Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
ANG MALAKING TUNGGALIAN - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 27—Ang pinagmulan ng masama

    I kinagugulo ng pag-iisip ng marami ang pinagmulan ng kasalanan at ang pananatili nito. Nakikita nila ang gawa ng kasamaan, at ang kalakip nitong mga kakila-kilabot na ibinubungang kapighatian at kagibaan, at itinatanong nila kung paanong ang lahat ng ito ay nakapamamalagi sa ilalim ng pamamahala ng Isang walanghanggan sa karunungan, at pag-ibig. Narito ang isang hiwaga na hindi nila maipaliwanag. At dahil sa kanilang di-kapanatagan at pag-aalinlangan ay hindi nila nakikita ang mga katotohanang malinaw na inilalahad sa salita ng Diyos, at mahalaga sa ikaliligtas. Dahil sa pagsisiyasat ng ilan tungkol sa pagkakaroon ng kasamaan, sinasaliksik nila pati ang mga bagay na hindi kailan man ipinahayag ng Diyos, sa gayo'y hindi nila masuinpungan ang lunas sa kanilang kagulumihanan; at ito ang dinadahilan ng mga inaalihan ng pag-aalinlangan at pakutyang pagtutol sa kanilang pagtatakwil sa mga pangungusap ng Banal na Kasulatan. Sa kabilang dako, ay hindi lubos na matatarok ng mga iba ang malaking suliranin ng kasamaan, sa dahilang pinalabo ng mga sali't saling sabi at ng maling pagpapaliwanag ang iniaaral ng Banal na Kasulatan tungkol sa likas ng Diyos, sa uri ng Kanyang pamahalaan at sa simulain ng Kanyang pakikitungo sa kasalanan.MT 397.1

    Hindi maaaring ipaliwanag ang pinagmulan ng kasalanan at kung bakit ito nananatili. Subali't mayroon tayong sapat na mababatid tungkol sa pinagmulan at kauuwian ng kasalanan, upang ating matalos ng lubusan ang pagkahayag ng katarungan at pagkamaawain ng Diyos sa lahat niyang pakikitungo sa masama. Walang lalong napakaliwanag na itinuturo ang Kasulatan kaysa katunayang ang Diyos sa anumang paraan ay walang kapanagutan sa pagpasok ng kasalanan; hindi sapilitan ang pagkapag-alis ng biyaya, walang pagkukulang ang pamahalaan ng Diyos na magbibigay daan upang bumangon ang paghihimagsik.MT 397.2

    Mapanghimasok ang kasalanan, at sa pagkakaroon nito ay walang maikakatuwiran. Ito'y mahiwaga, hindi maipaliliwanag; ang pagpapaumanhin sa kasalanan ay pagtatanggol dito. Kung may kadahilanang masusumpungan para sa kasalanan o may sanhing maipakikilala sa kanyang paglitaw, hindi na ito lalabas na kasalanan. Ang katuwirang maibibigay lamang natin sa kasalanan ay yaon lamang nasusulat sa salita ng Diyos: “ang kasalanan ay pagsuway sa kautusan;”11 Juan 3:4. ito'y lalang ng isang simulaing lumalaban sa dakilang batas ng pag-ibig na siyang patibayan ng pamahalaan ng Diyos.MT 398.1

    May kapayapaan at kagalakan sa buong daigdigan bago pumasok ang masama. Ang lahat ay may ganap na pakikitugma sa kalooban ng Manglalalang. Nangingibabaw sa lahat ang pag-ibig sa Diyos, at walang pagtatangi ang pag-ibig sa isa't isa. Si Kristo, ang Verbo, ang bugtong na Anak ng Diyos ay nakiisang kasama ng walang-hanggang Ama—isa sa katutubo sa kalikasan, at sa adhikain— Siya lamang sa buong daigdigan ang tanging nakakasangguni sa mga payo at adhika ng Diyos. Sa pamamagitan ni Kristo, nalikha ng Ama ang lahat ng nasa langit. “Sa Kanya nilalang ang lahat ng bagay sa sangkalangitan . . . maging mga luklukan o mga pagsakop, o mga pamunuan, o mga kapangyarihan;”2Colosas 1:16. at kay Kristo, na kapantay ng Ama, ang buong sanlibutan ay tapat na nakikipanig.MT 398.2

    Yamang ang batas ng pag-ibig ay siyang patibayan ng pamahalaan ng Diyos, ang kaligayahan ng lahat ng mga nilalang ay nababatay sa sakdal nilang pagtupad sa mga dakilang simulain ng katuwiran. Ninanasa ng Diyos na siya'y paglingkuran ng lahat Niyang mga nilalang ng paghlingkod ng pag-ibig,—ng paggalang na bumubukal sa matalinong pagkakilala sa Kanyang likas. Hindi Siya nalulugod sa sapilitang pakikipanig at binibigyan Niya ang lahat ng malayang kalooban upang sila'y kusang makapaglingkod sa Kanya.MT 398.3

    Datapuwa't may isang nagnais na maglihis sa kalayaang ito. Ang kasalanan ay nagmula sa kanya na, pangalawa ni Kristo, dinadakila ng Diyos, at mataas sa lahat ng mga nananahan sa langit, sa katungkulan at sa kaluwalhatian man. Noong hindi pa siya nagkakasala si Lusiper ay una sa mga kerubing tumatakip, banal at malinis. “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: iyong tinatakan ang kabuuan, na puno ng karunungan at sakdal sa kagandahan. Ikaw ay nasa Eden, na halamanan ng Diyos, lahat na mahalagang bato ay iyong kasuotan.” “Ikaw ang pinahirang kerubin na tumatakip; at itinatag kita, na anupa't ikaw ay nasa ibabaw ng banal na bundok ng Diyos; ikaw ay nagpanhik-manaog sa gitna ng mga batong mahalaga. Ikaw ay sakdal sa iyong mga lakad mula sa araw na ikaw ay lalangin, hanggang sa ang kalikuan ay nasumpungan sa iyo.rdquo;3Ezekiel 28:12-15, 17.MT 399.1

    Maaari sanang nanatili si Lusiper sa lingap ng Diyos, na minamahal at iginagalang ng buong hukbo ng mga anghel, isinasagawa ang kanyang dakilang kapangyarihang magpala sa mga iba at lumuwalhati sa Maykapal sa kanya. Nguni't sinasabi ng propeta: “Ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kagandahan, iyong ipinahamak ang iyong karunungan dahil sa iyong kaningningan.”3Ezekiel 28:12-15, 17. Unti-unting si Lusiper ay nagpakagumon sa pagnanasang matanghal ang sarili. “Iyong inilagak ang iyong puso na parang puso ng Diyos.” “Sinabi mo sa iyong sarili. . . aking itataas ang aking luklukan sa itaas ng mga bituin ng Diyos at ako'y uupo sa bundok ng kapisanan, sa mga kadulu-duluhang bahagi ng hilagaan; ako'y sasampa sa itaas ng mga kaitaasan ng mga alapaap; ako'y magiging gaya ng Kataas-taasan.”4Ezekiel 28:6; Isaias 14:13, 14. Sa halip na pagsikapang matampok ang Diyos sa pag-ibig at pakikipanig ng Kanyang mga kinapal, ay pinagsikapan ni Lusiper na makuha niya ang kanilang paglilingkod at paggalang. At sa pag-iimbot niya sa karangalang ipinagkaloob ng walang-hanggang Ama sa Kanyang Anak, ay pinagnasaan ng prinsiping ito ng mga anghel ang kapangyarihan na si Kristo lamang ang may karapatang gumamit.MT 399.2

    Ikinagalak ng buong sangkalangitan na ipasinag ang kaluwalhatian ng Ama at ipahayag ang pagpupuri sa Kanya. At samantalang pinararangalan ng gayon ang Diyos, ang lahat ay naging mapayapa at maligaya. Nguni't may isang tinig na sumisira ngayon sa mga pagtutugma sa langit. Ang paglilingkod at pagtatanghal sa sarili, na sinsay sa panukala ng Maylalang ay nakagising ng guniguni ng kasamaan sa pag-iisip na lubos na pinaghaharian ng kaluwalhatian ng Diyos. Si Lusiper ay pinakiusapan ng kapulungan sa kalangitan. Inilahad sa kanya ng Anak ng Diyos ang kadakilaan, kabutihan, at katarungan ng Manglalalang, gayon din ang banal at hindi nagbabagong likas ng Kanyang kautusan. Diyos na rin ang nagtatag ng kaayusan sa langit; at sa paglayo rito ni Lusiper, di nga niya pinarangalan ang Lumikha sa kanya, at nag-anyaya siya ng kapahamakan sa kanya ring sarili. Nguni't ang babalang sa kanya'y ibinigay na kalakip ang walang-hanggang pag-ibig at pagkaawa, ay gumising sa kanyang paglaban. Pinahintulutan niyang ma ngibabaw ang pagkainggit kay Kristo, at lalo siyang nagmatigas.MT 400.1

    Iniwan ni Lusiper ang lugar niya sa harapan ng Diyos at humayo siya sa mga anghel upang maghasik sa kanila ng espiritung walang kasiyahan. Sa paggawa ni-MT 400.2

    yang may mahiwagang kalihiman, na nang una'y ikinukubli ang tunay niyang layunin sa ilalim ng pagkukunwaring pagpipitagan sa Diyos, ay pinagsikapan niyang makalikha ng kawalang kasiyahan sa mga batas na sinusunod sa kalangitan, sa pagsasabing ang mga ito'y nagsasaad ng di-kailangang paghihigpit. Sapagka't ang kanilang katutubo ay banal, inulit-ulit niyang sinabi na dapat sundin ng mga anghel ang itinitibok ng kanilang sariling kalooban. Sinikap niyang makalikha ng pakikiramay ng iba sa kanya, sa pamamagitan ng pagsasabing inapi siya ng Diyos sa pagkakaloob Niya ng mataas na karangalang kay Kristo. Inaangkin niyang sa kanyang paglulunggati ng lalong malaking kapangyarihan at karangalan, ay hindi niya ibig na matanghal ang kanyang sarili, kundi sinisikap lamang niyang magkaroon ng kalayaan ang lahat ng naninirahan sa langit, upang sa pamamagitan nito'y maabot nila ang lalong mataas na kalagayan ng pamumuhay.MT 401.1

    Sa malaking habag ng Diyos ay matagal na pinagtiisan Niya si Lusiper. Siya'y hindi kapagdaka'y inihulog mula sa kanyang mataas na katayuan noong una niyang bigyang lugar ang diwa ng kawalang kasiyahan, maging noon mang kanyang pasimulang ipakilala sa mga tapat na anghel ang kanyang lihis na mga pag-aangkin. Maluwat siyang pinamalagi sa kalangitan. Muli at muling inialok sa kanya ang kapatawaran, lamang ay magsisi siya at sumuko. Ang mga pagsisikap na walang makapagmumunakala kundi ang walang-hanggang pag-ibig at walang-hanggang karunungan lamang ay ipinamalas sa kanya upang ipakilala sa kanya ang kanyang pagkakamali. Ang diwa ng kawalang kasiyahan kailan man ay hindi pa noong una nakikilala sa langit. Ni si Lusiper man ay walang pagkabatid kung saan siya naaanod; hindi niya maunawa ang tunay na likas ng kanyang damdamin. Datapuwa't nang mapatunayan na walang dahilan ang kakawalan niyang kasiyahan, ay kinilala ni Lusiper na si- ya'y namamali, na ang mga pag-aangkin ng Diyos ay matuwid, at dapat niyang kilalanin sa harap ng lahat na nasa langit na matuwid nga. Kung ginawa lamang niya ito, disin ay nailigtas niya ang kanyang sarili pati ng maraming mga anghel. Hindi pa niya noon lubos na pinapatid ang kanyang pakikiugnay sa Diyos. Bagaman kanyang nilisan na ang kanyang tungkuling kerubing tumatakip, gayunman, kung pumayag lamang siyang manumbalik sa Diyos, at kilalanin ang karunungan ng lumikha sa kanya, at nasiyahang lumagay sa dakong itinakda sa kanya ng dakilang panukala ng Diyos, kaipala'y naibalik siya sa dati niyang tungkulin. Datapuwa't ayaw siyang pasukuin ng kanyang kapalaluan. Naging mapilit siya sa pagtatanggol sa sarili niyang lakad, at ipinagmatigas niyang hindi siya nangangailangan ng pagsisisi, at lubusan niyang ibinigay ang kanyang sarili sa pakikipagtunggali sa Maylikha sa kanya.MT 401.2

    Ang lahat ng kapangyarihan ng kanyang matalinong pag-iisip ay kanyang ibinaling sa gawang pagdaraya, upang makuha niya ang pagdamay ng mga anghel na dati'y nasa ilalim ng kanyang pamumuno. Maging ang pagbabala at pagpayo sa kanya ni Kristo ay kanyang binaligtad upang maiangkop sa kanyang taksil na panukala. Inilarawan niya sa mga buong pusong nagtitiwala sa kanya na mali ang ginawang paghatol sa kanya, na ang kanyang katungkulan ay hindi iginalan, at ang kanyang kalayaan ay mababawasan. Buhat sa maling pagpapakahulugan sa mga pangungusap ni Kristo, ay nagpatuloy siya sa paggawa ng di-matuwid at sa tahasang pagsisinungaling, na kanyang pinararatangan ang Anak ng Diyos na siya'y ibig hamakin sa harap ng mga tumatahan sa kalangitan. Pinagsikapan din naman niyang lumikha ng maling pagtatalunan laban sa mga tapat na anghel. Lahat ng hindi niya nakuha sa pagkamatapat at di niya nakabig na lubos sa panig niya, ay kanyang pinaratangang naging pabaya sa ikabubuti ng mga taga-langit. Ang gawaing kanyang ginawa ay kanyang ipinararatang sa mga nanatiling tapat sa Diyos. At upang patunayan ang pagaping ginawa sa kanya ng Diyos, kanyang binigyan ng maling kahulugan ang mga salita at gawa ng Maylalang. Naging pamamalakad niya na lituhin ang mga anghel sa pamamagitan ng mapanglinlang na pangangatuwiran tungkol sa mga adhikain ng Diyos. Ang bawa't bagay na malinaw, ay kanyang kinulubungan ng hiwaga, at sa pamagitan ng mahusay na pagbabaligtad ay tinatakpan niya ng pag-aalinlangan ang maliliwanag na pangungusap ni Heoba. Ang kanyang mataas na tungkulin, na malapit na malapit sa pamahalaan ng langit, ay nakapagdulot ng lakas sa kanyang pagpapanggap at marami ang naakit na pumanig sa kanya sa paghihimagsik laban sa pamahalaan ng langit.MT 402.1

    Sa karunungan ng Diyos ay pinahintulutan niyang itaguyod ni Satanas ang kanyang gawain, hanggang sa ang kanyang diwa ng kawalang kasiyahan ay mahinog at maging tahasang paghihimagsik. Kinakailangan na ang kanyang mga panukala'y lubos na isagawa upang ang likas ng mga ito at kinahihiligan ay makita ng lahat. Si Lusiper, sa kanyang tungkuling kerubing tumatakip ay natanghal na totoo; minahal siya ng labis ng mga nananahan sa langit at malaki ang kanyang impluensya sa kanila.MT 403.1

    Hindi lamang ang lahat ng tumatahan sa langit ang sinasaklaw ng pamahalaan ng Diyos kundli pati lahat ng mga sanlibutan na kanyang nilalang; at inakala ni Satanas na kung kanya lamang mayayakag sa paghihimagsik ang mga anghel sa langit, kanya rin namang mayayakag ang ibang mga sanlibutan. Iniharap niya, taglay ang buong katusuhan, ang kanyang pagmamatuwid. at gumamit siya ng pagdaraya at panglilinlang upang magawa niya ang kanyang hangad. Ang kanyang kapangyarihang dumaya ay napakalaki, at sa pamamagitan ng kanyang balatkayong kasinungalingan ay nagkaroon siya ng kalamangan. Maging ang mga tapat na anghel ay hindi lubos na makatalos sa kanyang likas ni makita man kung saan patutungo ang kanyang ginagawa.MT 403.2

    Si Satanas ay mataas na pinararangalan, at ang lahat niyang mga gawa'y totoong dinamtan ng hiwaga, na anupa't kayhirap na palitawin sa harap ng mga anghel ang likas ng kanyang gawa. Hanggang sa lubos na maisagawa, ang kasalanan ay hindi lumilitaw na masama gaya ng katutubo nito. Hanggang sa sandaling paglitaw nito, ang kasalanan ay walang naging lugar sa santinakpan ng Diyos, at ang mga banal na nilalang ay walang kaalaman tungkol sa likas at pagkamapanghimagsik nito. Hindi nila nabatid ang mga kakila-kilabot na ibubunga ng pagtatakwil sa kautusan ng Diyos. Sa pasimula ay nailingid ni Satanas ang kanyang gawain sa paimbabaw na pagpapanggap ng pagtatapat sa Diyos. Inangkin niyang itinataguyod niya ang karangalan ng Diyos, ang pagkatatag ng Kanyang pamahalaan, at ang kabutihan ng lahat ng naninirahan sa langit. Samantalang ipinapasok niya ang kawalang kasiyahan sa pag-iisip ng mga anghel na nasa kapamahalaan niya, kanyang pinalilitaw sa pamamagitan ng malinis na pamamaraan na ang kanyang sinisikap alisin ay ang kawalang kasiyahan. Nang ulit-ulitin niya na kailangang magkaroon ng pagbabago sa kaayusan at sa batas ng pamahalaan ng Diyos, ay sinabi niya ito sa ilalim ng pagkukunwaring kailangan nga upang mapairal ang kaayusan sa langit.MT 404.1

    Sa pakikitungo ng Diyos sa kasalanan, ay wala Siyang ibang magagamit kundi katuwiran at katotohanan lamang. Nagamit ni Satanas ang di magagamit ng Diyos —ang di-tunay na pamumuri at pagdaraya. Kanyang pinagsikapang palabasing bulaan ang salita ng Diyos, at kanyang inilarawan ng pamali sa harap ng mga anghel ang panukala ng pamahalaan ng Diyos na kanyang sinasabing ang Diyos ay hindi matuwid sa ginawa Niyang pagpapairal ng kautusan at mga palatuntunan sa mga naninirahan sa langit, at sa Kanyang paghinging igalang Siya ng Kanyang mga nilalang ay walang sinisikap Siya kundi ang maitanghal ang Kanyang sarili. Dahil dito kailangang mailantad sa harap ng lahat ng nasa langit at sa harap ng lahat ng sanlibutan na ang pamahalaan ng Diyos ay matuwid, at ang Kanyang kautusan ay sakdal.MT 404.2

    Noon pa mang naipasiya na siya'y hindi makapamamalagi sa langit, hindi pa rin inalisan ng buhay si Satanas ng Walang-hanggang kaalaman. Yamang ang paglilingkod ng pag-ibig ang siya lamang tanging tinatanggap ng Diyos, ang pakikipanig ng Kanyang mga nilalang ay dapat mababaw sa Kanyang katarungan at pagkamaawain. Sapagka't di pa handang umunawa ang mga naninirahan sa langit at sa iba pang sanlibutan sa likas at sa mga ibinubunga ng kasalanan, ay hindi pa nila makikita ang katarungan at awa ng Diyos sa paglipol kay Satanas. Kung kapagkaraka'y nilipol siya, naglingkod sana sila sa Diyos dahil sa takot at hindi sa pag-ibig. Ang impluensiya ng magdaraya ay di sana napawing lubos, at di rin lubos na maalis ang diwa ng paghihimagsik. Ang kasamaan ay dapat pabayaan hanggang sa mahinog. Sa ikabubuti ng buong daigdigan sa buong walang-hanggang panahon, kailangang ipagpatuloy pa ni Satanas ang kanyang simulain upang ang kanyang paratang sa pamahalaan ng Diyos ay makita ng lahat ng mga kinapal sa tunay na liwanag nito, nang sa gayo'y ang katarungan at kahabagan ng Diyos at ang di pagbabago ng Kanyang kautusan ay mailayo sa anumang pag-aalinlangan.MT 405.1

    Ang paghihimagsik ni Satanas ay dapat maging aral sa buong daigdigan sa loob ng buong panahong darating, isang walang-paglipas na saksi sa likas at kakila-kilabot na bunga ng kasalanan. Ang pagsasagawa ng pamamahala ni Satanas, ang bunga nito sa mga tao at sa mga anghel, ay magpapakilala kung ano ang dapat ibunga ng pagtatakwil sa kapamahalaan ng Diyos. Magpapatotoo ito na ang ikabubuti ng lahat na nilalang ng Diyos ay nasasalig sa pamamalagi ng pamahalaan at kautusan ng Diyos. Sa ganya'y ang kasaysayan ng nakakikilabot na sinubukang paghihimagsik na ito ay magiging panghabang panahong makapipigil sa lahat ng banal upang huwag na silang malinlang pa tungkol sa likas ng pagsuway, upang iligtas sila sa paggawa ng kasalanan at sa pagpapahirap ng kaparusahan.MT 405.2

    Si Satanas at ang kanyang hukbo'y nangagkaisang ilagay kay Kristo ang sisi sa kanilang paghihimagsik, na sinasabi nilang kung hindi sila sinaway disin ay di sila naghimagsik. Sa gayong pagmamatigas nila at paglaban dahil sa di nila pagtatapat, na walang kabuluhang nagsisikap na igupo ang pamahalaan ng Diyos, nguni't may kapusungang nag-aangkin na sila'y mga walang salang pinipighati ng mapagpahirap na kapangyarihan, sa wakas ang punong-manghihimagsik at ang mga nakipanig sa kanya ay pinaalis sa langit.MT 406.1

    Yaong ding diwa na naging dahil ng himagsikan sa langit ang siyang nag-uudyok ng himagsikan sa lupa. Ipinagpapatuloy ni Satanas na ginagawa sa tao yaong pamamalakad na ginawa niya sa mga anghel. Ang kanyang diwa ay naghahari ngayon sa mga anak ng pagsuway. Kanilang sinisikap, gaya niya, na pawiin ang mga pagbabawal ng kautusan ng Diyos, at ipinangangako nila sa mga tao ang kalayaan sa pamamagitan ng pagsuway sa Kanyang mga utos. Ang pagsaway sa kasalanan hangga ngayo'y nakagigising ng diwa ng pagkapoot at paglaban. Kapag ang mga pabalita ng babala ng Diyos ay tumatalab na sa budhi ng mga tao, aakayin naman sila ni Satanas sa pag-aaring ganap sa kanilang sarili at sa paghanap ng pagsang-ayon ng mga iba sa kanilang pagkakasala. Sa halip na isaayos ang kanilang kamalian, ay nagagalit pa nga sila sa sumasansala, na tila baga siya lamang ang tanging pinagbubuhatan ng kaguluhan. Mula noong kaarawan ng matuwid na si Abel magpahanggang sa kaarawan natin, ay ganyan ang diwa na ipinakikita sa mga nangangahas na humatol sa kasalanan.MT 406.2

    Datapuwa't inihayag ng walang-hanggang Diyos ang Kanyang likas: “Ang Panginoon, ang Panginoon Diyos na puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan; na gumagamit ng kawaan sa libu-libo, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsalansang at ng kasalanan.”5Exodo 34:6, 7.MT 407.1

    Sa pagpapalayas kay Satanas mula sa langit, ay ipinahayag ng Diyos ang kanyang katarungan at pinagtibay Niya ang karangalan ng Kanyang luklukan. Datapuwa't nang magkasala ang tao dahil sa kanyang pagsuko sa mga pagdaraya ng espiritung tumalikod na ito, ipinakita ng Diyos ang katunayan ng Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagbibigay sa Kanyang bugtong na Anak upang mamatay alang-alang sa nagkasalang sangkatauhan. Sa ginawang pagtubos ay nahayag ang likas ng Diyos. Ang malakas na pangangatuwiran ng Krus ang nagpapakita sa buong sansinukob na ang daan ng pagkakasalang pinili ni Lusiper sa paano mang paraan ay di maaaring iparatang sa pamahalaan ng Diyos.MT 407.2

    Si Satanas ang nag-udyok sa sanlibutan upang itakwil si Kristo. Iniubos ng prinsipe ng kasamaan ang lahat niyang kapangyarihan at katusuhan upang ipahamak si Jesus; sapagka't nakita niya na ang awa at pag-ibig ng Tagapagligtas, ang Kanyang pagkahabag at maawaing pagsinta, ay kumakatawan sa likas ng Diyos sa sanlibutan. Tinutulan ni Satanas ang bawa't pag-aangkin ng Anak ng Diyos, at ginamit niya ang tao bilang ahente niya upang punuin ang kabuhayan ng Tagapagligtas ng paghihirap at kalumbayan. Ang karayaan at kasinungalingan na ginamit niya sa paghadlang sa gawain ni Jesus, ang pagkapoot na nahayag sa pamamagitan ng mga anak ng pagsuway, ang malupit niyang paratang laban sa Kanya na ang kabuhayan ay walang naging tularan sa kabutihan, ang lahat ng iyan ay nanggaling sa malalim na paghihiganti. Ang inimpok na apoy ng pagkainggit at kasamaang loob, ng poot at paghihiganti, ay sumambulat sa Kalbaryo laban sa Anak ng Diyos, samantalang nagmamasid ang buong sangkalangitan na tahimik na nanghihilakbot.MT 407.3

    Nang matapos na ang dakilang paghahandog, si Kristo'y umakyat sa langit, at di Niya tinanggap ang pamimintuho ng mga anghel hanggang sa di Niya naiharap ang Kanyang pamanhik na, “Yaong mga ibinigay Mo sa Akin ay ibig Kong kung saan Ako naroon, sila naman ay dumoong kasama Ko.”6Juan 17:24. Nang magkagayon ang sagot ng Ama na puspos ng di-mabigkas na pag-ibig at kapangyarihan ay narinig naman na nagmumula sa Kanyang luklukan: “Sambahin Siya ng lahat ng mga anghel ng Diyos.”7Hebreo 1:6. Wala ni isa mang kapintasan ang napasa kay Jesus. Ang Kanyang pagpapakababa ay natapos na, ang Kanyang paghahain ay nawakasan na, binigyan Siya ng pangalan na higit sa lahat ng ibang pangalan.MT 408.1

    Ngayon ang kasalanan ni Satanas ay nakitang walang kadahilanan. Ipinahayag niya ang kanyang tunay na likas na sinungaling at mamamatay-tao. Napagkita na ang diwang kanyang ginamit sa pamamahala sa mga tao na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan, ay siya ring ipinamalas sana niya sa mga nananahan sa langit kung pinahihintulutan lamang siya na maghari sa kanila. Kanyang inangkin na ang pagsuway sa batas ng Diyos ay magbubunga ng kalayaan at ng pagkatanghal, nguni't napagkita na nagbunga ng pagkaalipin at pagkadusta.MT 408.2

    Ang mga bulaang paratang ni Satanas laban sa likas at pamahalaan ng Diyos ay nahayag sa tunay na liwanag nila. Pinaratangan ni Lusiper ang Diyos na sinisikap lamang Niya ang pagkatanghal ng Kanyang sarili sa Kanyang paghinging sumuko sa Kanya at sundin Siya ng lahat Niyang nilalang, at ipinahayag pa na samantalang pinipilit ng Manglalalang na tanggihan ng lahat ang kanilang sarili, Siya na rin ay di-tumanggi sa sarili at wa- lang ginawang pagsasakripisyo. Ngayon, nakita na sa ikaliligtas ng nagkasalang sangkatauhan ay ginawa ng Puno ng buong daigdigan ang pinakamalaking sakripisyo na maaaring magawa ng pag-ibig; sapagka't “ang Diyos kay Kristo ay pinakipagkasundo ang sanlibutan sa Kanya rin.”82 Corinto 5:19. Nakita rin naman na bagaman binuksan ni Lusiper ang pintuan na mapapasukan ng kasalanan, dahil sa kanyang pagnanasa ng karangalan at paghahari, si Kristo naman, upang maiwasak ang kasalanan ay nagpakababa at nagmasunurin hanggang sa kamatayan.MT 408.3

    Ang pagkamatay ni Kristo ay isang katuwiran sa kapakanan ng tao na hindi maaaring magapi. Ang parusa ng kautusan ay lumagpak sa Kanya na kapantay ng Diyos, ang tao ay lumaya upang tanggapin ang katuwiran ni Kristo, at ‘sa pamamagitan ng kabuhayan ng pagsisisi at pagpapakababa, ay mananagumpay gaya ng pananagumpay ng Anak ng Diyos sa kapangyarihan ni Satanas. Sa gayo'y ganap nga ang Diyos, at tagapagpaaring ganap sa lahat ng nagsisisampalataya kay Jesus.MT 409.1

    Nguni't ang ipinarito ni Kristo sa lupa upang maghirap at mamatay ay hindi upang tubusin lamang ang tao. Naparito siya upang “dakilain ang kautusan” at “gawing marangal.”9Isaias 42:21. Hindi siya naparito upang igalang lamang ng mga tumitira sa sanlibutan ang kautusan ng gaya ng nararapat, kundi upang ipakita din naman sa lahat ng sanlibutan sa buong sansinukub na ang batas ng Diyos ay hindi maaaring baguhin. Kung ang kahingian lamang ng kautusan ay maaaring itabi, hindi na sana ibinigay pa ng Anak ng Diyos ang Kanyang buhay upang matubos ang pagkasuway sa kautusan. Ang kamatayan ni Kristo ang nagpapatunay na hindi mababago ang kautusan. At ang pagsasakripisyo na ukol doo'y nakilos ang walanghanggang pag-ibig ng Ama at ng Anak, upang matubos ang mga makasalanan, ay nagpapakita sa sanlibutan—ng bagay na di-kukulangin sa panukalang ito ng pagtu- bos ang sapat na makagagawa—na ang katarungan at kaawaan ay siyang patibayan ng kautusan at pamahalaan ng Diyos.MT 409.2

    Sa huling pagbibigay ng hatol ay mahahayag na walang dahilan na maibibigay sa pagkakasala. Kapag itinanong ng Hukom ng buong lupa kay Satanas: “Bakit ka naghimagsik sa Akin at ninakaw mo sa Aking kaharian ang mga nasasakupan Ko?” walang maisasagot na dahilan ang pasimuno ng kasamaan. Ang bawa't bibig ay mapipipilan at ang buong hukbo ng mga naghimagsik ay di makapagsasalita.MT 410.1

    Samantalang ipinahahayag ng krus sa Kalbaryo na ang kautusan ay hindi maaaring mabago, ay ipinahahayag din nito sa buong sansinukub na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan. Noong sumigaw ang Tagapagligtas ng “naganap na” tinugtog noon ang batingaw ng kamatayan ni Satanas. Ang malaking tunggalian na malaon nang isinasagawa, noon ay napagpasiyahan na, at natiyak na ang pangkatapusang pagkaparam ng kasamaan. Ang Anak ng Diyos ay dumaan sa pintuan ng libingan “upang sa pamamagitan ng kamatayan ay Kanyang malipol yaong may paghahari sa kamatayan sa makatuwid ay ang diyablo.”10Hebreo 2:14. Ang paghahangad ni Lusiper na siya'y matanghal ang nag-udyok sa kanya na magsabi: “Aking itataas ang aking luklukan sa itaas ng mga bituin ng Diyos . . . ako'y magiging gaya ng Kataastaasan.” Sinabi ng Diyos: “Pinapaging abo ka sa ibabaw ng lupa, . . . at ikaw ay hindi na mabubuhay pa.”11Isaias 14:13, 14; Ezekiel 28:18, 19. Kapag “ang araw ay dumarating, na nagniningas na parang hurno; . . . ang lahat ng palalo, at ang lahat na nagsisigawa ng kasamaan ay magiging parang dayami, at ang araw na dumarating ay susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, na anupa't hindi mag-iiwan sa kanila ng kahi't ugat ni sanga man.”12Malakias 4:1.MT 410.2

    Ang buong sansinukub ay magiging saksi sa likas at bunga ng kasalanan. At ang lubusang pagpawi sa kasalanan, na noong una'y maaaring nakapaghatid ng pagkatakot sa mga anghel at di-pagpaparangal sa Diyos, ngayon ay magpapatunay sa Kanyang pag-ibig at magtatatag sa Kanyang karangalan sa harap ng mga sansinukub ng mga nilalang na nalulugod na sumunod sa Kanyang kalooban, na ang puso'y kinaroroonan ng Kanyang kautusan. Kailan ma'y hindi na makikita ang kasamaan. Ang sabi ng salita ng Diyos: “Ang pagdadalamhati ay hindi titindig na ikalawa.”13Nahum 1, 9. Ang kautusan ng Diyos na kinutya ni Satanas sa pagsasabing yao'y pamatok ng pagkaalipin, ay pararangalan bilang kautusan ng kalayaan. Ang isang subok at napatunayang nilalang, kailan man ay hindi na muling malalayo sa panig ng Diyos na ang kalikasan ay lubos na nahayag sa harap nila, isang di-matarok na pagibig at walang-hanggang karunungan.MT 410.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents