingap kaysa nang mga panahong nakaraan. Doon sa mga bayang ang Katolisismo ay hindi lumalaki, at ang mga makapapa ay gumagawa ng pakikipagkasundo upang magkaroon sila ng impluensya ay lumalaki ang pagwawalang bahala hinggil sa mga aral na naghihiwalay sa mga iglesyang nagkaroon ng pagbabago mula sa kapapahan; lumalaganap ang paniniwala, na hindi rin pala naman tayo naiiba ng malaki tungkol sa mahahalagang bahagi ng pananampalataya gaya ng ipinalagay noong una, at sa pamamagitan ng bahagya lamang pakikipagkasundo natin ay dumarating tayo sa lalong mabuting pakikipagunawaan sa Roma. Nagkaroon ng panahon na malaki ang pahalaga ng mga Protestante sa kalayaan ng budhi na binili ng napakalaking halaga. Itinuro nila sa kanilang mga anak na kasuklaman ang kapapahan, at ipinakilala nilang ang makiayon sa Roma ay pagtataksil sa Diyos. Datapuwa't kaylaki ng kaibahan ng mga ipinahahayag na mga damdamin ng mga tao ngayon!MT 477.1

    Ipinahahayag ng mga tagapagtanggol ng kapapahan na ang iglesya ay nilapastangan, at ang mga Protestante ay nahihilig maniwala sa pahayag na ito. Marami ang nangangatuwiran na hindi matuwid na hatulan ang iglesya sa panahong ito sa pamamagitan ng mga karumalan at kabuktutan na siyang naging tatak ng kanyang paghahari noong mga panahon ng kamangmangan at kadiliman. Ipinagpapaumanhin nila ang kanyang kakila-kilabot na kabangisan at sinasabing yao'y bunga ng walang kabihasnang panahong yaon at nangangatuwiran sila na ang bisa ng kabihasnan sa ngayon ay nakabago sa kanyang mga damdamin.MT 477.2

    Nalimutan na ba ng mga taong iyan ang inaangkin ng palalong kapangyarihang ito sa loob ng walong daang taon, na siya'y hindi nagkakamali? Ang pag-aaangking ito ay lalong tiyak na napagtibay nang ikalabing-siyam na dantaon higit kailan man noong una, kaya nga't ito'y napakalayong mawasak. Ayon sa iginigiit ng Roma na ang iglesya “ay hindi nagkamali kailan man; ni hindi rin magkakamali kailan man alinsunod sa mga Kasulatan.”1J. L. von Mosheim, Institutes of Ecclesiastical History, aklat 3, sig. 11, bah. 2, kab. 2, tal. 9, par.1. paano nga niya itatakwil ang mga simulaing kanyang sinunod nang mga panahong nagdaan?MT 478.1

    Magpakailan man ay hindi tatalikdan ng iglesyang makapapa ang kanyang pag-aangkin na hindi siya nagkakamali. Ang lahat niyang ginawa sa kanyang pag-uusig sa mga tumanggi sa kanyang mga aral, ay pinagtitibay niyang matuwid; at hindi ba niya uuliting muli ang ganyang asal, sakaling magkaroon siya ng gayon ding pagkakataon? Alisin lamang ang pangpigil na inilalagay ng pamahalaan, at isauli ang Roma sa kanyang dating kapangyarihan, at biglang magpapanibago ang kanyang kalupitan at pag-uusig.MT 478.2

    Ang pag-aakala ng kapapahan tungkol sa kalayaan ng budhi, at tungkol sa mga kapanganibang nagbabantang sumira sa maayos na pagpapatupad sa simulain ng Estados Unidos ay inihanay ng isang tanyag na manunulat sa ganitong pangungusap: “Nahihilig ang marami na ikapit sa pagkapanatiko o sa pangangatuwirang bata ang pagkatakot na ang Katolisismo Romano ay magiging mapanganib sa Estados Unidos. Ang mga taong iyan ay walan nakikitang anuman sa likas at kilos ng Romanismo na laban sa ating malayang kalagayan, ni makakasumpong inan kaya sila ng anumang panganib sa kanyang paglaki. Atin ngang ihambing muna ang ilang pinagtitibayang simulain ng ating pamahalaan sa Iglesya Katolika.MT 478.3

    “Tinatayuan ng Konstitusyon ng Estados Unidos ang kalayaan ng budhi. Wala nang bagay na mahal o mahalaga pa kaysa rito. Si Papa Pio IX, sa kanyang Liham Ensiklika noong Agosto 15, 1854, ay nagsabi ng ganito: ‘Ang kabalintunaan at kamalian ng mga aral o katha na pagsasanggalang ng kalayaan ng budhi, ay napakalaking salot na kamalian—isang salot, na higit sa lahat, na dapat katakutan sa isang pamahalaan. Sinumpa ng papa ring iyan sa kanyang Liham Ensiklika ng Disyembre 8, 1846, yaong ‘mga mapilit na humihingi ng kalayaan ng budhi at ng kalayaan ng pagsamba ukol sa relihion,’ gayon din ‘ang lahat na nangangatuwiran na ang iglesya ay hindi nararapat gumamit ng lakas.’MT 479.1

    “Ang banayad na tinig ng Roma sa Estados Unidos ay hindi nangangahulugan ng isang pagbabago ng puso. Siya ay mapagpasunod doon sa mga bayang siya ay walang magagawa. Ang wika ni Obispo O'Connor: ‘Ang kalayaan sa relihiyon ay pinagtitiisan lamang hanggang sa ang katuwas nito ay maisagawa na walang panganib sa sanlibutang Katoliko.’ . . . Minsan ang arsobispo ng San Luis ay nagsabi ng ganito: ‘Ang erehiya at di-pananampalataya ay mga krimen, at sa mga bayang Kristiyano, gaya ng Italya at ng Espanya, na roon ang relihiyong Katoliko ay isang mahalagang bahagi ng kautusan ng lupain, ay pinarurusahan ang mga ito gaya ng pagpaparusa sa mga ibang krimen.’. . .MT 479.2

    “Ang bawa't kardinal, arsobispo, at obispo sa Iglesya Katolika, ay nanunumpa sa papa, na sa sumpang ito'y makikita ang ganitong mga pangungusap: ‘Ang mga erehe, mga mapagbaha-bahagi’, at ‘ang mga naghihimagsik sa ating panginoon (sa papa), o sa sumusunod sa kanya, ay uusigin at lalabanan ko hanggang sa aking makakaya.’ ”2Josiah Strong, Our Country, kab. 5, par. 1-3.MT 479.3

    Tunay nga na may mga tapat na Kristiyano sa kapulungan ng Katoliko Romano. Libu-libo sa mga nasa iglesyang iyan ang nangaglilingkod sa Diyos alinsunod sa pinakamabuting liwanag na kanilang nakikilala. Tinutunghayan ng Diyos na may malaking habag ang mga kaluluwang ito na mga tinuruan sa isang pananampalatayang magdaraya at hindi nakasisiya. Magpapadala siya ng mga sinag ng liwanag upang lumagos sa makapal na dilim na sa kanila'y nakabalot. Ihahayag Niya sa kanila ang katotohanan gaya ng nasa kay Jesus, at marami pa ang makikisanib sa Kanyang bayan.MT 480.1

    Datapuwa't ang Romanismo sa kanyang buong kaayusan ay hindi kasang-ayon ngayon ng ebanghelyo ni Kristo gaya rin nang unang kapanahunan ng kanyang kasaysayan. Ang mga iglesyang Protestante ay nasa makapal na kadiliman, kung hindi ay makikilala sana nila ang mga tanda ng panahon. Ang Iglesya Romana ay may malalawak na panukala at paraan ng paggawa. Ginagamit niya ang lahat ng paraan upang mapalaganap ang kanyang impluensya at maragdagan ang kanyang kapangyarihan sa paghahanda sa isang mabangis at mahigpit na pakikibaka upang maibalik ang dating pamumuno niya sa sanlibutan. Ang Katolisismo ay nananagumpay sa lahat ng dako. Tingnan ninyo ang nagdadamihan niyang simbahan at kapilya sa mga bansang Protestante. Tingnan ninyo ang kabantugan ng kanyang mga kolehiyo at seminaryo sa Amerika, na pinapasukan ng maraming Protestante. Tingnan ninyo ang paglago ng ritualismo sa Inglatera, at ang malimit na pakikipanig sa hanay ng mga Katoliko. Ang mga bagay na ito ay dapat gumising ng pagkabalisa ng lahat na nagpapahalaga sa malinis na simulain ng ebanghelyo.MT 480.2

    Ang mga Protestante ay nakikialam at tumatangkilik sa kapapahan; sila'y nangakipagkasundo at nangakibagay sa kanya na ipinagtakang makita ng mga makapapa na rin, at hindi nila maunawaan kung bakit. Ipinipikit ng mga tao ang kanilang mga mata sa tunay na likas ng Romanismo, at sa mga kapanganibang dapat pag-ingatan sa kanyang pangingibabaw. Kailangang sila'y pukawin upang salansangin ang mga pagsulong ng napakamapanganib na kalabang ito ng kalayaan sa pamahalaan at sa relihiyon.MT 480.3

    Ipinalalagay ng maraming Protestante na ang relihiyong Katoliko ay hindi kaakit-akit, at ang mga gawain nito sa pagsamba ay patay at walang kahulugan. Dito'y nagkakamali sila. Ang seremonya ng iglesya Romana ay lubhang kaakit-akit na seremonya. Ang marilag na karangyaan, at ang makarelihiyong mga seremonya nito ay bumibihag sa mga pandama ng mga tao, at siyang nagpapatahimik sa tinig ng katuwiran at ng budhi. Nagagayuma ang mata. Ang magagandang simbahan, ang naglalakihang mga prusisyon, ang mga gintong dambana, ang nahihiyasang urna, ang mga piling dibuho, at ang sakdal gandang mga eskultura ay pawang umaakit sa pag-ibig sa ganda. Nabibihag din naman ang pakinig. Ang tugtugin ay walang kahambing. Ang maiinam na tugtog ng matutunog na organo na sumasaliw sa himig ng maraming mga tinig samantalang ito'y umaalingawngaw sa matataas at nakabalantok na bubong nito at mga pagitang dinadaanan na may malalaking haligi ng kanyang magagandang katedral, ay walang pagsalang magkikintal ng paghanga at paggalang sa pag-iisip ng tao.MT 481.1

    Ang panglabas na karilagan, kagandahan, at seremonyang ito, na lumilibak lamang sa mga kauhawan ng kaluluwang lipos ng kasalanan, ay katunayan ng kasamaang nasa loob. Ang relihiyon ni Kristo ay hindi nangangailangan ng ganyang mga panghalina upang tanggapin ng mga tao. Sa liwanag na sumisilang mula sa krus, ang tunay na relihiyong Kristiyano ay lumilitaw na napakalinis at tunay na kaibig-ibig na anupa't walang palamuting panglabas na makapagpapalaki ng tunay na kahalagahan nito. Ang kagandahan ng kabanalan ang isang maamo at tahimik na diwa, ay siyang mahalaga sa Panginoon.MT 481.2

    Ang kaningningan ng ayos ay hindi lagi nang palatandaan ng malinis at dakilang pag-iisip. Ang matataas na pagkakilala sa sining, ang maselang na kakinisan ng panuri, ay malimit na naghahari sa mga isipang makalupa at mahalay. Ang mga ito'y madalas gamitin ni Satanas upang ipalimot sa mga tao ang pangangailangan ng kaluluwa, upang huwag nilang alalahanin ang hinaharap na walang-hanggang buhay, upang tumalikod sila sa Katulong nilang walang-hanggan, at upang mabuhay sila na ukol lamang sa sanlibutang ito.MT 482.1

    Ang relihiyong may panglabas na kagandahan ay nakatatawag nga sa pusong hindi nababago. Ang karangyaan at seremonya ng pagsambang Katoliko ay mayroong kapangyarihang mapanlinlang at mapamihag, na siyang dumaraya sa marami; at inaakala nilang ang Iglesya Romana ay siyang pintuan ng langit. Wala kundi iyong nagsitungtung lamang sa patibayan ng katotohanan, at yaong ang mga puso'y nabago ng Espiritu ng Diyos, ang makatatayo laban sa kanyang impluensya. Libu-libo sa mga walang subok na pagkakilala kay Kristo ang maaakay tumanggap sa mga anyo ng kabanalan na wala naman ng kapangyarihan nito. Ang ganyang relihiyon ay siya ngang ninanasa ng karamihan.MT 482.2

    Ang inaangkin ng iglesya na karapatang magpatawad ng kasalanan, ay siyang nag-akay sa Romanista sa malayang pagkakasala; at ang pagkukumpisal na kung wala ito'y hindi matatamo ang kanyang patawad, ay nakakatulong lamang sa kasamaan. Ang lumuluhod sa harap ng taong makasalanan, at nagbubukas ng mga lihim na isipan at tangka ng kanyang puso sa pamamagitan ng pagkukumpisal ay nagpapababa ng kanyang pagkatao, at humahamak sa bawa't marangal na katutubo ng kanyang kaluluwa. Ang pagkakilala niya sa Diyos ay natutulad sa pagkakilala niya sa taong makasalanan, sapagka't ang pari ay tumatayong kinatawan ng Diyos. Gayunma'y isang nagpapakabuyo sa hilig ng sarili, ay lalong nakalulugod ang magpahayag ng kasalanan sa kapuwa tao kaysa buksan sa Diyos ang laman ng puso. Sa katutubo ng tao ay lalong masarap ang magpenitensya kaysa magwaksi ng kasalanan; lalong magaan ang pahinain ang laman sa pamamagitan ng magagaspang na damit at panghampas na may tinik at mga tanikalang sumusugat kaysa ipako sa krus ang kahalayan ng laman. Ibig pa ng pusong laman ang magpasan ng mabigat na pasanin kaysa yumuko sa pamatok ni Kristo.MT 482.3

    Walang tigil na sinisikap ni Satanas na pamaling ipakilala ang likas ng Diyos, ang likas ng kasalanan, at ang tunay na mga suliraning napapaloob sa malaking tunggalian. Ang kanyang pagdaraya ay nagbabawas sa hinihingi ng banal na kautusan, at ito ang nagbibigay ng lisensiya sa tao sa pagkakasala. Kanya din namang ipinaiimpok sa kanila ang maling pagkakilala sa Diyos, upang kanila siyang katakutan at kapootan, sa halip ng handugan ng pag-ibig. Ang kalupitan na sadyang katutubo niya ay ipinararatang niya sa Maylalang; ito'y ipinaloloob sa mga kayarian ng relihiyon, at ipinahahayag sa mga paraan ng pagsamba.MT 483.1

    Sa mga nagsisisunod sa kanya ang pangdisiplina niya ay pamalo, paggutom, ang lahat ng maiisip at nakapagpapasakit sa pusong mahigpit na pagpapahirap sa katawan. Upang kamtin ang lingap ng Langit, ay sinusuway ng mga nagpipinitensya ang kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsuway sa batas ng kalikasan. Itinuturo sa kanila na patdin ang pagkakabigkis na Kanyang ginawa upang pagpalain at paligayahin ang paninirahan ng tao sa lupa. Sa looban ng iglesya ay naroon ang angawangaw na nasawi, na naggugugol ng kanilang buhay sa walang kabuluhang pagsisikap na pakipaglabanan ang katutubo nilang pag-ibig, na pigilin, sapagka't kamuhimuhi sa Diyos, ang bawa't isipan at damdaming may pakikiramay sa kapuwra nilalang.MT 483.2

    Sa pamamagitan ng malaking kaayusang ito ng pagdaraya ay nagaganap ng prinsipe ng kasamaan ang kanyang layuning magdudulot ng di-pagpaparangal sa Diyos at ng kaabaan sa tao. Nananagumpay siya sa pagtatanyag sa kanyang sarili, at sa paggawa ng kanyang gawain sa pamamagitan ng mga nangungulo sa iglesya.MT 484.1

    Kung binabasa ng isang tao ang Banal na Kasulatan, ay nahahayag sa kanya ang habag at pag-ibig ng Diyos; makikita niyang hindi ipinapataw ng Diyos sa mga tao ang mabibigat na pasaning ito. Ang hinihingi lamang Niya ay isang bagbag at nagsisising puso, isang mapagpakumbaba't matalimahing diwa.MT 484.2

    Sa kabuhayan ni Kristo ay hindi Siya nag-iwan ng halimbawa para sa mga lalaki't babae na kulungin ang kanilang sarili sa mga monasteryo upang mahanda sa langit. Kailan man ay hindi Niya itinuro na ang pag-ibig at pakikiramay ay dapat timpiin. Ang puso ng Tagapagligtas ay inaapawan ng pag-ibig. Sa pagkalapit ng tao sa kasakdalang moral, ay lalo namang tumatalas ang kanyang pakiramdam, lalong tumatalas ang pagkakilala niya sa kasalanan, at lalong lumalaki ang pakikiramay niya sa nangapipighati. Hindi walang kadahilanan ang inaangkin sa mga lupaing Protestante, na ang Katolisismo ay kakaunti na ang pagkakaiba sa Protestantismo ngayon kaysa noong nagdaang panahon. Nagkaroon ng pagbabago; datapuwa't ang pagbabago ay hindi sa kapapahan. Ang Katolisismo ay walang pinag-ibhan sa Protestantismo ngayon; sapagka't ang Protestantismo ay malaki ang naging pagbabago sa ikasasama niya mula nang kaarawan ng mga Repormador.MT 484.3

    Sa paghanap ng mga iglesyang Protestante ng pagtingin ng sanlibutan, ang kanilang mata ay binulag ng hindi tunay na kagandahang-loob. Wala silang makita kundi matuwid ang maniwala na may mabuti sa lahat ng masama; at sa wakas ay walang salang mauuwi ito sa paniniwalang masama ang lahat ng mabuti. Sa halip na ipagsang- galang nila ang pananampalatayang ibinigay na minsan at magpakailan man sa mga banal. sila ngayon, mandin ay humihingi ng paumanhin sa Roma dahil sa walang kagandahang-loob na pagpapalagay sa kanya, at inihihingi ng tawad ang kasigasigan nila sa kanilang iglesya.MT 484.4

    Marami, maging doon man sa mga ayaw kumilala sa Romanismo, ang nakakadama ng bahagya lamang panganib sa kanyang kapangyarihan at lakas. Marami ang nangangatuwiran na ang kadiliman sa pag-iisip at sa moral na naghari noong Madilim na Kapanahunan ay siyang tumulong sa paglaganap ng mga aral ng Romanismo, pamahiin, at pagpapahirap, at ang lalong malaking katalinuhan sa panahong ito, ang paglaganap ng kaalaman sa lahat ng dako, at ang kumakalat na kalayaan sa mga bagay tungkol sa relihiyon, ay nagbabawal ng pananauli ng pag-uusig at paniniil. Ang pag-iisip na makikita sa kapanahunang ito ng kaliwanagan ang ganyang kalagayan ng mga bagay-bagay ay tinatawanan. Tunay nga na ang malaking liwanag sa katalinuhan, sa moral, at sa relihiyon ay tumatanglaw sa saling ito ng lahi. Sa mga bukas na dahon ng banal na salita ng Diyos ay nagliwanag sa sanlibutan ang ilaw na galing sa langit. Nguni't dapat nating alalahanin na kung kailan lalong malaki ang liwanag na ipinagkakaloob, lalong malaki naman ang kadiliman niyaong mga nagbabaligtad o tumatanggi dito.MT 485.1

    Ang pag-aaral ng mga Protestante ng Banal na Kasulatan na may kalakip na panalangin ay magpapakilala sa kanila ng tunay na likas ng kapapahan; datapuwa't marami ang nagpapakarunong sa kanilang sariling haka na anupa't hindi nila maramdamang kailangan nilang hanapin ang Diyos na may mapagpakumbabang puso upang maakay sila sa katotohanan. Bagaman ipinagmamalaki nila ang kanilang kaalaman, mangmang din sila sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos. Nangangailangan sila ng ilang kaparaanan upang mapatahimik ang kanilang budhi, at hinahanap nila yaong mga kulang sa kahalaga- hang ukol sa espiritu at yaong hindi totoong nakapagpapababa. Ang kanilang ninanasa ay isang paraan upang malimutan nila ang Diyos, paraan na maaaring ituring na isang pag-alaala sa Kanya. Ang kapapahan ay bagay na bagay magdulot ng lahat ng mga pangangailangang ito. Ito'y handa sa dalawang uri ng tao, na siyang bumubuo halos sa buong sanlibutan—iyong mga nagnanais maligtas sa pamamagitan ng kanilang sariling kabutihan, at iyong nagnanais maligtas na nasa kanilang mga kasalanan. Narito ang lihim ng kanyang kapangyarihan.MT 485.2

    Ang panahon ng malaking kadiliman sa kaalaman ay napagkilalang tumulong sa pananagumpay ng kapapahan. Nguni't ipakikita pa rin na ang panahon ng malaking kaliwanagan sa kaalaman ay gayon din tutulong sa kanyang pananagumpay. Noong mga panahong lumipas, nang ang mga tao'y walang salita ng Diyos, at walang kaalaman sa katotohanan, ang mga mata nila ay may takip, at libu-libo ang nasilo, dahil sa hindi pagkakita sa lambat na naumang sa kanilang mga paa. Sa saling ito ng lahi ay marami naman ang nangasilaw sa matingkad na ningning ng mga haka-haka ng tao, at ng “maling tinatawag na kaalaman:”31 Timoteo 6:20. hindi nila nakikita ang lambat at madali silang pumapasok dito na anaki may takip ang kanilang mga mata.MT 486.1

    Itinalaga ng Diyos na kilalanin ng tao na ang kapangyarihan ng kanyang pagiisip ay isang kaloob na galing sa Maykapal, at nararapat gamitin sa kapakanan ng katotohanan at katuwiran; datapuwa't pagka iniimpok ang kapalaluan at layunin at itinataas ng tao ang kanilang sariling kuru-kuro na mataas kaysa salita ng Diyos, kung magkagayon, ang katalinuhan ay makagagawa ng lalong malaking kasamaan kaysa nagagawa ng kamangmangan. Sa ganya'y ang maling siyensiya sa kasalukuyang panahon, na siyang sumisira ng pananampalataya sa Kasulatan, ay magiging mapagtagumpay sa paghahanda ng daan upang tanggapin ang kapapahan, kalakip ang mga kaakit-akit niyang mga porma, gaya ng nangyari noong pigilin ang kaalaman sa pagbubukas ng daan upang mabunyi ito noong Madilim na Kapanahunan.MT 486.2

    Sa mga kilusang ngayo'y itinataguyod sa Estados Unidos upang makuha ang pagtangkilik ng estado sa mga institusyon at mga ginagamit ng iglesya, ang Protestante ay sumusunod sa mga hakbang ng mga makapapa. Hindi lamang iyan kundi lalong higit, sila ang nagbubukas ng daang mapapasukan upang mabawi nito sa Protestanteng Amerika ang paghahari na nawala sa kanya sa Matandang Daigdig. At ang nagbibigay ng lalong katangian sa kilusang ito ay ang punong layunin na ipag-utos na ipangilin ang Linggo—isang kaugaliang ibinangon ng Roma, at inaangkin niyang tanda ng kanyang kapangyarihan. Ang diwa ng kapapahan—ang diwa ng pakikibagay sa mga ugaling makasanlibutan, ang pagpapahalaga sa mga sali't saling sabi ng tao ng higit sa mga utos ng Diyos—ang siyang nanunuut sa mga iglesyang Protestante, at umaakay sa mga tao na itanghal ang Linggo na siyang ginawa ng kapapahan na nauna sa kanila.MT 487.1

    Kung nais na maalaman ng bumabasa ang mga bagay na gagamitin sa nalalapit na paglalabanan, ay kailangan niyang tunghayan lamang ang ulat ng mga ginamit ng Roma sa ganito ring layunin noong mga panahong lumipas. Kung ibig niyang maunawa kung ano ang magiging pakikitungo ng nagtutulungang makapapa at Protestante doon sa mga tumantanggi sa kanilang mga aral, ay dapat niyang tingnan ang diwang ipinamalas ng Roma tungkol sa Sabado at sa mga nagtatanggol nito.MT 487.2

    Ang mga kapasiyahang hari, ang mga pangkalahatang sanggunian, at ang mga utos ng iglesya na tinatangkilik ng kapangyarihang makasanlibutan, ay mga hakbanging sa pamamagitan nito'y nakarating ang kapangilinang pagano sa kanyang marangal na kalagayan sa Sangkakristiyanuhan. Ang kauna-unahang utos sa bayan na ipa- ngilin ang Linggo ay siyang batas na ginawa ni Konstantino.4Tingnan ang Paliwanag sa p. 43. Ito ang nag-utos sa mga taong bayan na magpahinga sa “kagalang-galang na kaarawan ng araw,” datapuwa't pinahintulutan ang mga taga bukid na magpatuloy sa kanilang mga pagbubukid. Bagaman ito'y isang utos pagano sa pasimula, ay ipinasunod din ng emperador pagkarapos na siya'y maging Kristiyano sa ngalan lamang.MT 487.3

    Palibhasa'y ang kapasiyahan ng hari ay di-sapat ipalit sa bilin ng Diyos, si Eusebio, na isang obispo na nagsikap na makakuha ng paglingap ng mga prinsipe, at tanging kaibigan at tagapuri ni Konstantino, ay nangatuwiran na inalis ni Kristo ang pangingilin sa araw ng Sabado at inilipat sa Linggo. Wala siyang ibinigay na isa mang patotoo mula sa Kasulatan upang patunayan ang bagong aral na ito. Si Eusebio na rin ang kumikilala na ito'y di totoo, at itinuro niya ang tunay na may kagagawan ng pagbabago. “Ang lahat ng bagay,” ang wika niya, “na tungkuling gawin sa araw ng Sabado ay inilipat namin sa araw ng Panginoon.”5R. Cox, Sabbath Laws and Sabbath Duties, p. 538. (1853.) Nguni't ang katuwirang ayon sa Linggo, na kung sa bagay ay walang pinagtitibayan noon, ay siyang nagpatapang sa tao upang yurakan ang Sabado ng Panginoon. Ang lahat na nagnais parangalan ng sanlibutan ay kumilala sa tanyag na kapangilinang ito.MT 488.1

    Nang matatag nang matibay ang kapapahan, ang gawaing pagtatanghal sa Linggo ay nagpatuloy. Nagkaroon ng panahon, na ang mga tao'y nangagbubukid pagka hindi sila nagsisimba, at ang ikapitong araw ay kinikilala pa ring kapangilinan. Datapuwa't nagpatuloy ang pagbabago. Yaong nangasa banal na tungkulin ay pinagbawalang magbitiw ng hatol sa anumang tunggaliang sibil kung araw ng Linggo. Hindi nagluwat at ang lahat ng tao, anuman ang uri niya, ay pinag-utusang huminto sa paggawa, at kung ang sumuway ay laya ang parusa'y multa at kung alipin naman ay palo. Sa huli ay ipina- siya na ang mga mayayaman ay parusahan ng pag-aalis ng kalahati ng kanilang mga lupain at sa wakas pagka nagmamatigas pa rin, ay gagawin silang mga busabos. Ang mga may kaunti lamang kabuhayan ay magdurusa sa walang-hanggang pagkatapon.MT 488.2

    Kinailangan din naman ang pagsasabi ng mga kababalaghan. Kabilang ng mga ibang kababalaghan ay ibinabalita na nang mag-aararo na ang isang magsasaka sa kanyang bukid isang araw ng Linggo, ay nililinis niya ang kanyang araro sa pamamagitan ng isang bakal, ang bakal na ito ay dumikit sa kanyang kamay, at dalawang taong dala-dala niya ito, “na malabis niyang ipinagdamdam at ikinahiya.”6Francis West, Historical and Practical Discourse on the Lord's Day, p. 174.MT 489.1

    Nang malaunan ay nagbilin ang papa, sa mga pari ng bayan na nararapat nilang payuhan ang mga hindi nangingilin ng Linggo at pagsabihan silang pumasok sa simbahan at magdasal, kung hindi ay baka may dumating sa kanilang sarili at sa kanilang mga kapitbahay na malubhang kapahamakan. Ang isang kapulungan ng iglesya ay nagharap ng katuwiran, na mula noo'y ginamit na ng marami, maging mga Protestante, na sapagka't may mga taong tinamaan ng kulog samantalang gumagawa ng araw ng Linggo, ay walang pagsalang ito na nga ang kapangilinan. “Malinaw” ang sabi ng mga pari, “na malaki ang poot ng Diyos sa paglapastangan nila sa araw na ito.” Dahil dito'y nagkaroon ng isang panawagan na ang mga pari at mga ministro, mga hari at prinsipe, at lahat ng mga tapat na tao, ay “magsikap at mag-ingat ng buo nilang magagawa upang ang araw na ito ay maisauli sa kanyang karangalan, at, alang-alang sa ikapupuri sa Sangkakristiyanuhan, ay ipangilin ng lalong mahigpit sa panahong hinaharap.”7Thomas Morer, Discourse in Six Dialogues on the Name, Nation, and Observation of the Lord's Day, p. 271. (1701.)MT 489.2

    Nang hindi makasapat ang mga kapasiyan ng mga kon- silyo, ay nilapitan naman ang mga pinuno ng pamahalaan upang gumawa ng utos na siyang sisindak sa mga puso ng mga tao, at pipilit sa kanila upang tumigil ng paggawa sa araw ng Linggo. Sa isang pulong na ginanap sa Roma, ang lahat ng unang kapasiyahan ay muling pinagtibay na may lalong kalakasan at kataimtiman. Isinama din naman ang mga ito sa kautusan ng iglesya, at ipinasunod ng mga pinuno ng pamahalaan sa halos buong Sangkakristiyanuhan.8P. Heylyn, History of the Sabbath, bah. 2, Kab. 5, pangkat 7.MT 489.3

    Gayon ma'y ang kawalan ng katibayang mula sa Kasulatan sa pangingilin ng Linggo ay lumikha ng di gagaanong pagkakapahiya. Tinutulan ng mga tao ang karapatan ng kanilang mga tagapagturo na walang kabuluhan ang malinaw na pahayag ni Heoba na, “Ang ikapitong araw ay Sabado sa Panginoon mong Diyos,” upang igalang ang kaarawan ng araw. Upang mapagpunan ang kawalan ng patotoo ng Biblia, ay kinailangan nila ang ibang matalinong pamamaraan. Ang isang masigasig na tagapagtanyag ng Linggo, na dumalaw sa mga iglesya ng Inglatera nang magtatapos na ang ikalabindalawang dantaon ay sinagupa ng mga tapat na saksi ng katotohanan; at gayon na lamang ang pagkabigo ng ginawa niyang mga pagsisikap, na anupa't umalis siya sa lupaing ito sa loob ng kaunting panahon, at gumawa ng ibang paraan upang maipasunod ang kanyang mga iniaaral. Nang siya'y bumalik ay dala na niya ang kapupunan at sa mga huli niyang paggawa ay nagkaroon siya ng lalong malaking tagumpay. Nagdala siya ng isang balumbong ipinamamarali niyang galing sa Diyos, na kinaroroonan ng kinakailangan nilang utos tungkol sa pangingilin ng Linggo, na may kalakip na mga babala upang takutin ang mga masuwayin. Ang mahalagang dukomentong ito—isang huwad na kasingsama ng doktrinang pinatutunayan—ay sinasabing nagmula sa langit, at natagpuan sa Jerusalem, sa ibabaw ng dambana ni San Simeon, sa Golgota. Datapuwa't sa katotohana'y sa palasyo ng papa sa Roma ito nanggaling. Ang mga pagdaraya at paghuhuwad upang masulong ang kapangyarihan at kasaganaan ng iglesya ay ipinalagay ng kapapahan na ayon sa matuwid.MT 490.1

    Ang balumbong yaon ay nagbabawal ng paggawa mula sa alas tres ng Sabado ng hapon hanggang sa pagsikat ng araw sa umaga ng Lunes; at ang kapangyarihan nito ay sinabi nilang pinatunayan ng maraming kababalaghan. Ibinabalita nilang ang mga taong gumawa ng lampas sa takdang oras ay dinapuan ng sakit na paralisis. Hindi harina ang nakita ng isang tao na gumigiling ng trigo, na lumalabas sa kanyang gilingan kundi dugong umaagos, at huminto ang gilingan, bagaman malakas ang agos ng tubig na siyang nagpapatakbo nito. May isang babaing naglagay ng minasang harina sa hurno nguni't nang hanguin niya'y hindi luto, bagaman napakainit ang hurno. Ang isa naman ay nagmasa rin ng harina at naghanda ng harina upang gawing tinapay sa alas tres ng hapon ng Sabado, nguni't nagpasiyang itabi na muna hanggang sa kinaumagahan ng Lunes, datapuwa't kinabukasan ay nasumpungan niyang luto na ang tinapay, linuto ng kapangyarihan ng Diyos. Nasumpungan ng isang lalaking nagluluto ng tinapay pagkaraan ng alas tres ng hapon ng Sabado, nang hatiin na niya ang tinapay sa kinabukasan na may dugong dumadaloy. Sa pamamagitan ng ganyang kamangmanga't mapamahiing katha-katha ay sinikap ng mga nagtatanyag ng Linggo na itatag ang kabanalan ng araw na ito.9Tingnan ang sulat ni Roger de Hoveden, Annals, tomo 2, p. 528-530.MT 491.1

    Sa Eskosya, gayon din sa Inglatera, ang malaking paggalang sa araw ng Linggo ay natamo sa pamamagitan ng paglalakip dito ng isang bahagi ng dating kapangilinan. Datapuwa't ang iniuutos na panahong ipa ngilin ay iba-iba. Ang isang utos ng hari sa Eskosya ay nagpahayag na “mula sa katanghaliang tapat ng Sabado ay dapat ibilang na banal,” at mula sa panahong iyan hanggang sa Lunes ng umaga, ay wala nang nararapat gumawa ng gawaing makasanlibutan.10Thomas Morer, Discourse in Six Dialogues on the Name, Nation, and Observation of the Lord's Day, p. 290, 291.MT 491.2

    Nguni't sa kabila ng lahat na pagsisikap na maitatag ang kabanalan ng Linggo, ang mga makapapa na rin ang kumilalang Diyos ang nag-uutos ng pangingilin ng Sabado, at ang Linggo na siyang dito'y inihalili ay isang likhang tao lamang. Nang ikalabing-anim na dantaon ay ganito ang ipinahayag na malinaw ng isang konsilyo ng mga makapapa: “Dapat alalahanin ng mga Kristiyano na ang ikapitong araw ay itinalaga ng Diyos, at tinanggap at ipinangilin, hindi lamang ng mga Hudyo kundi ng lahat ng mga nagsasabing sumasamba sa Diyos; bagaman binago nating mga Kristiyano ang kanilang kapangilinan at inilipat natin sa Linggo.”11Thomas Morer, Discourse in Six Dialogues on the Name, Nation, and Observation of the Lord's Day, p. 281, 282. Ang mga nanghihimasok sa banal na kautusan ay hindi walang malay sa kanilang ginawa. Tikis nilang inilagay ang kanilang sarili na mataas pa kaysa Diyos.MT 492.1

    Ang isang kapuna-punang halimbawa ng pamamalakad ng Roma roon sa mga sumasalungat sa kanya ay nahayag sa matagal at madugong pag-uusig niya sa mga Baldense, na ang ilan ay nangingilin ng Sabado. Ang mga iba naman ay dumanas ng ganito rin dahil sa pagtatapat nila sa ikaapat na utos. Ang kasaysayan ng mga iglesya sa Etyopya at Abisinya ay lalong katangi-tangi. Sa gitna ng kadiliman noong madilim na Kapanahunan, ang mga Kristiyano ng gitnang Aprika ay nakaligtaan na at nalimutan ng sanlibutan, at sa malaong panahon ay tinamasa nila ang kalayaan sa kanilang pananampalataya. Datapuwa't sa wakas ay napag-alaman ng Roma ang kanilang kalagayan, at ang emperador ng Abisinya ay madaling na- daya sa paniniwala na ang papa ay kahalili ni Kristo. Sumunod na ang mga ibang pakikiayon. Lumabas ang isang pasiya na nagbabawal ng pangingilin ng Sabado sa ilalim ng mabibigat na parusa.12Michael Geddes, Church History of Ethiopia, p. 311, 312. Datapuwa't ang kalupitan ng papa ay di natagala't naging napakabigat na pamatok na anupa't ipinasiya ng mga taga-Abisinya na ito'y baliin. Pagkatapos ng isang kakila-kilabot na paglalabanan, ang mga Romanista ay napalayas sa kanilang mga nasasakupan, at napasauli ang dating pananampalataya. Ikinaligaya ng mga iglesya ang kanilang paglaya, at hindi na nila nalimutan ang aral na kanilang natutuhan tungkol sa karayaan, pagkapanatiko, at mapaniil na kapangyarihan ng Roma. Ikinasiya nilang manirahan sa kanilang bayan na hindi nalalaman ng ibang bahagi ng Sangkakristiyanuhan.MT 492.2

    Ang mga iglesya sa Aprika ay nangilin ng Sabado gaya ng ginawa ng iglesyang makapapa bago siya lubusang tumalikod. Samantalang ipinangingilin nila ang ikapitong araw dahil sa pagtalima sa utos ng Diyos, ay humihinto naman sila sa paggawa kung araw ng Linggo dahil sa pakikibagay sa kaugalian ng iglesya. Nang umabot na ang Roma sa tugatog ng kapangyarihan, ay niyurakan niya ang Sabado ng Diyos upang pagtibayin ang araw na kanyang itinatag; nguni't ang mga iglesya sa Aprika, na napatago ng halos isang libong taon, ay hindi nakisama sa pagbabagong ito. Nang sumailalim sila sa kapangyarihan ng Roma, ay napilitan silang magpabaya sa tunay na kapangilinan at itanghal ang maling kapangilinan; datapuwa't kapagkarakang makuha nila ang kanilang kasarinlan, ay nanumbalik sila sa pagtalima sa ikaapat na utos.12Michael Geddes, Church History of Ethiopia, p. 311, 312.MT 493.1

    Ang mga ulat na ito nang panahong lumipas ay maliwanag na naghahayag ng pakikialit ng Roma sa tunay na kapangilinan at sa mga nagsasanggalang nito, at inihahayag din naman ang mga paraan niya upang parangalan ang kanyang itinatag. Itinuturo ng salita ng Di- yos na ang mga malasing ito ay mauulit kapagka ang Katoliko Romano at ang mga Protestante ay nagkaisa na sa pagtatampok sa Linggo.MT 493.2

    Ang hula sa Apokalipsis 13 ay nagpahayag na ang kapangyarihang kinakatawanan ng hayop na may mga sungay na gaya ng sa isang kordero ay siyang pipilit “sa lupa at sa mga tumatahan dito” na sumamba sa kapapahan. —na siyang sinasagisagan ng hayop na “katulad ng isang leopardo.” Ang hayop na may dalawang sungay ay magsasabi rin naman “sa nangananahan sa lupa, na dapat silang gumawa ng larawan ng hayop,” at iuutos din nito sa lahat, “maliliit at malalaki, mayayaman at mga dukha, at mga laya, at mga alipin,” na tanggapin “ang tanda ng hayop.”13Apocalipsis 13:11-16. Napatotohanan na ang Estados Unidos ay siyang kapangyarihang kinakatawanan ng hayop na may mga sungay na gaya ng sa isang kordero, at ang hulang ito ay mattutupad kapag ipinag-utos na ng Estados Unidos na ipangilin ang Linggo, na siyang inaangkin ng Roma na tanging tanda ng kanyang pamumuno. Datapuwa't sa pagsambang ito sa kapapahan ay hindi magiisa ang Estados Unidos. Ang impluensya ng Roma sa mga lupaing kumilala noong una sa kanyang pamumuno, ay hindi pa nasisira. At ipinagpauna ng hula ang pananauli ng kanyang kapangyarihan. “Nakita ko ang isa sa kanyang mga ulo na tila sinugatan ng ikamamatay; at ang kanyang sugat na ikamamatay ay gumaling; at ang buong lupa'y nanggilalas sa hayop.”14Apocalipsis 13:3. Ang pagkakaroon ng sugat na ikamamatay ay tumutukoy sa pagkabagsak ng kapapahan noong 1798. Pagkatapos nito'y sinabi ng propeta; “Ang kanyang sugat na ikamamatay ay gumaling; at ang buong lupa'y nanggilalas sa hayop.” Malinaw na isinasalaysay ni Pablo, na ang taong makasalanan ay mamamalagi hanggang sa ikalawang pagparito ni Kristo.152 Tesalonica 2:8. Hanggang sa wakas ng panahon ay ipag- papatuloy niya ang kanyang gawang pagdaraya. At sinabi rin ng mamamahayag tungkol sa kapapahan, “Ang lahat ng nangananahan sa lupa ay magsisisamba sa kanya, na ang kani-kanyang pangalan ay hindi nasusulat sa aklat ng buhay.”16Apocalipsis 13:8. Sa Europa at sa Amerika ay sasambahin ang kapapahan dahil sa paggalang sa kapangilinang Linggo, na tanging-tanging likha ng kapangyarihan ng Iglesya Romana.MT 494.1

    Buhat pa nang kalahatian ng ika-19 na dantaon, ang patotoong ito ay inihaharap na sa sanlibutan ng nagsisipag-aral ng hula sa Estados Unidos. Sa mga pangyayaring ngayo'y nakikita ay namamalas ang mabilis na pagsulong na tungo sa pagkatupad ng hula. Ang mga gurong Protestante ay nagsasabi ring may pahintulot ang Diyos sa pangingilin ng Linggo, at gaya rin ng mga pinunong makapapa na kumatha ng mga kababalaghan upang ilagay sa lugar ng utos ng Diyos, sila'y walang maibigay na patotoo mula sa Kasulatan. Ang walang batayang pagsasabi na ang mga tao'y dinadalaw ng mga hatol ng Diyos dahil sa paglabag nila sa kapangilinang Linggo, ay uulitin; ngayon pa ma'y ipinipilit na ito. Ang isang kilusan upang ipagutos na ipangilin ang Linggo ay matuling na sumusulong.MT 495.1

    Ang Iglesya Katolika Romana, kalakip ang lahat niyang sangay sa buong sanlibutan, ay bumubuo sa isang malaking kapisanan, sa ilalim ng pangangasiwa ng kapapahan, at itinalagang maglingkod sa mga kapakanan ng kapapahan. Ang angaw-angaw na mga kasapi niya sa lahat ng bansa ng sangkalupaan ay tinuruang mahigpit na kumilala sa papa. Maging anuman ang kanilang bansa, o ang kanilang pamahalaan, ay dapat nilang kilalaning mataas sa lahat ang kapangyarihan ng iglesya. Kahi't nakasumpa na sila na magtatapat sa pamahalaan, sa likod nito'y nalalagay ang pangako ng pagtalima sa Roma, na nagpapalaya sa kanila sa lahat ng pangakong laban sa kanyang mga kapakanan.MT 495.2

    Noong taong 1204, si Papa Inocencio III, ay sumipi mula kay Pedro II, na hari sa Aragon, ng sumusunod na di pangkaraniwang sumpa “Akong si Pedro, hari ng Aragon, ay nagpapahayag at nangangako na magtatapat at magmamasunurin magmula ngayon sa aking panginoon, na Papa Inocencio, sa mga kasumunod niyang Katoliko, at sa Iglesya Romana, at buong tapat kong iingatan ang aking kaharian sa pagtalima sa kanya, na ipagsasanggalang ko ang pananampalatayang Katoliko, at pag-uusigin ko ang mga likong erehe.”17J. Dowling, History of Romanism, aklat 5. hab. 6, pangkat 55. Itoy agpang na agpang sa mga inaangking kapangyarihan ng papa ng Roma, na “may matuwid siyang magbaba ng mga emperador sa kanilang luklukan,” at “magligtas sa mga tao sa pagkapailalim sa mga masamang puno.”18J. L. von Mosheim, Institutes of Ecclesiastical History, aklat 3, sig. 11, bah. 2, kab. 2, pangkat 9, paliwanag 8.MT 496.1

    Ipinagpaunang sinabi ng salita ng Diyos ang nagbabalang kapanganiban; bayaang huwag pakinggan ito, at mapaglalaman ng daigdig Protestante kung ano ang mga layunin ng Roma sa panahong wala nang panahon pa upang makaiwas sa silo. Ang Roma ay walang imik na umaakyat sa kapangyarihan. Ang kanyang mga aral ay gumigiit sa loob ng mga lehislatura, sa loob ng mga iglesya, at sa mga puno ng mga tao. Nagtatayo siya ng matatayog at malalaking gusali at sa mga lihim na dako ng mga ito ay uulitin ang kanyang dating pag-uusig. Marahan at di-inaakala ninuman na pinalalakas niya ang kanyang mga hukbo upang itaguyod ang kanyang mga mithiin at nang siya'y makadagok pag dumating na ang ukol na panahon. Ang ninanasa na lamang niya ay ang siya'y makalamang, at ito'y ibinibigay na sa kanya. Hindi na magluluwat at makikita at madadama natin kung ano ang layunin ng Roma. Sinumang mananampalataya at susunod sa salita ng Diyos, ay magtatamo ng paglibak at pag-uusig.MT 496.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents