Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
ANG MALAKING TUNGGALIAN - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 9—Sa gitnang europa

    Ang mahiwagang pagkawala ni Lutero ay nakaligalig sa buong Alemanya. Ang mga pagtatanong tungkol sa kanya ay narinig sa lahat ng dako. Kumalat ang alingaw-ngaw, at marami ang nanganiwalang siya'y pinatay. Nagkaroon ng gayon na lamang panangisan, hindi lamang ng kanyang pinakamatalik na mga kaibigan, kundi pati ng libu-libong hindi pa hayagang pumapanig sa Reporma. Marami ang nagsisumpang ipaghihiganti nila ang kanyang kamatayan.MT 149.1

    Ang mga pinuno ng Roma ay nangatakot ng kanilang makita kung saan nahangga ang galit sa kanila. Bagaman masaya sila sa pasimula sa pagaakalang namatay na si Lutero, ay ninasa nila kapagkaraka na magtago mula sa poot ng mga tao. Ang kanyang mga kalaban ay hindi gaanong nabagabag sa kanyang pinakamapangahas na gawa, na di gaya nang siya'y mawala. Yaong mga taong nang una'y humahanap ng paraan upang patayin ang matapang na Repormador dahil sa kanilang poot ay napuno ngayon ng takot nang siya'y naging kaawa-awang bilanggo. “Ang nalalabi lamang na paraan upang mailigtas natin ang ating sarili,” ang sabi ng isa sa kanila, “ay ang magsindi ng mga sulo, at hanapin si Lutero sa buong sanlibutan, upang maisauli natin siya sa bansang humihingi sa kanya.”1J. H. Merle d'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 9, kab. I. Ang utos ng emperador ay wari manding walang kapangyarihan. Nag-alab ang galit ng mga kinatawan ng papa, pagka't ang utos ng emperador ay hindi inaasikaso ng mga tao na gaya ng pagaasikaso nila sa kinahinatnan ni Lutero.MT 149.2

    Ang balitang dumating na siya'y nasa mabuting katayuan, bilanggo nga lamang ay pumayapa sa takot ng bayan, at gumising sa kanilang diwa upang sa kanya'y pumanig. Ang kanyang mga sinulat ay binasa ng mga tao na may malaking kasabikan, higit kaysa noong una. Dumarami ang bilan,g ng nakikipanig sa bayani, na, sa kakila-kilabot na mga pangyayari, ay nagtanggol sa salita ng Diyos. Ang Reporma ay nagpatuloy ng paglakas. Ang binhing ipinunla ni Lutero ay sumibol sa lahat ng dako. Ang kanyang pagkawala ay gumawa ng isang gawain na hindi niya magagawa sa kanyang sarili kung siya'y kaharap. Ngayong mawala ang dakilang pangulo ay nakadama ang mga ibang manggagawa ng isang bagong kapanagutan. Taglay ang bagong pananampalataya at kasipagan ay nagpatuloy sila upang gamitin ang buo nilang kapangyarihan, upang huwag mapatigil ang gawain na pinasimulang may karangalan.MT 151.1

    Pagkapanggaling ni Lutero sa Wartburgo ay tinapos niya ang pagsasalin ng Bagong Tipan, at ang ebanghelyo ay naibigay, di naglaon, sa bayang Aleman sa kanilang sariling wika. Ang pagkakasaling ito ay tinanggap na may malaking kagalakan ng lahat na umiibig sa katotohanan; datapuwa't may paglait na tinanggihan naman ng mga umiibig sa mga sali't saling sabi at mga utos ng tao.MT 151.2

    Nabahala ang mga pari nang kanilang maalaman na ang mga taong karaniwan ay maaari na ngayong makipagliwanagan sa kanila tungkol sa mga utos ng salita ng Diyos, at sa gayo'y mahahayag ang kanilang kamangmangan. Ang mga sandata ng kanilang pangangatuwirangtao ay walang lakas laban sa tabak ng Espiritu. Tinipon ng Roma ang buo niyang kapangyarihan upang pigilin ang pagkakalat ng Banal na Kasulatan; datapuwa't ang utos, pasiya, at pahirap ay pawang nangabigo. Hangga't hinahatulan niya at ipinagbabawal ang Banal na Kasulatan, ay lalo namang lumalaki ang pananabik ng mga tao na malaman kung ano nga ang tunay na itinuturo nito. Ang lahat ng marunong bumasa ay nasabik mag-aral ng salita ng Diyos sa ganang kanila. Dala-dala nila ito saan man sila paroon, at kanilang binabasa ng binabasa, at hindi sila nasisiyahan hanggang sa hindi nila maisaulo ang maraming talata. Nang makita ni Lutero ang may pagsang-ayon pagtanggap sa Bagong Tipan, ay pinasimulan niya kapagkaraka, na isalin ang Matandang Tipan, at kapagkarakang may mayari ay ipinalilimbag niya ng baha-bahagi.MT 151.3

    Tinanggap sa lunsod at sa nayon ang mga sinulat ni Lutero. “Ang nayari ni Lutero at ng kanyang mga kaibigan ay ikinalat ng mga iba. Ang mga monghe, na naniniwalang hindi matuwid ang mga gawain sa monasteryo, at sabik na ipagpalit ang matagal nilang buhay tamad sa isang masipag na paggawa, datapuwa't walang anumang nalalaman upang ipahayag ang salita ng Diyos, ay naglakbay sa mga lalawigan, na dinadalaw ang mga nayon at mga dampa at doo'y kanilang ipinagbibili ang mga aklat ni Lutero at ng kanyang mga kaibigan. Hindi naluwatan at ang Alemanya ay nadagsaan ng matatapang na mga kulpurtor na ito.”2J. H. Merle d'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 9, kab. 11.MT 152.1

    Ang mga sinulat na ito ay pinag-aralang mabuti ng mayayaman, at ng mga dukha, ng matatalino at ng mga mangmang. Kung gabi ay binabasa ng mga nagtuturo sa paaralan ng nayon ang mga ito ng malakas sa maliliit na kalipunang nagtitipon sa tabi ng siga. Sa tuwing basahin ito ay may ilang kaluluwang nanganiniwala sa katotohanan, at kapagkarakang matanggap nila ang salita na may katuwaan, ay ipinahahayag naman nila ang mabubuting balita sa mga iba.MT 152.2

    Lahat ng uri ng tao ay nakikitang may hawak na Banal na Kasulatan, na ipinagtatanggol ang mga aral ng Reporma. Ang mga makapapa na nagpaubaya sa mga pari at sa mga prayle ng pag-aaral sa Banal na Kasulatan, ay tumatawag ngayon sa kanila na humarap at lumaban sa mga bagong aral. Datapuwa't palibhasa'y ang mga pari at prayle ay walang naalaman sa Banal na Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos, ay ganap na dinaig sila ng mga pinararatangan nilang walang muwang at mga erehe. “Sa kasamaang palad” ang sabi ng isang manunulat na Katoliko, “ay napagsabihan pa ni Lutero ang kanyang mga kapanalig na huwag maniwala sa anomang ibang aklat maliban sa Banal na Kasulatan.”2J. H. Merle d'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 9, kab. II. Pulu-pulutong ang nagtitipon upang makinig sa katotohanang ipinakikilala ng mga taong kakaunti ang pinag-aralan, at nakikipagtalo sa mga matatalino at magagaling na teologo. Ang kahiya-hiyang kamangmangan ng mga dakilang taong ito ay nahayag, nang ang kanilang mga katuwiran ay salubungin ng maliwanag na aral ng salita ng Diyos. Ang mga manggagawa, mga kawal, at mga babae pati ng mga bata, ay naging lalong matalino sa mga itinuturo ng mga Banal na Kasulatan kaysa mga pari at mga pantas na teologo.MT 152.3

    Nang makita ng mga pari ng Roma na umuunti ang kanilang mga kapanalig, ay napatulong sila sa mga pinuno ng pamahalaan, at sa lahat ng paraang magagawa nila ay sinikap nilang mapanumbalik ang kanilang mga tagapakinig. Datapuwa't sa mga bagong aral na ito ay natagpuan ng mga tao ang ikinasiya ng kanilang mga kaluluwa, at tumalikod sila doon sa malaong nagpakain sa kanila ng walang kabuluhang ipa ng mga pamahiin at mga sali't saling sabi ng mga tao.MT 153.1

    Nang simulan ang pag-uusig sa mga nagtuturo ng katotohanan, ay tinalima nila ang mga sinalita ni Kristo: “Pag kayo'y pinag-uusig nila sa isang bayang ito, ay magsitakas kayo tungo sa kasunod na bayan.”3Mateo 10:23. Ang liwanag ay lumagos sa lahat ng dako. Ang mga tumatakas ay nakasusumpong ng mapagpatuloy at bukas na tahanan, at habang naroroon sila ay ipinangangaral naman nila si Kristo, kung minsan ay sa loob ng simbahan, o kung itanggi sa kanila ang karapatang ito, ay kahi't na sa mga bahay o kaya ay sa labas. Saan man sila pakikinggan ng mga tao ay inaari nila yaong isang templong itinalaga ng Diyos. Ang katotohanan, na ipinahayag sa gayong kasigla at kapanatagan, ay lumaganap na taglay ang kapangyarihang hindi mangyayaring mapigil.MT 153.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents