Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
ANG MALAKING TUNGGALIAN - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 34—Ang darating na labanan

    Sapul pa sa pasimula ng malaking tunggalian sa langit, ay naging mithiin na ni Satanas ang ibagsak ang kautusan ng Diyos. Ang ipinaghimagsik niya sa Maylalang ay ang adhika ngang ito'y maisagawa; at bagaman napalayas na siya sa langit, ay ipinagpapatuloy pa rin niya ang pakikibaka dito sa lupa. Ang dayain ang mga tao, at sa gayo'y maakay silang sumuway sa kautusan ng Diyos, ay siyang adhikaing walang tigil niyang itinataguyod. Kahit na paano ang pagkaganap nito, maging sa pamamagitan ng pagwawalang kabuluhan sa kautusan o kaya'y sa pagtatakwil sa isa sa mga utos nito, ang kauuwian ay iisa. Ang natitisod sa “isa” ay naghahayag ng paghamak sa buong kautusan; ang kanyang impluensya at halimbawa ay nasa panig ng pagsuway; siya'y nagiging “makasalanan sa lahat.”1Santiago 2:10.MT 497.1

    Sa pagsisikap ni Satanas na hamakin ang mga banal na utos, binaligtad niya ang mga aral ng Biblia, at sa ganito'y napalakip ang mga kamalian sa pananampalataya ng libu-libong nagbabansag na nananalig sa Banal na Kasulatan. Ang kahuli-hulihang tunggalian ng kamalian at ng katotohanan ay wakas lamang ng malaong paglalabanan tungkol sa kautusan ng Diyos. Pumapasok na tayo ngayon sa labanang ito—isang labanan ng mga batas ng mga tao at ng mga utos ni Heoba, labanan ng relihiyon ng Banal na Kasulatan at ng relihiyon ng katha-katha at sali't saling sabi.MT 497.2

    Ang mga kinatawang mangagkakaisa laban sa katotohanan at katuwiran sa punyagiang ito ay masiglang nag- sisigawa ngayon. Ang banal na salita ng Diyos, na ipinamana sa atin sa pamamagitan ng maraming pagbabata at dugo, ay bahagya nang pinahahalagahan. Ang Biblia ay nasa maaabot ng lahat, nguni't iilan ang tumatanggap dito na pinakapatnubay sa kabuhayan. Ang kawalan ng pananampalataya ay palasak, hindi lamang sa sanlibutan, kundi pati sa loob ng iglesya. Marami ang mga nagsisitanggi sa mga doktrinang pinakahaligi ng pananampalatayang Kristiyano. Ang mga dakilang katunayan ng mga kinasihang nagsisulat, ang pagkakasala ng tao, ang pagtubos, at ang pamamalagi ng kautusan ng Diyos, ang lahat o ang bahagi nito, ay halos pawang tinanggihan ng nagpapanggap na daigdig Kristiyano. Ipinalalagay ng libu-libong nagpapalalo dahil sa kanilang karunungan at pagkamapagsarili, na isang kahinaan ang maglagak ng ganap na tiwala sa Banal na Kasulatan: inaakala nilang isang katunayan ng malaking kakayahan at kaalaman ang pagtuligsa sa Banal na Kasulatan, ang pag-uukol sa espiritu at ang pagpapawalang kabuluhan sa mahalagang katotohanan nito sa pamamagitan ng paliwanag. Maraming ministro ang nagtuturo sa kanilang mga tao, at maraming propesor at mga guro ang nagtuturo sa kanilang mga mag-aaral na ang kautusan ng Diyos ay nabago o inalis na; at yaong mga kumikilala na may bisa pa hanggang ngayon ang mga utos nito, upang sundin ayon sa pagkasulat, ay ipinalalagay na karapat-dapat sa pagkutya at paghamak. Sa pagtatakwil ng mga tao sa katotohanan ay itinatakwil nila pati ang May-gawa nito. Sa pagyurak nila sa kautusan ng Diyos, ay tinatanggihan nila ang kapangyarihan ng Nagbigay-utos.MT 497.3

    Walang kamaliang tinanggap ng daigdig Kristiyano na lalong may katapangang lumaban sa kapangyarihan ng langit, walang lalong salungat sa mga ipinakikilala ng katuwiran, walang lalong mapanganib sa kanyang ibinubunga, kaysa kasalukuyang aral, na mabilis na kumakalat, na ang kautusan ng Diyos ay di na dapat talimahin ng tao. Ang bawa't bansa ay may kanyang mga batas, na nag-uutos ng paggalang at pagtalima; walang makapamamalaging pamahalaan kung wala ang mga ito, at maipalalagay kaya na ang Maylalang ng langit at ng lupa ay walang kautusan upang mamahala sa mga kinapal Niya? Lalo parg tugma na pawiin ng mga bansa ang kanilang sariling mga kautusan, at pahintulutan ang bayan na gumawa ng bala nilang mananasa, kaysa pawalang kabuluhan ng Puno ng santinakpan ang Kanyang kautusan, at pabayaan ang sanlibutan na walang batayan ng paghatol sa mga makasalanan o sa pag-aaring matuwid sa mga masunurin.MT 499.1

    Kapag pinabayaan ang pamantayan ng katuwiran, nabubuksan ang daan upang maitatag ng pangulo ng kasamaan ang kanyang kapangyarihan dito sa lupa. Saan man tinatanggihan ang mga banal na utos, ang kasalanan ay hindi lumilitaw na pagkakasala, ni hindi lumilitaw ang katuwiran na isang bagay na kanasa-nasa. Yaong tumatangging pasakop sa pamahalaan ng Diyos ay lubos na hindi nababagay na mamahala sa kanilang mga sarili. Sa pamamagitan ng kanilang mga mapanirang aral, ang diwa ng di-pagpapasakop ay natatanim sa puso ng mga bata at kabataan, na katutubong di-makapagtiis ng pagsupil; at ang nagiging bunga'y isang walang batas at mahalay na lipunan. Samantalang kinukutya ng karamihan ang paniniwala niyaong mga gumaganap sa mga kahilingan ng Diyos, ay sabik naman silang tumatanggap sa mga daya ni Satanas. Pinapaghahari nila ang mahahalay na pita ng laman, at gumagawa sila ng mga pagkakasalang tumawag ng mga hatol ng Diyos sa mga pagano.MT 500.1

    Yaong nangagtuturo sa mga tao na di-gaanong pahalagahan ang mga utos ng Diyos, ay nangaghahasik ng kasuwailan upang mag-ani ng kasuwailan. Alisin ninyo ang pagpigil ng kautusan ng Diyos, at hindi malalaunan at hindi rin papansinin ang mga kautusan ng mga tao. Sapagka't ipinagbabawal ng Diyos ang masasamang gawa, ang pag-iimbot, ang pagsisinungaling, at ang pagdaraya, ang mga tao'y handang yumurak sa kanyang kautusan bilang isang pumipigil sa kanilang pagsagana sa sanlibutan; datapuwa't ang mga ibubunga ng pagtatakwil sa mga utos na ito ay magiging kaiba kaysa kanilang inaasahan. Kung wala nang pananatili ang kautusan, ay bakit natatakot pa ang mga tao na sumalansang? Ang ariarian ay hindi na malalagay sa panatag. Kukuning pagahasa ng mga tao ang mga ariarian ng kanilang kapuwa; at ang pinakamalakas ay siyang magiging pinakamayaman. Pati ng buhay ay hindi pagpipitaganan. Ang sumpaan sa pag-aasawa ay hindi mananayong pinaka isang banal na kutang magsasanggalang sa sambahayan. Kung nanasain ng mayroong lakas, maaagaw niya ang asawa ng kanyang kapuwa sa pamamagitan ng dahas. Ang ikalimang utos ay itatakwil na kasama ng ikaapat. Ang mga anak ay hindi na uurong pang umutang ng buhay ng kanilang mga magulang, kung sa gayo'y matatamo nila ang nasa ng kanilang masasamang puso. Ang sanlibutan ng kabihasnan ay magiging isang hukbo ng mga magnanakaw at mamamatay tao; at ang kapayapaan, kapanatagan at kaligayahan ay mawawala sa lupa.MT 500.2

    Ngayon pa ma'y ang aral na ang mga tao ay wala sa pagganap ng mga utos ng Diyos, ay nagpahina sa bisa ng pagsunod at nagbukas ng mga pintuang dinaanan ng malaking baha ng kasamaan sa sanlibutan. Ang di pagkilala sa kautusan, ang kabulagsakan, at ang karumihan ng pag-iisip ay tulad sa isang malaking bahang tumatabon sa atin.MT 501.1

    Ang lumaganap na kasamaan at kadilimang ukol sa espiritu sa ilalim ng pagpupuno ng Roma ay ang di-maiwasang bunga ng kanyang pagtatakwil sa Banal na Kasulatan; datapuwa't saan masusumpungan ang dahil ng malaganap na kawalan ng pananampalataya, ang pagtanggi sa kautusan ng Diyos, at ang kasiraang ibubunga nito, sa harap ng lubusang liwanag ng ebanghelyo at sa pa- nahon ng kalayaan sa relihiyon? Ngayong hindi na maipailalim ni Satanas ang sanlibutan sa kanyang kapamahalaan sa pamamagitan ng pagkakait ng Kasulatan, ay iba namang paraan ang kanyang ginagamit upang maganap ang layunin ding ito. Ang pagsira ng pananalig sa Banal na Kasulatan ay gayon ding gumaganap ng kanyang adhika na katulad din ng pagsira sa Banal na Kasulatan. Sa pagpapasok niya ng paniniwala, na hindi na nananatili pa ang kautusan ng Diyos, ay malakas niyang naaakay ang mga tao na sumalansang na anaki'y wala silang naaalamang anuman tungkol sa mga utos nito. Ang mga pinuno ng kilusan tungkol sa pangingilin ng Linggo ay mangyayaring magpasok ng mga pagbabagong kinakailangan ng mga tao, mga simulaing kasangayon ng Banal na Kasulatan; datapuwa't habang may nalalakip sa mga ito na isang utos na lumalaban sa kautusan ng Diyos ang mga lingkod ng Panginoon ay hindi makasasama sa kanila. Walang makapag-aaring matuwid sa kanila sa pagpapalit ng mga utos ng mga tao sa mga utos ng Panginoon.MT 501.2

    Sa pamamagitan ng dalawang malaking kamalian: ang hindi pagkamatay ng kaluluwa at ang kabanalan ng Linggo, ay dadalhin ni Satanas ang mga tao sa ilalim ng kanyang mga daya. Samantalang ang una'y nagtatayo ng patibayan ng espiritismo ang ikalawa'y lumilikha ng isang tali ng pakikiramay ng damdamin sa Roma. Ang mga makapapa, na may pagmamalaking nagsasabi na ang kababalaghan ay isang tanda ng tunay na iglesya, ay madaling madaraya ng kapangyarihang gumagawa ng kababalaghan; at palibhasa'y itinapon ng mga Protestante ang kalasag ng katotohanan, ay madaraya rin sila. Ang mga makapapa, ang mga Protestante, at ang mga makasanlibutan ay paraparang magsisitanggap ng anyo ng kabanalan na walang kapangyarihan nito, at sa pagkakaisang ito ay makikita nila ang isang kilusan na siyang hihikayat sa sanlibutan, at maghahatid ng isang libong taon ng kapa- yapaan at kaligayahan na malaon nang panahong inaantabayanan.MT 502.1

    Sa pamamagitan ng espiritismo, ay nagkukunwari si Satanas na mapagkawanggawa sa sangkatauhan, na nilulunasan ang mga karamdaman ng mga tao, at magpapanggap na makapaghaharap ng isang bago't lalong marangal na kaayusan ng relihiyon; samantala'y gumagawa siya bilang isang mangwawasak. Ang kanyang mga tukso ay umaakay sa maraming tao sa kapahamakan. Ang di-pagtitimpi ay nagbabagsak ng katuwiran; at dito'y sumusunod ang pagkabuyo sa kahalayan, pagaalit, at pagbubuhos ng dugo. Kinalulugdan ni Satanas ang pagdidigmaan; sapagka't ito ang gumigising sa pinakamasamang damdamin ng kaluluwa, at nagtataboy sa walang-hanggang pagkapahamak sa kanyang mga sinawing gumon sa bisyo at pagbubuhos ng dugo. Ang kanyang layunin ay ang papagdigmain ang mga bansa sapagka't sa ganito'y maaalis niya ang isipan ng mga tao sa gawang paghahanda upang makatayo sa kaarawan ng Diyos.MT 503.1

    Gumagawa rin naman si Satanas sa pamamagitan ng mga elemento upang maipon ang kanyang ani na mga hindi handang kaluluwa. Pinag-aralan niya ang mga lihim na paggawa ng kalikasan, at ginagamit niya ang kanyang kapangyarihan upang pamunuan ang mga elemento ayon sa ipinahihintulot sa kanya ng Diyos. Nang siya'y pahintulutang magpahirap kay Job, ay kaydaling pinalis niya ang mga kawan ng tupa at baka, mga alila, mga bahay, mga anak, sunud-sunod na dumating ang kabagabagan na mandi'y sa isang sandali lamang.MT 503.2

    Ang Diyos ang siyang nagsasanggalang sa Kanyang mga nilikha, at nagkakanlong sa kanila buhat sa kapangyarihan ng manglilipol. Datapuwa't ang Sangkakristiyanuhan ay nagpakita ng paghamak sa kautusan ng Diyos; at gagawin ng Panginoon ang sinabi Niya na kanyang gaga- win—babawiin Niya ang Kanyang mga pagpapala sa lupa, at aalisin ang Kanyang pag-iingat doon sa mga nangaghihimagsik sa Kanyang kautusan at nagtuturo at namimilit sa mga iba na gumawa ng gayon din.MT 503.3

    Pinamamahalaan ni Satanas ang lahat ng hindi tanging iniingatan ng Diyos. Lilingapin at pasasaganain niya ang ilan upang maitaguyod ang kanyang mga layunin; at dudulutan naman niya ng bagabag ang mga iba, at papaniniwalain sila na ang Diyos ang siyang sa kanila'y pumipighati. Bagaman siya'y nag-aanyo sa mga tao na isang dakilang manggagamot na makapagpapagaling sa lahat nilang karamdaman, ay magdadala siya ng sakit at kapahamakan, hanggang sa maging kagibaan at maging basal ang mga bayang tinatahanan ng maraming tao. Ngayon pa ma'y gumagawa na siya. Sa mga bigla't malulubhang kapahamakan at kasakunaan sa dagat at sa lupa, sa malaking sunog, sa mga mapanirang buhawi at kakila-kilabot na bagyo ng yelo, sa mga unos, baha, ipuipo, biglang paglaki ng tubig, at lindol, sa lahat ng dako at sa isang libong anyo, ay ginagamit ni Satanas ang kanyang kapangyarihan. Sinisira niya ang nahihinog na pananim, at nagkakaroon ng kagutom at panglulupaypay. Ang hangin ay pinupuno niya ng sakit, at libu-libo ang napapahamak sa salot.MT 504.1

    Ang mga pagpaparusang ito ay magiging lalo't lalong malimit at mapangwasak. Ang kapahamakan ay darating sa tao at sa hayop. “Ang lupa ay tumatangis at nasisira,” “ang mapagmataas na bayan . . . ay manghihina. Ang lupa naman ay nadumhan sa ilalim ng mga nainanahan doon; sapagka't kanilang sinalansang ang kautusan, binago ang alituntunin, sinira ang walanghanggang tipan.”2Isaias 24:4, 5.MT 504.2

    At kung magkagayo'y papaniniwalain ng bihasang magdarayang ito na ang mga tao na naglilingkod sa Diyos ay siyang may kagagawan sa mga kasamaang ito. Ipararatang ng mga taong naging dahil ng di-pagkalugod ng Langit ang lahat nilang kabagabagan doon sa mga taong ang pagtalima sa mga utos ng Diyos ay isang palaging pagsaway sa mga mananalansang. Ipahahayag nilang ginagalit ng tao ang Diyos dahil sa pagsuway nila sa kapangilinang Linggo; na ang salang ito ay nagdala ng mga kasakunaan na hindi titigil hanggang sa hindi mahigpit na ipag-utos ang pangingilin ng Linggo; at ang nagsasabi na dapat sundin ang ikaapat na utos, na sa gayo'y sinisira ang paggalang sa Linggo, ay gumugulo sa bayan, na hinahadlangan ang kanilang pagbabalik sa lingap ng Diyos at sa kaginhawahan sa buhay na ito.MT 504.3

    Ang kapangyarihang gumagawa ng kababalaghan na nahayag sa pamamagitan ng espiritismo ay gagamit ng kanyang impluensya laban sa mga nagpapasiyang susunod sa Diyos bago sa mga tao. Ang mga pakikisangguni sa mga espiritu ay magsasabing isinugo sila ng Diyos upang ipakilala sa mga tumatanggi sa Linggo ang kanilang kamalian, na pagtibayin nila na ang mga batas ng bayan ay kinakailangang sundin gaya ng kautusan ng Diyos. Ikahahapis nila ang malaking kasamaan sa sanlibutan, at kakatigan nila ang patotoo ng mga tagapagturo ng relihiyon, na ang mababang kalagayang moral ay dahil sa paglapastangan sa Linggo. Magiging malaki ang poot sa mga ayaw tumanggap sa kanilang patotoo. Ang patakaran ni Satanas sa huling pakikilaban niyang ito sa bayan ng Diyos ay gaya rin ng ginamit niya noon magpasimula ang malaking tunggalian sa langit. Ipinamamansag niyang kanyang sinikap na pagtibayin ang pamahalaan ng Diyos, samantalang lihim na iniuubos niya ang lahat niyang kaya upang ito'y ibagsak. At yaong gawaing sinikap niyang mangyari ay ipinaratang niya sa mga tapat na anghel.MT 505.1

    Kailan ma'y hindi pinipilit ng Diyos ang kalooban o ang budhi ng tao; datapuwa't ang palaging ginagawa ni Satanas—na mapagpunuan yaong hindi madaraya sa ibang paraan—ay pilitin sila sa pamamagitan ng kalupitan. Sa pamamagitan ng pananakot o pamimilit ay sinisikap niyang pagharian ang budhi ng tao, upang siya'y igalang. Upang ito'y maganap ay gumagawa siya sa pamamagitan ng mga may kapangyarihan sa relihiyon at pamahalaan, na uudyukan silang mag-utos ng mga batas ng tao na siyang pagsumang sa kautusan ng Diyos. Sa pagtanggi ng mga iglesyang Protestante sa malilinaw na katuwirang mula sa Kasulatan na nagsasanggalang sa kautusan ng Diyos, ay pananabikan nilang mapatahimik yaong mga may pananampalatayang hindi nila maibagsak sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan. Bagaman ipinikit nila ang kanilang mga mata sa katunayan, ay ginagawa nila ngayon ang isang hakbang na mag-aakay sa pag-uusig sa mga may malinis na budhing tumatanggi sa paggawa ng gaya ng ginagawa ng ibang daigdig Kristiyano, at ayaw kumilala sa mga pag-aangkin ng kapangilinang makapapa.MT 505.2

    Ang mga matataas na tao ng iglesya at ng pamahalaan ay mangagtutulong upang suhulan, hikayatin, o pilitin kaya ang lahat ng tao na igalang ang Linggo. Ang kakulangan ng kapangyarihang mula sa Diyos ay papalitan ng mga mapagpahirap na batas. Ang kabulukan sa politika ay sumisira ng pag-ibig sa katarungan at paggalang sa katotohanan; at maging sa malayang Amerika ang mga makapangyarihan at mangbabatas ay pahihinuhod sa kahilingan ng madla na gumawa ng batas na naguutos na ipangilin ang Linggo upang makamtan ang pagtingin ng bayan. Ang kalayaan ng budhi, na binayaran sa pamamagitan ng di-maulatang kahirapan, ay hindi pagpipitaganan. Sa malapit nang dumating na tunggalian ay makikita nating matutupad ang mga pangungusap ng propeta: “Nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang bumaka sa nalabi sa kanyang binhi, na siyang nagsisitupad ng utos ng Diyos, at may patotoo ni Jesus.”3Apocalipsis 12:17.MT 506.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents