Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
ANG MALAKING TUNGGALIAN - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 11—Pagtatanggol sa pananampalataya

    Ang isa sa pinakamarangal na patotoo sa kapakanan ng Reporma ay ang Pagtutol na iniharap sa Diyeta sa Espira noong taong 1529, ng mga prinsipeng Kristiyano ng Alemanya. Ang kalakasang-loob, pananampalataya, at katatagan ng mga taong yaon ng Diyos, ay nagpamana sa mga susunod na panahon ng kalayaan ng pag-iisip at budhi. Ang kanilang Protesta ay nagbigay sa nabagong iglesya ng ngalang Protestante; ang mga simulain niyaon ay siyang “kakanggata ng aral ng Protestantismo.”1J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 13, kab. 6.MT 173.1

    Ang Reporma ay inabot ng isang madilim at nagbabalang araw. Bagaman sa Worms ay lumabas ang pasiyang nagpapahayag na si Lutero ay isang salarin, at nagbabawal na ituro o paniwalaan ang mga aral ng taong ito, ay naghari din sa imperyo ang kalayaan sa relihiyon. Ang kalooban ng Diyos ang sumawata sa kapangyarihang sumasalungat sa katotohanan. Ipinasiya ni Carlos V na durugin ang Reporma, datapuwa't malimit na kapag iniaamba niya ang kanyang kamay napipilitan huwag niyang ituloy. Muli't muling tila hindi maiiwasan ang pagkapahamak noong mga sumasalungat sa Roma; datapuwa't kapag dumarating na ang sandaling mapanganib, ang emperador ay binabaka ng hukbo ng Turkya na mula sa Silangan, o dili kaya'y ng hari ng Pransya o ng papa na rin, sa pananaghili sa lumalagong kadakilaan niya, at sa gayo'y sa kalagitnaan ng sigalot at gulo ng mga bansa, ang Reporma ay napabayaan upang magpalakas at sumulong.MT 173.2

    Sa wakas ay pinigil ng mga haring katoliko ang kani- lang alitan, upang kanilang mapagtulung-tulungan ang mga Repormador. Ang Diyeta sa Espira noong 1526 ay nagkaloob sa bawa't lalawigan ng ganap na kalayaan sa mga bagay na ukol sa relihiyon hanggang sa tawagin ang isang pangkalahatang kapulungan; datapuwa't hindi pa man lumilipas ang mga kapanganibang nag-udyok sa pagkakasundong ito ay ipinag-utos na ng emperador na magdaos ng ikalawang konsilyo sa Espira noong 1529 upang pag-usapan ang pagdurog sa erehiya. Ang mga prinsipe ay hihimukin, sa pamamagitan ng mapayapang kaparaanan kung mangyayari, na huwag kumampi sa Reporma; datapuwa't sakaling walang mangyayari, si Carlos ay handang gumamit ng tabak.MT 173.3

    Natuwa ang mga makapapa. Marami silang nagsiharap sa Espira, at hayag na ipinakilala ang kanilang pagkamuhi sa mga Repormador at sa lahat ng nakikiayon sa mga ito. Ang sabi ni Melanehton: “Kami ang sinumpa at sukal na winalis ng sanlibutan; datapuwa't tutunghayan ni Kristo ang kanyang kaawa-awang bayan, at iingatan sila.”2J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 13, kab. 5. Ang mga prinsipeng ebangheliko na dumalo sa konsilyo ay pinagbawalan na magpahintulot na ipangaral ito sa kanilang mga tahanan. Datapuwa't ang mga taga-Espira ay uhaw sa salita ng Diyos, at sa harap ng pagbabawal, ay nagdagsaan ang libu-libo sa mga pulong na ginanap sa kapilya ng elektor ng Sahonya.MT 174.1

    Ito ang nagpadali sa pagdating ng kapanganiban. Ang isang kalatas ng emperador ay nagpahayag sa Diyeta, na sapagka't ang batas na nagbibigay ng kalayaan ng budhi ay nagbangon ng malalaking kaguluhan, ay hinihingi ngayon ng emperador na ito'y pawalang bisa. Ang magahasang asal na ito ay umuntag sa kagalitan at paghihimagsik ng mga Kristiyanong ebangheliko.MT 174.2

    Ang pagpapahintulot sa Relihiyon ay pinagtibay ng batas, at ang mga lalawigang ebangheliko ay nangag- pasiyang tumutol, sa panghihimasok sa kanilang mga karapatan. Si Lutero, palibhasa'y sumasailalim pa ng pagbabawal ng pasiya ng Worms, ay hindi pinahintulutang humarap sa Espira; subali't siya'y inako ng kanyang mga kamanggagawa at ng mga prinsipeng tinawagan ng Diyos upang magsanggalang sa kanyang gawain sa ganitong kagipitan. Ang marangal na taong si Federico ng Sahonya, na dating sanggalang ni Lutero, ay namatay na; nguni't ang Duke Juan, na kanyang kapatid at kahalili, ay buong galak na tumanggap sa Reporma at bagaman siya'y isang kaibigan ng kapayapaan, ay nagpakilala siya ng malaking sigla at tapang sa lahat ng bagay na may kinalaman sa mga kapakanan ng pananampalataya.MT 174.3

    Hiningi ng mga pari na ang mga lalawigang tumanggap sa Reporma ay ganap na sumuko sa kapangyarihan ng Roma. Sa kabilang dako naman ay iginiit ng mga Repormador ang kalayaang sa kanila'y ibinigay noong una. Hindi nila mapahihintulutang sumailalim na muli ng Roma yaong mga lalawigang tumanggap na sa salita ng Diyos ng buong galak.MT 175.1

    Upang magkasundo ay binalak, sa wakas, na roon sa pook na hindi pa matatag ang Reporma, ang pasiya ng Worms ay buong higpit na ipasusunod, at “doon sa pook na ang pasiyang ito ay ayaw kilalanin ng mga tao at hindi makaaayon dito na walang panganib na maghimagsik ay hindi sila magpapasok ng bagong pagbabago, at hindi nila sasalangin ang anumang bahaging pinagtatalunan, at hindi nila pipigilin ang pagmimisa, at hindi nila pahihintulutang tumanggap ang Katoliko Romano ng Luteranismo.”2J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 13, kab. 5. Ang pasiyang ito ay pinagtibay ng Diyeta at ikinasiyang lubha ng mga pari at ng mga panguluhan nilang makapapa.MT 175.2

    Kung ipasusunod ang pasiyang ito, “ang Reporma ay hindi aabot. . . sa lugar na di pa nakaaalam nito, ni maitatayo man sa matatag na mga patibayan. . . sa lu- gar na kinaroroonan na nito.”2J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 13, kab. 5. Ang kalayaan sa pagsasalita ay ipagbabawal. Ipagbabawal ang paghikayat. At sa mga pagbabawal at paghihigpit na ito, ang mga kaibigan ng Reporma ay hininging pailalim agad. Mandi'y halos mamatay na ang mga pag-asa ng sanlibutan. “Ang muling pagkatatag ng organisasyon ng mga pari ng Roma . . . ay walang pagsalang magsasauli ng mga dating kapaslangan;” at ito ang magbibigay ng pagkakataon upang “malubos ang pagkawasak ng isang gawaing naliglig nang mainam,” ng pagkapanatiko at pagsalungat.”MT 175.3

    Nang magpulong ang pangkating ebangheliko upang magsanggunian, ay nangagtinginan sila na natitigilan. Sila-sila'y nagtatanungan; “ano ang dapat gawin?” Malalaking suliranin ng sanlibutan ang nabibingit sa kapanganiban. “Susuko baga ang mga pangulo ng Reporma at tatanggap sa pasiya? Gaano kadaling makapangatuwiran ng pamali ang mga Repormador sa harap ng ganitong kagipitan! Gaano karaming inabubuting dahilan at maiinam na katuwiran ang masasangkalan nila sa pagsuko!MT 176.1

    “Sa kabutihang palad ay tiningnan nila ang simulaing kinababatayan ng pagkakaayos na ito, at sila'y kumilos na may pananampalataya. Anong simulain yaon? Yao'y ang karapatan ng Roma na gahasain ang budhi ng tao at magbawal ng malayang pagsisiyasat. Ang pag-ayon sa iniharap na kasunduan ay magiging isang pag-amin, na ang kalayaan sa relihiyon ay dapat maukol lamang sa narepormang Sahonya; at hinggil sa ibang bahagi ng Sangkakristiyanuhan, ang malayang pagsisiyasat at pagtanggap sa bagong pananampalataya, ay mga krimen at dapat bayaran ng pagkabilanggo o pagkasunog. Makaaayon baga sila na sa isang dako na lamang mabigyang luwag ang kalayaan sa relihiyon? at ipahayag na noon ay naakit na ng Reporma ang kahuli-hulihan niyang kabig? Ito sana'y naging pagkakanulo noong huling oras na iyon, ng gawain ng ebanghelyo at ng kalayaan ng Sangkakristiyanuhan.”3J. A. Wylie, History of Prtestantism, aklat 9, kab. 15. “Inibig pa nilang isakripisyo ang lahat ng bagay, maging ang kanilang mga lalawigan, ang kanilang mga korona, at pati ng kanilang mga buhay.”2J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 13, kab. 5.MT 176.2

    “Tanggihan natin ang pasiyang ito,” anang mga prinsipe. “Sa mga bagay na may kinalaman sa budhi ng tao, ang nakararami ay walang kapangyarihan.” Ipinahayag ng mga kinatawan: “Sa batas na napagtibay noong 1526 ay utang natin ang kapayapaang tinatamasa ngayon ng kaharian; kung pawiin ito ay mapupuno ang Alemanya ng mga bagabag at pagkakahati-hati. Ang Diyeta ay walang karapatang gumawa ng anuman maliban sa ingatan ang kapayapaan sa relihiyon hanggang sa magpulong na muli.”2J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 13, kab. 5. Ang pagsasanggalang sa kalayaan ng budhi ay tungkulin ng pamahalaan, at ito na ang hangganan ng kanyang kapangyarihan sa mga bagay na ukol sa relihiyon.MT 177.1

    Ang bawa't pamahalaang nangangahas mag-utos o magpasunod ng mga utos ng relihiyon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ay pumapatay sa simulain na marangal na ipinakipagpunyagi ng mga Kristiyano ebangheliko.MT 177.2

    Nakita ng Haring Fernando, kinatawan ng emperador sa Diyeta, na ang pasiya ay magbubunga ng malulubhang pagkakahati-hati kung hindi maaakit ang mga prinsipe na tanggapin at tangkilikin ang pasiyang yaon. Nang magkagayo'y ginamit niya ang matalinong paghikayat, yamang alam na alam niya na ang paggamit ng lakas sa gayong mga tao ay magpapatigas lamang ng kanilang loob. “Isinamo niya sa mga prinsipe na tanggapin na ang pasiya at ipinangako niya sa kanila na malulugod na totoo ang emperador sa kanila.” Datapuwa't ang mga tapat na taong ito ay nagsikilala sa isang kapangyarihang lalong mataas sa mga pangulo sa lupa, at sumagot sila ng banayad: “Susundin namin ang emperador sa bawa't ba- gay na makatutulong sa ipagkakaroon ng kapayapaan at paggalang sa Diyos.”2J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 13, kab. 5.MT 177.3

    Sa harap ng Diyeta ay ipinahayag ng hari sa prinsipe at sa kanyang mga kaibigan, na ang pasiya “ay isusulat na at gagawin nang batas ng imperyo,” at wala nang “nalalabi pa sa kanila kundi ang sumunod na lamang sa karamihan.” Pagkasalita niya ay umalis siya sa kapulungan, at hindi na binigyan ang mga Repormador ng pagkakataong makapagsalita o makasagot man. “Walang narating ang pagsusugo nila ng mga kinatawan sa hari na namanhik na siya'y bumalik.” Sa kanilang mga pagtutol ay sumagot na lamang siya ng ganito: “Tapos na ang suliraning iyan, pagsuko ang siya na lamang nalalabi.”2J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 13, kab. 5.MT 178.1

    Sapagka't ayaw kilalanin ni Fernando ang paniniwala ng budhi ng mga prinsipe, ipinasiya nilang huwag pansinin ang kanyang di pagdalo, kundi iharap agad sa kapulungang pangbansa ang kanilang pagtutol. Isang mahalagang pahayag ang kanilang ginawa at iniharap sa Diyeta. Ganito ang sinasabi:MT 178.2

    “Kami'y turnututol sa pamamagitan ng mga nakikiharap na ito, sa harapan ng Diyos, na ating Manglalalang, Tagapagingat, Manunubos, at Tagapagligtas, na siyang magiging Hukom natin balang araw, at gayon din naman sa harapan ng lahat ng tao at lahat ng nilalang, na kami, sa ganang amin at sa aming bayan, ay hindi pumapayag o kumakatig, sa anumang kaparaanan, sa panukalang-batas na ito, sa anumang bagay na laban sa Diyos, sa Kanyang banal na salita, at sa aming matuwid na budhi, sa ikaliligtas ng aming mga kaluluwa.”MT 178.3

    “Ano! kakatigan namin ang batas na ito! Ipahahayag ba namin na kapag ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay tumatawag sa isang taong kilalanin Siya, ang taong ito ay hindi makatatanggap ng pagkakilala sa Diyos?” “Walang tunay na aral kundi yaong ayon sa salita ng Diyos. Ipinagbabawal ng Panginoon ang pagtuturo ng anumang ibang aral. . . . Ang mga Banal na Kasulatan ay dapat ipaliwanag ng mga iba at lalong maliliwanag na talata; . . . ang banal na aklat na ito, sa lahat ng bagay, ay kailangan ng Kristiyano, pagka't madaling maunawa, at sadyang itinalaga sa pagpapasabog ng kadiliman. Ipinasiya namin, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, na panatilihin ang malinis at ganap na pangangaral ng Kanya lamang salita, na napapalaman sa mga aklat ng Matanda at Bagong Tipan, na hindi daragdagan ng anumang nalalaban dito. Ang Salitang ito ay siya lamang katotohanan; ito ang walang pagkakamaling tuntunin ng lahat ng aral sa buong kabuhayan, kailan ma'y di nito bibiguin ni dadayain man tayo. Ang nagtatayo sa ibabaw ng patibayang ito ay makapananaig sa lahat ng kapangyarihan ng impiyerno, samantala'y ang lahat ng walang kabuluhang itinatayo ng mga tao laban dito ay mababagsak sa harapan ng Diyos.”MT 178.4

    “Dahil dito'y tinatanggihan namin ang pamatok na sa ami'y ipinapapasan.” “Sa pagtanggi naming ito'y umaasa namang kami na ang kagalang-galang na emperador ay aasal sa aming tulad sa isang prinsipeng Kristiyano, na umiibig sa Diyos ng higit sa lahat ng bagay; at ipinatatalastas naming kami'y handang magbigay sa kanya, at sa inyo man, mga mapagbiyayang panginoon, ng buong pagmamahal at pagtalima na siyang matuwid at ayon sa batas na aming tungkulin.”1J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 13, kab. 6.MT 179.1

    Ito'y napakintal ng malalim sa isipan ng mga kaharap sa Diyeta. Ang karamihan ay napuno ng pagkamangha at pagkatakot sa katapangan ng mga tumututol. Ang hinaharap na panahon ay nakita nilang mabagyo at maligalig. Ang pagsalungat, alitan, at pagtitigis ng dugo ay tila hindi maiiwasan. Datapuwa't ang mga Repormador, sa pagkatiyak na matuwid ang kanilang usapin at sa pagtitiwala sa bisig ng Makapangyarihan sa lahat, ay “nangapuspos ng lakas ng loob at katatagan.”MT 179.2

    “Ang mga simulaing napapaloob sa bantog na Protestang ito . . . ay siyang kakanggata ng Protestantismo. Ang Pagtutol na ito ay sumasalungat sa dalawang pagpapakalabis ng tao tungkol sa mga bagay ng pananampalataya: ang una'y ang panghihimasok ng pamahalaang sibil, at ang ikalawa'y ang di-mababagong kapangyarihan ng iglesya. Sa halip ng mga kamaliang ito, ay inilalagay ng Protestantismo ang kapangyarihan ng budhi sa ibabaw ng kapangyarihan ng isang namamahala, at ang kapangyarihan ng salita ng Diyos sa ibabaw ng iglesya ng nakikita. Sa una'y tinatanggihan nito ang kapangyarihang sibil na manghimasok sa mga bagay na ukol sa relihiyon, at kasama ng mga propeta at ng mga apostol ay nagsabi: ‘Dapat muna kaming magsitalima sa Diyos bago sa mga tao!’ Sa harapan ng korona ni Carlos V, ay itinaas nito ang korona ni Jesu-Kristo. At bukod dito'y may iba pa: Inilagay rin nito ang simulain, na ang lahat ng aral ng tao ay dapat sumailalim ng mga salita ng Diyos.”1J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 13, kab. 6. Pinagtibay rin naman ng mga tumututol ang kanilang mga karapatang magpahayag ng malaya ng kanilang pagkakilala sa katotohanan. Hindi lamang nila sasampalatayanan at susundin ang ipinakikilala ng salita ng Diyos kundi ituturo pa, at di nila kinilala ang matuwid ng pari o ng isang namamahala na makialam. Ang Pagtutol sa Espira ay isang mataimtim na pagsaksi laban sa di pagbibigay-pahintulot sa relihiyon, at isang pahayag ng matuwid ng lahat ng tao na sumamba sa Diyos alinsunod sa itinitibok ng sarili nilang budhi.MT 179.3

    Nagawa na ang pahayag. Nasulat sa alaala ng libulibo at natala na sa mga aklat sa kalangitan, roo'y hindi na mapapawi kahi't anumang pagsisikap ang gawin ng tao. Tinanggap ng buong Alemanyang ebanghelika ang Protesta na pinakabalayan ng kanilang pananampalataya. Sa pahayag na ito, nakita ng mga tao sa lahat ng dako ang pag-asa na dumarating ang isang bago at mabuting panahon. Ganito ang sabi ng isa sa mga prinsipe sa mga Protestante sa Espira: “Nawa ay ingatan kayo hanggang sa walang-hanggan, ng Makapangyarihan sa lahat, na nagbigay sa inyo ng biyaya na makapagpahayag ng buong lakas, laya, at tapang.”1J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 13, kab. 6.MT 180.1

    Kung ang Reporma ay pumayag na sumang-ayon sa sanlibutan pagkatapos na magtamo ng kaunting tagumpay, ay hindi sana siya naging tapat sa Diyos at sa kanyang sarili, at sa gayo'y siya na rin ang gumawa ng kanyang ikapapahamak. Ang karanasan ng mga marangal na Repormador na ito ay naglalaman ng isang aral para sa lahat ng susunod na panahon. Ang paraan ng paggawa ni Satanas laban sa Diyos at sa kanyang salita'y hindi nagbabago, at gaya noong ikalabing-anim na dantaon ay mahigpit pa rin ngayon ang paglaban niya sa Banal na Kasulatan na ginagawang gabay ng mga tao sa kabuhayan. Sa ating kapanahunan ay malaki ang paghiwalay ng mga tao sa mga aral at utos ng Kasulatan at kinakailangan ang manumbalik sa dakilang simulaing Protestante—ang Biblia, at ang Biblia lamang, na siyang tuntunin ng pananampalataya at tungkulin. Gumagawa pa rin si Satanas sa lahat ng kaparaanang masasamantala niya upang iwasak ang kalayaan sa relihiyon. Ang kapangyarihang antikristiyano, na tinanggihan noon ng mga Protestante sa Espira, ay nagpanibago ngayon ng lakas, sa pagsisikap na maitayong muli ang kanyang nawalang pangingibabaw.MT 181.1

    Iyon ding matibay na panghahawak sa salita ng Diyos na ipinakilala nila noong kapanahunan ng Reporma, ay siyang tanging pag-asa sa pagbabago sa panahong ito.MT 181.2

    Ang Reporma ay dapat matanyag sa harap ng mga makapangyarihang tao sa lupa. Ang mga prinsipeng ebangheliko ay hindi pinakinggan ng haring Fernando; datapuwa't sila'y pagkakalooban pa ng isang pagkakataon na maiharap ang kanilang usapin sa emperador at sa nagkakatipong matataas na tao ng iglesya at pamahalaan. Upang mapayapa ang mga pagtatalo na gumulo sa imperyo, si Carlos V nang mag-iisang taon na, pagkaraan ng pagtutol sa Espira, ay tumawag ng isang Diyeta sa Augsburgo, na roo'y ipinahayag niya ang kanyang adhika na mangulo sa pulong. Doo'y tinawagan ang mga pangulong Protestante.MT 181.3

    Ang mga prinsipeng nagsitanggap ng bagong aral ay nangagkaisa na ilagay sa isang maayos na paraan ang pagpapahayag ng kanilang mga paniniwala, lakip ang patotoo ng Banal na Kasulatan, upang iharap sa Diyeta at ang pag-aayos nito ay ipinagkatiwala kay Lutero, Melanchton, at sa kanilang mga kasama. Ang pahayag na ito ay kinilala ng mga Protestante na pinaka isang paliwanag ng kanilang pananampalataya, at sila'y nagkatipon upang magsilagda ng kanilang pangalan. Yaon ay isang solemne at mapangsubok na panahon.MT 182.1

    Nang magsilapit na ang mga prinsipeng Kristiyano upang lumagda sa dokumento, namagitan si Melanehton na nagsabi: “Nasa mga teologo at mga ministro ang magmungkahi ng mga bagay na ito; dapat nating itaan sa mga ibang bagay ang kapamahalaan ng mga makapangyarihang tao sa lupa.” “Huwag nawang ipahintulot ng Diyos,” ang tugon ni Juan ng Sahonya, na “ako'y hindi ninyo isama. Ako'y natatalagang gumawa ng matuwid, at hindi ko inaalaala ang aking korona. Ninanasa kong ipahayag ang Panginoon. Sa ganang akin ang sombrero ko sa pagkaprinsipe at ang aking toga ay hindi kasinghalaga ng krus ni Jesu-Kristo.” Pagkatapos na makapagsalita siya ng ganito ay inilagda niya ang kanyang pangalan. Ang wika naman ng isa pa sa mga prinsipe ng hawakan niya ang panitik: “Kung kinakailangan ng karangalan ng aking Panginoong Jesu-Kristo, ay handa ako . . . upang lisanin ang aking mga ariarian pati ng aking buhay.” “Iibigin ko pang talikdan ang aking mga sakop at ang aking mga estado, lisanin ang lupa ng aking mga magulang,” ang kanyang patuloy, “kaysa tumanggap ng ibangaral na hindi napapalaman sa pamamahayag na ito.”4J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 14, kab. 6. Ganyan ang pananalig at lakas ng loob ng mga taong yaon ng Diyos.MT 182.2

    Dumating ang panahong itinadhana ng pagharap sa emperador. Si Carlos V, na nakaupo sa kanyang luklukan, at naliligiran ng mga manghahalal at ng mga prinsipe ay nanainga sa mga Repormador na Protestante. Binasa ang pahayag ng kanilang pananampalataya. Sa malaking katipunang yaon, ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay malinaw na nahayag, at ang mga kamalian ng iglesyang makapapa ay dinaliri. Matuwid ang pagkasabi, na ang araw na yaon ay “siyang pinakadakilang araw ng Reporma. At isa sa pinakamaluwalhati sa kasaysayan ng Kristiyanismo at katauhan.”5J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat14, kab. 7.MT 183.1

    Noong mga kaarawan ni Pablo, ang ebanghelyo, na naging dahil ng kanyang pagkabilanggo, ay nakasapit sa ganyan ding kaparaanan, sa mga prinsipe at mga maharlika sa lunsod ng imperyo. Gayon din naman sa pagkakataong ito, yaong ipinagbawal ng emperador na ipangaral sa pulpito ay ipinahayag sa palasyo ng hari; ang ipinalagay ng marami na hindi bagay pakinggan maging ng mga alipin, ay dininig na may pagkamangha ng mga guro at mga pinuno sa kaharian. Ang mga hari at mga dakilang tao ang nagsisipakinig, ang mga nakakoronang prinsipe ang siyang mga tagapangaral, at ang sermon nila ay ang marangal na katotohanan ng Diyos. “Mula nang panahon ng mga alagad,” anang isang manunulat, “ay hindi nagkaroon ng isang dakilang gawain o isang marangal na pagpapahayag na higit kaysa rito.”5J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 14, kab. 7.MT 183.2

    Ang isa sa mga simulaing matibay na ipinagtanggol ni Lutero ay ang hindi nararapat na paghingi ng tulong sa pamahalaan upang matangkilik ang Reporma, at hindi nararapat umasa sa sandata ng pamahalaan upang maipagtangol ito. Ikinatuwa niya, na ang ebanghelyo ay kinilala ng mga prinsipe ng imperyo; datapuwa't nang balakin ni- lang magkaisa upang ito'y ipagtanggol, ay ipinahayag niyang “ang aral ng ebanghelyo ay dapat ipagtanggol ng Diyos lamang. . . . Kung di-gasinong makikialam ang tao sa gawain, ay lalo namang makikita ang pamamagitan ng Diyos sa kapakanan nito. Ang lahat ng mga iminungkahing pag-iingat na ukol sa politika, ayon sa kanyang pagkakilala, ay bunga ng walang kabuluhan pagkatakot at kawalang tiwala.”6J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 10, kab. 14. (Limbag sa Londres.)MT 183.3

    Nang ang mga malalakas na kalaban ay nagkakaisa upang ibagsak ang bagong pananampalataya, at libu-libong tabak ang waring bubunutin laban dito, ay ganito ang sinulat ni Lutero: “Inilalabas ni Satanas ang kanyang galit, ang mga walang kabanalang pontipise ay lumilikha ng masasamang balak; at tayo'y tinatakot sa pamamagitan ng digma. Payuhan ninyo ang bayan na buong tapang na makilaban sa harap ng luklukan ng Panginoon, sa pamamagitan ng pananampalataya at pananalangin, upang ang mga kaaway nating dinaig ng Espiritu ng Diyos ay mapilitang makipamayapa. Ang ating unang kailangan, ang ating unang gawain, ay ang manalangin; unawain sana ng mga tao na sila ngayo'y nalalantad sa talim ng tabak at sa galit ni Satanas, at manalangin sana sila.”7J. H. Merle D'Aubigne, History of the Reformation in the Sixteenth Century, aklat 10, kab. 14.MT 184.1

    Buhat sa lihim na dakong dalanginan ay lumabas ang kapangyarihang yumanig sa sanlibutan noong panahon ng Dakilang Reporma. Doon, taglay ang banal na katiwasayan ay tinatagan ng mga lingkod ng Panginoon ang kanilang tayo, sa ibabaw ng malaking bato ng Kanyang mga pangako. Nang panahong pakikipagpunyagi sa Augsburgo, si Lutero “ay hindi nagparaan ng isang araw na di siya nagtatalaga ng kahi't tatlong oras man lamang sa pananalangin, at yao'y mga oras na siyang pinakamabuti niyang ipag-aral.”MT 184.2

    Dininig ng Diyos ang mga daing ng kanyang mga lingkod. Ang mga prinsipe at ang mga ministro ay pinagkalooban Niya ng biyaya at tapang upang maipagtanggol ang katotohanan laban sa mga pangulo ng kadiliman ng sanlibutang ito. Ang sabi ng Panginoon: “Narito Aking inilalagay sa Sion ang isang batong panulok na pangulo, hirang, mahalaga; at ang sumasampalataya sa Kanya ay hindi mapapahiya.”81 Pedr 2:6. Ang mga Repormador na Protestante ay nangagtibay kay Kristo at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi makapanaig sa kanila.MT 185.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents