Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
ANG MALAKING TUNGGALIAN - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 6—Dalawang tanyag na martir

    Noon pa mang ikasiyam na dantaon ay natanim na sa Bohemya ang ebanghelyo. Isinalin ang Biblia, at idinaos ang mga pagpupulong sa sariling wika ng mga tao. Datapuwa't habang lumalaki ang kapangyarihan ng papa, ay nadidimlan naman ang salita ng Diyos. Si Papa Gregorio VII, na kumuha sa kanyang sarili ng pananagutang papagpakumbabain ang kapalaluan ng mga hari, ay nag-adhika rin namang umalipin sa bayan, at sa ganito'y nagpadala siya ng bula na nagbabawal ng pagdadaos ng hayag na pagpupulong sa wika ng mga taga-Bohemya. Ipinahayag ng papa na “ikinalulugod ng Makapangyarihan sa lahat na ang pagsamba sa Kanya ay idaos sa wikang hindi nalalaman ng mga tao, at maraming kasamaan at erehiya ang bumangon dahil sa hindi pagsunod sa tuntuning ito.”1J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 3, kab. 1. Sa ganya'y ipinag-utos ng Roma na dapat patayin ang tanglaw ng salita ng Diyos, at ang mga tao'y nararapat kulungin sa kadiliman. Datapuwa't naglaan ang Langit ng ibang mga tulong na siyang mag-iingat sa iglesya. Ang marami sa mga Baldense at Albihense na itinaboy ng pag-uusig mula sa kanilang mga tahanan sa Pransya at sa Italya, ay dumating sa Bohemya. Bagaman sila'y hindi nangahas magturo ng hayagan, masikap naman silang gumawa sa lihim. Sa gayong paraa'y naingatan ang tunay na pananampalataya sa sunud-sunod na dantaon.MT 79.1

    Bago dumating ang kaarawan ni Hus, ay nagkaroon na muna ng mga lalaki sa Bohemya na tumindig upang hayagang batikusin ang mga kasamaang ginagawa sa loob ng iglesya at ang kahalayan ng mga tao. Ang mga paggawa nilang ito ay nagbunsod sa pagkakaroon ng malaganap na interes. Nangamba ang mga pari at nabuksan ang paguusig sa mga alagad ng ebanghelyo. Napataboy upang sumamba sa mga gubat at kabundukan, ay pinaghanap sila ng mga kawal, at marami ang pinagpapatay. Pagkatapos ng ilang panahon, nagkaroon ng isang utos na ang lahat ng tumalikod sa pagsambang ipinasusunod ng Katoliko Romano ay dapat sunugin. Datapuwa't isinuko man ng mga Kristiyano ang kanilang mga buhay, umasa naman sila na magwawagi ang kanilang gawain. Ang isa sa kanila na “nagturo na ang kaligtasan ay matatagpuan lamang sa pananampalataya sa napakong Tagapagligtas,” nang mamamatay na ay nagsabi ng ganito: “Ang poot ng mga kaaway ng katotohanan ay nananaig ngayon laban sa atin, nguni't iya'y hindi magpapatuloy magpakailan man, may isang babangon sa gitna ng mga taong karaniwan, na walang tabak o kapangyarihan, at sa kanya'y hindi sila mananagumpay.”2J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 3, kab. 1. Malayo pa ang kapanahunan ni Lutero; datapuwa't noon pa man ay mayroon nang isang bumangon, na ang patotoo laban sa Roma ay liligalig sa mga bansa.MT 79.2

    Mababang pamilya ang pinagmulan ni Juan Hus at maaga siyang naulila sa kanyang ama. Ang kanyang makabanalang ina, na nagpapalagay na ang karunungan at ang pagkatakot sa Diyos ay siyang pinakamahalagang pagaaring matatangkilik ng tao, ay nagsikap na ito'y maipamana sa kanyang anak. Nag-aral si Hus sa paaralang lalawigan, at pagkatapos ay pumasok sa unibersidad ng Praga, na roo'y natanggap bilang isang mag-aaral sa pamamagitan ng kawanggawa. Sa paglalakbay na patungo sa Praga ay sinainahan siya ng kaniyang ina; balo at dukha, wala siyang maipagkaloob na kayamanan ng sanlibutang ito sa kanyang anak, nguni't nang sila'y nalalapit na sa malaking lunsod, nanikluhod siya sa piling ng ulila sa amang kabataan, at hiningi para sa kanya ang pagpapala ng Ama nilang nasa langit. Walang gasinong pagkaunawa ang inang yaon kung paano sasagutin ang kanyang panalangin.MT 81.1

    Sa unibersidad, ay hindi nagtagal at natanghal si Hus dahil sa kanyang masigasig na pag-aaral at mabilis na pagsulong, samantalang ang kanyang malinis na kabuhayan at kagandahang-loob, at mabuting pag-uugali, ay pinupuri ng kalahatan. Siya'y isang tapat na kapanalig ng Iglesya Romana, at isang masikap na naghahanap ng mga pagpapalang ukol sa espiritu na ipinagpapanggap nitong maibibigay.MT 82.1

    Minsan nang hubileo ay nangumpisal siya, ibinayad ang kaunting kuwaltang kanyang naipon, at sumama sa prusisyon upang matanggap niya ang ipinangakong kapatawaran ng kasalanan. Nang makatapos na siya sa kolehiyo, pinasukan niya ang pagpapari at sapagka't matulin ang kanyang pagkataas ay madali siyang natanggap sa korte ng hari. Ginawa rin siyang propesor at pagkatapos ay rektor ng unibersidad na kanyang pinag-aralan.MT 82.2

    Sa loob ng ilan taon lamang ang mapakumbabang mag-aaral na ito na nakapag-aral ng walang bayad ay ipinagmalaki na ng kanyang bayan, at ang kanyang pangalan ay nabantog sa buong Europa.MT 82.3

    Datapuwa't sa ibang bukiran sinimulan ni Hus ang gawaing pagbabago. Pagkaraan ng ilang taon nang maging pari na siya, ay nahirang siyang mangangaral sa kapilya sa Betlehem. Ang nagtayo ng kapilyang ito ay nagpahayag na totoong mahalagang ipangaral ang Banal na Kasulatan sa sariling wika ng mga tao. Sa kabila ng pagtutol ng Roma sa gawaing ito, ay hindi ito lubusang napatigil sa Bohemya. Datapuwa't marami ang walang kaalaman sa Biblia, at ang napakasamang mga bisyo ay siyang umiiral sa lahat ng uri ng mga tao. Ang mga kasamaang ito ay walang pangingiming binatikos ni Hus, na ipinananawagan ang salita ng Diyos upang ipasunod ang mga simulain ng katotohanan at kalinisang kanyang itinuro.MT 82.4

    Isang taga-Praga, si Jeronimo, na sa dakong huli ay naging kasama-sama ni Hus, ay nagdala ng mga aklat na sinulat ni Wicleff nang siya'y manggaling sa Inglatera. Ang reyna ng Inglatera, na naniniwala sa mga aral ni Wicleff, ay isang prinsesang taga-Bohemya at sa pamamagitan ng impluensya niya'y kumalat din naman ang mga aklat ng Repormador sa kanyang bayang tinubuan. Ang mga aklat na ito ay binasa ni Hus na may malaking kasabikan; naniwala siyang isang tapat na Kristiyano ang sumulat niyaon, at may hilig siyang sumang-ayon sa pagbabagong itinataguyod niya. Noon pa man, ay walang malay si Hus na siya'y nakapasok sa isang landas na magialayo sa kanya sa Roma.MT 83.1

    Nang panahong ito ay dumating sa Praga ang dalawang lalaking buhat sa Inglatera, mga taong marurunong, na nagsitanggap ng liwanag, at naparito sa malayong lupaing ito upang magkalat ng liwanag na kanilang natanggap. Sapagka't nagpasimula sila sa isang hayagang pagsalakay sa pamumuno ng papa, madali silang pinatahimik ng mga may kapangyarihan; at sapagka't ayaw nilang talikdan ang kanilang layunin, ay iba namang paraan ang kanilang ginamit. Palibhasa'y mga pintor sila at mangangaral pa, sinimulan nilang gamitin ang kanilang kaalaman. Sa isang dakong lantad sa madla ay gumuhit sila ng dalawang larawan. Ang isa'y kumakatawan sa pagpasok ni Kristo sa Jerusalem, “maamo at nakasakay sa isang asno,”3Mateo 21:5. at sinusundan ng kanyang mga alagad na ang kasuuta'y naluma na dahil sa paglalakbay at mga walang sapin ang paa.MT 83.2

    Ang ikalawa ay naglalarawan ng isang prusisyon ng papa—ang papa ay nararamtan ng mahal na damit at napuputungan ng koronang tatlong patong, nakasakay sa isang kabayo na nagagayakang mainam, pinangungunahan ng mga humihihip ng pakakak. at sinusundan naman ng mga kardenal at mga pari na nakasisilaw sa kinang ang pananamit.MT 83.3

    Narito ang isang sermon na tumawag sa pansin ng lahat ng uri ng tao. Pulu-pulutong na mga tao ang dumating upang tingnan ang mga larawan. Walang hindi nakaunawa ng aral na itinuturo niyaon at marami ang mataos na nakilos sa malaking pagkakaiba ng kaamuan at kababaan ni Kristong Panginoon, at ng kapalaluan at paghahari-harian ng papa na nagbabansag na lingkod ni Kristo. Nagkaroon ng malaking kaguluhan sa Praga at natagpuan ng mga nangingibang bayang ito na kailangang sila'y tumakas upang huwag silang mapahamak. Datapuwa't ang aral na kanilang itinuro ay hindi nalimutan.MT 84.1

    Ang mga larawang kanilang iginuhit ay nakintal ng malalim sa isipan ni Hus, at siya'y naakay sa masinop na pag-aaral ng Biblia, at ng mga sinulat ni Wicleff. Bagaman noo'y hindi pa siya handang tumanggap ng lahat ng itinatanyag na pagbabago ni Wicleff, malinaw naman niyang nakita ang tunay na likas ng kapapahan, at may lalong kasigasigang binatikos niya ang kapalaluan, hangarin at kasamaan ng kapapahan.MT 84.2

    Mula sa Bohemya ay umabot ang liwanag hanggang sa Alemanya; sapagka't ang kaguluhan sa unibersidad ng Praga ay naging dahil ng pag-uwi ng mga daan-daang nagsisipag-aral na Aleman. Marami sa kanila ang tuinanggap mula kay Hus ng kanilang unang pagkakilala sa Banal na Kasulatan at ng sila'y magsiuwi ay inilaganap nila ang ebanghelyo sa bayang kanilang tinubuan.MT 84.3

    Ang mga balita ng nangyayari sa Praga ay umabot sa Roma at di-nalauna't si Hus ay ipinatawag upang humarap sa papa. Ang pagsunod ay paglalantad ng kanyang sarili sa kamatayan. Ang hari at reyna ng Bohemya, ang unibersidad, ang mga maharlika, at ang mga namumuno sa pamahalaan ay samasamang namanhik sa papa na si Hus ay pahintulutang maiwan sa Praga, at sa pamamagitan na lamang ng kinatawan siya sasagot sa Roma. Nguni't sa halip na ipagkaloob ang kahilingang ito, ipinagpatuloy ng papang litisin at hatulan si Hus, at pagkatapus ay ipinahayag na ang Praga ay nasa ilalim ng interdikto.MT 84.4

    Noong mga panahong yaon, kapag binibigkas ang ganitong hatol, ay malaking kaligaligan ang nalilikha. Ang mga seremonyang ginagamit ay tunay na iniangkop upang makapagbigay takot sa isang bayang kumikilala sa papa na kinatawan ng Diyos, na may hawak ng mga susi ng langit at ng impiyerno, at may hawak ng kapangyarihang makahingi ng mga kaparusahang ukol sa laman at gayon din sa espiritu. Ang paniniwala noo'y sinasarhan ang mga pintuan ng langit laban sa pook na nilalagpakan ng interdikto ng papa; at hanggang hindi minamagaling ng papa na alisin ang interdikto ay hindi makapapasok ang patay sa pinagpalang tahanan. Bilang tanda ng kakila-kilabot na kasakunaang ito ay pinigil ang lahat ng pagpupulong ukol sa relihiyon. Ipininid ang mga simbahan. Ang pagkakasal ay sa patyo ginaganap. Ang mga patay, sapagka't ayaw ipalibing sa lupang benditado ay ibinabaon na lamang sa mga kanal o inihuhukay sa mga bukid, na wala nang anumang rito na ginaganap sa paglilibing.MT 85.1

    Sa gayo'y sa pamamagitan ng mga pamamalakad na kumikilos sa dilidili ay sinikap ng Roma na pamahalaan ang budhi ng mga tao.MT 85.2

    Ang lunsod ng Praga ay napuno ng kagusutan. Marami ang nagparatang kay Hus at sinabing siya ang dahil ng lahat nilang mga kasakunaan, at hiniling na siya'y ibigay sa paghihiganti ng Roma. Upang matahimik ang bagyo, umuwi ang Repormador sa kanyang bayan at ilang panahong nagtira roon. Hindi tumigil si Hus sa kanyang paggawa, kundi naglakbay pa nga sa bayan sa palibot, na nangangaral sa mga nananabik na mga tao. Sa ganitong kaparaanan, ang mga paraang ginamit ng papa upang pigilin ang ebanghelyo ay siya pa ngang dito'y nagpalaganap. Tayo'y “walang anumang magagawang laban sa katotohanan, kundi ayon sa katotohanan.”42 Corinto 13:8.MT 85.3

    Hanggang sa panahong ito'y nag-iisang gumagawa si Hus, nguni't ngayon si Jeronimo, na noong nasa Inglatera ay tumanggap ng mga aral ni Wicleff ay nakisama sa kanya sa gawaing pagbabago. Ang dalawang ito mula ng panahong yaon ay nagkasama na sa kanilang kabuhavan at sa kamatayan ma'y hindi na magkakahiwalay. Sa katalasan nga pag-iisip, kabutihan sa pananalita, at karunungan—mga kaloob na umaakit sa pagsang-ayon ng marami—ay nakalalamang si Jeronimo; datapuwa't sa mga uri namang bumubuo sa tunay na likas, ay lalong dakila si Hus. Ang banayad na pagkukuro ni Hus ay naging isang pangpigil sa mapusok na kalooban ni Jeronimo; buong amo na kinilala ni Jeronimo ang katangian ni Hus at napahinuhod sa kanyang payo. Sa pamamagitan ng magkalakip na pagpapagal nila ay lalong mabilis na lumaganap ang Reporma.MT 86.1

    Pinahintulutan ng Diyos na malaking liwanag ang sumilang sa pag-iisip ng mga piling taong ito, na sa kanila'y inihayag ang maraming mga kamalian ng Roma; datapuwa't hindi nila tinanggap ang lahat ng liwanag na dapat ibigay sa sanlibutan. Sa pamamagitan ng mga lingkod Niyang ito, ay inakay ng Diyos ang mga tao buhat sa kadiliman ng Romanismo; datapuwa't marami at malalaki ang mga hadlang na kanilang sasagupain, at hakbanghakbang na inakay Niya sila, alinsunod sa kanilang kakayahan. Hindi pa sila handang tumanggap ng buong liwanag na paminsanan. Gaya ng lubos na liwanag ng araw sa tanghaling-tapat doon sa mga matagal na nasa dilim, lalayuan nila ito, kung sa kanila'y ipahayag. Kaya't ito'y unti-uncing ipinakita ng Diyos sa kanyang mga tagapagtaguyod ayon sa matatanggap ng mga tao.MT 86.2

    Sa pagdating ng bawa't dantaon, ay may susunod namang iba pang mga tapat na manggagawa, upang akayin ang mga tao na magpatuloy sa landas ng pagbabago.MT 87.1

    Nagpatuloy ang pagpapangkat-pangkat sa loob ng iglesya. Naging tatlo ang papang nagpapangagaw sa pagkapangulo at sa kanilang paglalaban ay napuno ng krimen at kaguluhan ang Sangkakristiyanuhan. Taglay ang lumalalong katapangan araw-araw, ay ipinagsigawan ni Hus na parang kulog ang mga karumalang tinutulutan sa pangalan ng relihiyon.MT 87.2

    Waring ang lunsod ng Praga ay nabibingit na naman sa madugong labanan. Gaya noong mga panahong una, ang alipin ng Diyos ay pinaratangang siyang “mangbabagabag sa Israel.”51 Mga Hari 18:17.MT 87.3

    Muli na namang sumailalinr lrg interdikto ang lunsod, at umuwi si Hus sa kanyang sariling nayon. Nawakasan na ang patotoong buong tapat niyang ipinahayag sa kanyang pinakaiibig na kapilya sa Betlehem. Dapat siyang magsalita sa lalong malawak na tungtungan, sa buong Sangkakristiyanuhan, bago niya ihain ang kanyang buhay na pinakasaksi sa katotohanan.MT 87.4

    Upang malunasan ang mga kasamaang gumugulo sa Europa, isang pangkalahatang pulong ang ipinag-anyayang idaos sa Konstansa. Ang pulong ay ipinag-anyaya ng isa sa tatlong nag-aagawang mga papa, si Juan XXIII, ayon sa kahilingan ng emperador Sigismundo.MT 87.5

    Dumalo si Papa Juan na taglay ang maraming pagaalinlangan, gayon nra'y pumasok siya sa bayan ng Konstansa na rnay malaking karilagan, na kasarna ang mga may matataas na tungkulin sa iglesya, at sinusundan ang mahabang hanay ng mga abay. Lahat ng pari at matataas na tao ng bayan, at malaking pulutong ng mga taong bayan ay nagsilabas upang salubungin siya. Sa itaas ng kanyang ulo ay may ginintuang langit-langit na dala ng apat na matataas na pinunong bayan. Ang ostya ay di- nala sa kanyang unahan, at ang mahal na bihisan ng mga kardenal at mga maharlika ay naging napakagara.MT 87.6

    Samantala'y may iba namang naglalakbay na dumarating sa Konstansa. Alam ni Hus ang mga kapanganibang nagbabanta sa kanya. Nagpaalam siya sa kanyang mga kaibigan na wari bagang hindi na niya sila muling makikita pa at yumaon sa kanyang lakbayin na nararamdaman niyang patungo siya sa pagsusunugan sa kanya. Bagaman nakakuha siya ng pases sa hari ng Bohemya, na nangangakong hindi siya magagalaw ninuman, at tumanggap ng isa pa kay emperador Sigismundo, inayos din niya ang lahat ng bagay na waring naki-kinikita na niya ang kanyang pagkamatay.MT 88.1

    Sa paglalakbay ni Hus ay namataan niya ang lahat ng tanda ng paglaganap ng kanyang mga aral, gayon din ang tanda ng pagsang-ayon dito ng mga tao. Dumagsa ang mga taong sasalubong sa kanya, at sa ilang bayan ay sinamahan siya ng mga pinunong bayan sa kanilang mga lansangan.MT 88.2

    Nang dumating si Hus sa Konstansa ay binigyan siya ng ganap na kalayaan. Sa pangako ng emperador ay naragdag ang pangako ng papa na ililigtas siya. Datapuwa't ang mahahalaga't muli't muling pahayag na ito ay sinira rin, at ang Repormador na ito ay hindi nalaunan at hinuli, sa bisa ng utos ng papa at ng mga kardenal, at ipinasok siya sa mabahong bilangguan. Pagkatapos ay inilipat siya sa isang matibay na kastilyo sa ibayo ng Rin, at doon piniit.MT 88.3

    Ang papa na nakinabang ng kaunti sa kanyang kataksilan ay hindi nalauna't ipinasok sa bilangguan ding ito.6F. P. de Bonnechose, The Reformers Before the Reformation, tomo 1, p. 247. Napatunayan sa harap ng kapulungan na nakagawa siya ng pinakamahahalay na kasalanan, bukod sa pagpatay, simoniya,7Paliwanag: Ang simoniya ay ang pagbibili ng mataas na katungkulang eklesyastiko. at pangangalunya, “mga kasalanang hindi dapat bukhin sa labi.” Kaya't ang kapulungan na rin ang sa kanya'y humatol; at sa wakas ay inalisan siya ng tiyara at ibinilanggo. Ang mga nakikipangagaw sa pagkapapa ay inalis din naman, at isang bagong pontipisi ang hinirang.MT 88.4

    Ang pagkabilanggo ni Hus ay ikinagalit na lubha ng mga taga-Bohemya. Ang mga maharlikang may malaking kapangyarihan ay mahigpit na tumutol sa kapulungan laban sa kapaslangang ito. Ang emperador na ayaw pumayag na labagin ang pases na kanyang ibinigay ay tumutol sa mga ginawa kay Hus. Datapuwa't ang mga kaaway ng Repormador ay galit at nagmatigas.MT 89.1

    Sa wakas ay iniharap si Hus sa kapulungan na mahina na dahil sa pagkakasakit at pagkabilanggo—sapagka't ang alimuom ng basa-basang bilangguan, at ang kabahuan ng hangin doon ay nakapagpalagnat sa kanya, na halos kinitil ang kanyang buhay. Siya'y natatanikalaang tumayo sa harapan ng emperador, na sa ngalan ng karangalan at mabuting pangungusap ay nangakong ipagsasanggalang siya. Sa mahabang paglilitis sa kanya ay mahigpit niyang ipinagtanggol ang katotohanan, at sa harapan ng nagkakatipong mga dakilang tao ng iglesya at ng pamahalaan, ay ipinahayag niya ang kanyang taimtim at tapat na pagtutol laban sa kasamaan ng mga tao ng iglesya. Nang pamiliin siya, sa bawiin ang kanyang mga iniaral o magbata ng kamatayan ay minagaling pa niya ang mamatay na isang martir.MT 89.2

    Sa katapus-tapusan ay iniharap si Hus sa kapulungan. Yao'y isang malaki at marangal na kapulungan—kapulungang binubuo ng emperador, mga prinsipe ng kaharian, mga sugo ng hari, mga kardenal, mga obispo, at mga pari, at isang malaking kalipunan ng mga taong sadyang naparoon upang manood sa mga gagawin sa araw na yaon. Mula sa lahat ng bahagi ng Sangkakristiyanuhan ay nagkatipon ang mga saksi sa unang dakilang pag-aalay na ito ng buhay sa gitna ng mahabang pakikipagpunyagi, na sa pamamagitan nito'y matatamo ang kalayaan ng budhi.MT 89.3

    Nang tawagan si Hus para sa kanyang huling kapasiyahan, ipinahayag niya ang kanyang pagtangging bawiin pa ang kanyang mga nasabi na, at sa pagkapako ng kanyang nanunuot na titig sa haring ang salita'y nakahihiyang pinawalang kabuluhan at sinuway, ay sinabi niya: “Ipinasiya ko sa aking sariling kalooban na humarap sa pulong na ito, sa ilalim ng pagkakalinga ng madla at sa pananalig ko sa pangako ng emperador na dito'y kaharap.”8F. P. de Bonnechose, The Reformers Before the Reformation, tomo 2, p.84. Namula si Sigismundo samantalang ang mga mata ng kalahatan ay nakatitig sa kanya.MT 90.1

    Nang mabasa na ang hatol, ginawa naman ang seremonya ng pag-aba sa kanya. Dinamtan ng mga obispo ang kanilang bilanggo ng ayon sa ugaling saserdote, at samantalang tinatanggap niya ang damit paring ito, ay kanyang sinabi: “Ang ating Panginoong Jesus ay binalabalan ng maputing damit upang hamakin, nang ipadala siya ni Herodes sa harapan ni Pilato.”9F. P. de Bonnechose, The Reformers Before the Reformation, tomo 2, p. 86. Nang payuhan siyang muli na bawiin ang kanyang sinabi, ganito ang kanyang itinugon na nakatingin pa sa mga tao: “Ano ngang mukha ang ihaharap ko sa langit? Papaano ko titingnan yaong karamihang pinangaralan ko ng malinis na ebanghelyo? Hindi, minamahal ko ang kanilang kaligtasan ng higit sa abang katawang ito, na hinatulang mamatay.”MT 90.2

    Isa-isang hinubad ang kanyang suot, na bawa't obispo ay bumibigkas ng isang sumpa habang ginaganap ang kanyang bahagi sa seremonya. Katapus-tapusan ay “pinatungan siya sa ulo ng isang gora o mitrang papel na hugis tagilo na may nakatatakot na mga larawan ng mga demonyo, at ganito ang nakatitik sa harap ‘Punong erehe.’ ‘Lubos kong ikinatutuwa,’ ang wika ni Hus, ‘na iputong sa akin ang kahiya-hiyang koronang ito dahil sa Iyo, O Jesus, na dahil sa akin ay pinutungan Ka ng koronang tinik.’ ”MT 90.3

    Nang maramtan na siya ng ganito, “ay sinabi ng mga pari, ‘Ngayo'y itinatalaga namin ang kaluluwa mo sa diyablo.’ ‘At ako,’ ang sabi ni Hus, na nakatingin sa langit, ‘ay naglalagak ng aking espiritu sa Iyong mga kamay, Oh Panginoong Jesus, sapagka't Iyo akong tinubos.’ ”10J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 3, kab. 7.MT 91.1

    Nang magkagayo'y ibinigay siya sa mga may kapangyarihan, at siya'y dinala sa pook na kanyang kamamatayan. Isang malaking pulutong ang kasunod, daan-daang mga taong nasasandatahan, mga pari, at mga obispo na nararamtan ng mahal na damit, at mga taong bayan ng Konstansa. Pagkatapos na maitali ang martir sa haligi at handa na ang lahat upang silaban ang kahoy, muling pinayuhan siya na bawiin ang sinabi niyang mga kamalian upang maligtas ang kanyang buhay. “Anong mga kamalian ang aking babawiin?” ang sabi ni Hus, “alam kong wala ako ni isa mang kasalanan. Saksi ko ang Diyos, na ang lahat ng aking ipinangaral at sinulat ay pawang sa adhikang magligtas ng mga kaluluwa mula sa kasalanan at kapahamakan; kaya't buong galak kong pinagtitibay sa pamamagitan ng aking dugo, ang katotohanang aking sinulat at ipinangaral.”10J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 3, kab. 7.MT 91.2

    Nang magliyab na ang apoy sa kanyang paligid, ay nagpasimula siyang umawit: “Jesus, Ikaw na Anak ni David, maawa Ka sa akin,” nagpatuloy siya hanggang sa manahimik ang kanyang tinig magpakailan man.MT 91.3

    Nang lubos na masupok ang katawan ni Hus, ang kanyang mga abo, pati ng lupang kinalagyan, ay tinipon at inihagis sa Rin, at sa gayo'y naanod hanggang sa malaking dagat. Walang nangyari sa inakala ng mga nagsiusig sa kanya na kanilang nabunot na pati mga ugat ng mga katotohanan na kanyang ipinangaral. Hindi man lamang nila naging pangarap na ang mga abong natangay sa dagat nang araw na yaon, ay magiging binhing kakalat sa lahat ng bayan ng sangkalupaan; na sa mga lupaing hindi pa kilala noon ay magbubunga ito ng sagana sa pagsaksi sa katotohanan. Ang tinig na narinig sa bulwagan ng hukuman ng Konstansa ay nakalikha ng marami pang alingawngaw na siyang maririnig sa lahat ng panahong darating. Wala na si Hus, datapuwa't ang katotohanang kanyang ikinamatay ay hindi mapapawi kailan man. Ang ibinigay niyang halimbawa ng pananampalataya at pagtatapat ay magpapasigla sa marami na tumayong matatag sa katotohanan, sa harap ng pagdurusa at kamatayan. Ang pagkapatay sa kanya ay naglantad sa buong sanlibutan ng taksil na kalupitan ng Roma. Ang mga kaaway ng katotohanan, bagaman hindi nila namamalayan, ay nakatulong lamang sa pagpapalaganap ng kilusang pinagpilitang iwasak.MT 91.4

    Isa pang pagsusunugan ang itinayo sa Konstansa. Ang dugo ng ikalawang saksi ay kailangang magpatotoo sa katotohanan. Nang nagpapaalam na si Hus kay Jeronimo, at aalis na patungo sa kapulungan, ay pinayuhan nito si Hus na magpakatapang, at magpakatibay, at sinabi pang pag nahulog siya sa anumang kapanganiban, ay madali siyang paroroon upang sa kanya'y sumaklolo. Nang mabalitaan niya ang pagkabilanggo ng Repormador, ang tapat na alagad ay naghanda upang tupdin ang kanyang pangako. Tinungo niya ang Konstansa na isa lamang ang kasama, bagaman wala siyang dalang pases na makapagtatanggol sa kanya. Nang dumating siya roon ay napagkilala niyang inilalantad lamang niya ang kanyang sarili sa panganib, at wala siyang magagawang anuman upang iligtas niya si Hus. Tumakas siya sa lunsod, datapuwa't dinakip nang siya'y pauwi, at ibinalik na natatanikalaan at binabantayan ng mga kawal. Ang pagsisikap ni Jeronimo na sagutin ang mga paratang na iniharap laban sa kanya, noong una siyang humarap sa kapulungan, ay sinalubong ng mga sigawang “Sunugin iyan! sunugin iyan!”11F. P. de Bonnechose, The Reformers Before the Reformation, tomo 1, p. 234. Sa gayo'y ipinasok siya sa bilang- guan at tinanikalaan, at ito ang nagbigay sa kanya ng malaking hirap; tinapay at tubig lamang ang ipinakain sa kanya. Pagkaraan ng ilang buwan ang mga kalupitang ginawa kay Jeronimo sa bilangguan ay siyang naging dahil ng pagkakasakit niya na ikinabingit ng kaniyang buhay sa panganib at dahil sa pag-aalaala ng kanyang mga kaaway na baka siya'y mamatay agad ay hindi siya lubhang ginahasa, bagaman isang taon pa siyang natira sa bilangguan.MT 92.1

    Ang pagkamatay ni Hus ay hindi nagbunga ng gaya ng inaasahan ng mga makapapa. Ang pagpapawalang kabuluhan sa pases na sa kanya'y ibinigay ay lumilikha ng malaking kagalitan, at upang ito'y mapayapa, ay ipinasiya ng kapulungan na sa halip na sunugin si Jeronimo ay pilitin na lamang siya kung mangyayari na bawiin ang kaniyang sinabi at itinuro. Iniharap siya sa kapulungan, at pinapamili siya sa bawiin ang kanyang mga sinabi at itinuro o sa mamatay sa apoy. Ang pagpatay sa kanya sa pasimula pa lamang ng kanyang pagkabilanggo ay naging isang awa sana kung itutumbas sa kakila-kilabot na pasakit na kanyang dinanas; nguni't dahil sa kahinaan sa pagkakasakit na kanyang dinanas gawa ng pahirap sa kanya sa bilangguan, at sa paghihimutok ng pag-iisip at pagkabigo, dala ng kalayuan sa mga kaibigan niya, at sa pagkatakot sa kamatayang ikinamatay ni Hus, ay gumupo ang katibayan ni Jeronimo, at siya'y umayon sa kahilingan ng kapulungan. Nangako siyang mananatili sa pananampalatayang Katoliko, at tinanggap niya ang kapasiyahan ng kapulungan na sumpain ang mga aral nina Wicleff at Hus, maliban lamang sa mga “banal na katotohanan” na kanilang itinuturo.12F. P. de Bonnechose, The Reformers Before the Reformation, tomo 2, p. 141.MT 93.1

    Sa pamamagitan ng pagsukong ito ay sinikap ni Jeronimo na payapain ang tinig ng kanyang budhi at iwasan ang kanyang kamatayan. Datapuwa't sa kanyang pag-iisa sa bilangguan ay lalong maliwanag niyang nakita ang kanyang ginawa. Naalaala niya ang tapang at pagtatapat ni Hus, at sa kabila nama'y nadilidili niya ang kanyang pagtatakwil sa katotohanan. Naalaala niya ang banal na Panginoon na pinangakuan niyang paglilingkuran, na dahil sa kanya'y nagbata ng kamatayan sa krus. Nang di pa niya binabawi ang kanyang sinabi at iniaral, sa lingap na ipinangako ng Diyos ay nakatagpo siya ng kaaliwan, sa gitna ng lahat niyang pagdurusa; datapuwa't ngayo'y himutok at pag-aalinlangan ang nagpapahirap sa kanyang kaluluwa. Alam niyang may mga iba pang pagbawi na kailangang gawin bago siya magkaroon ng kapayapaan sa Roma. Ang landas na pinapasok niya ay walang ibang kauuwian kundi ganap na pagtalikod. Kaya't kanyang ipinasiya na hindi niya itatakwil ang kanyang Panginoon upang makaiwas lamang sa isang maikling panahon ng pagdurusa.MT 93.2

    Hindi nalaunan at iniharap siyang muli sa kapulungan. Ang kanyang pagsuko ay hindi pa ikinasiya ng mga nagsisihatol sa kanya. Ang kauhawan nila sa dugo, na pinatindi ng pagkapatay kay Hus, ay humihingi pa ng mga bagong papatayin. Sa pamamagitan lamang ng ganap na pagtatakwil sa katotohanan mangyayaring mailigtas ni Jeronimo ang kanyang buhay. Datapuwa't ipinasiya niyang ingatang matibay ang kanyang pananampalataya, at sundan ang kanyang martir na kapatid sukdan humantong man siya sa apoy.MT 94.1

    Pinawalan niyang kabuluhan ang kanyang unang pagbawi, at bilang isang taong mamamatay, mahigpit niyang hiniling na bigyan siya ng panahon upang maipagsanggalang ang kanyang sarili. Palibhasa'y kinatatakutan ng mga prelado ang ibubunga ng kanyang sasalitain, hiniling nilang sukat ang kilalanin o tanggihan na lamang ang katotohanan ng mga paratang na ibinubuhat sa kanya. Si Jeronimo ay tumutol laban sa ganitong karahasan at katampalasanan. “Ako'y kinulong ninyong tatlong daan at apatnapung araw sa isang nakatatakot na bilangguan,” ang sabi niya, “sa gitna ng karumihan, kabahuan, kaingayan, at ganap na kakulangan ng lahat ng bagay; saka ninyo ako inilabas upang humarap sa inyo, at pagkatapos na marinig ninyo ang patotoo ng aking mahihigpit na kaaway, ay ayaw naman ninyo akong dinggin. . . Kung tunay kayong mga pantas, at mga ilaw ng sanlibutan, ay huwag ninyong salangsangin ang katuwiran. Sa ganang akin, ako'y isang mahinang tao lamang; ang aking buhay ay walang gaanong halaga; at kapag pinayuhan ko kayong huwag magbitiw ng hindi matuwid na hatol ay hindi lamang para sa akin, kundi lalo na para sa inyo ako nagsasalita.”13F. P. de Bonnechose, The Reformers Before the Reformation, tomo 2, p. 146, 147.MT 94.2

    Sa wakas ay itinulot din ang kanyang hinihingi. Nanikluhod si Jeronimo sa harap ng mga huhukom sa kanya, at nanalangin na pamahalaan nawa ng banal na Espiritu ang kanyang pag-iisip at pananalita, upang siya'y huwag makapagsalita ng laban sa katotohanan o ng hindi marapat sa kanyang Panginoon. Sa kanya ay natupad nang araw na yaon ang pangako ng Diyos sa kanyang mga alagad na: “Kayo'y dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin... Datapuwa't pagka kayo'y ibinigay nila, huwag ninyong ikabalisa kung paano o kung ano ang inyong sasabihin; sapagka't sa oras na yaon ay ipagkakaloob sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagka't hindi kayo ang nangagsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang sa inyo'y nagsasalita.”14Mateo 10:18-20.MT 95.1

    Ang mga pangungusap ni Jeronimo ay pinagtakhan at hinangaan kahit na ng kanyang mga kaaway. Isang taong singkad siyang ikinulong sa bilangguan, na dahil sa malaking paghihirap ng kanyang katawan at pag-iisip ay hindi siya makabasa o makakita man. Gayon ma'y ang kanyang pangangatuwiran ay nalahad na may malaking kaliwanagan at kapangyarihan na pa- rang nagkaroon siya ng pagkakataong makapag-aral na walang pagkakagambala. Itinuro niya sa mga nangakikinig sa kanya ang mahabang talaan ng mga banal na tao na hinatulan ng mga likong hukom. Sa halos bawa't salin ng lahi, ay nagkaroon ng mga tao na samantalang nagsisikap na maitaas ang bayan ay mga siniphayo at ipinagtatapon datapuwa't nang mga huling panahon ay napagkilalang marapat parangalan. Si Kristo man ay hinatulan na tulad sa isang masamang tao ng isang hindi matuwid na hukuman.MT 95.2

    Sa unang pagbawi ni Jeronimo sa kanyang mga sinabi ay inamin niyang matuwid ang pagkahatol kay Hus; datapuwa't ngayo'y ipinahayag niya ang kanyang pagsisisi sa sinabi niyang yaon at sumaksi siya sa kawalang sala at sa kabanalan ng martir. Ang sabi niya; “Nakilala ko siya mula sa kanyang pagkabata. Siya'y napakabuting tao, tapat at banal; siya'y hinatulan bagama't siya'y walang sala. . . . Ako man—ako'y handang mamatay: ako'y hindi uurong sa harap ng mga pahirap na inihanda sa akin ng aking mga kaaway at mga saksing bulaan, na balang araw ay magbibigay ng sulit sa lahat nilang masasamang gawa sa harap ng dakilang Diyos, na hindi madaraya nino man.”15F. P. de Bonnechose, The Reformers Before the Reformation, tomo 2, p. 151.MT 96.1

    Nang nakaturo siya sa kanyang mga hukom, ay sinabi sa matigas na pangungusap: “Inyong hinatulan si Wicleff at si Juan Hus, hindi sa dahilang kanilang niluglog ang aral ng iglesya, kundi sa dahilan lamang na kanilang hinamak ang mga kahalayan ng mga pari—ang kataasan, kapalaluan, at lahat ng bisyo nila at ng kanilang mga puno. Ang mga bagay na kanilang pinatunayan, at hindi mapasisinungalingan, ay ipinalalagay ko at ipinahahayag kong gaya rin ng kanilang pagpapahayag.”16F. P. de Bonnechose, The Reformers Before the Reformation, tomo 2, p. 151, 152.MT 96.2

    Muling buinugso ang bagyo ng kagalitan, at si Jero- nimo ay madaling dinala sa bilangguan. Gayon ma'y may ilan sa kapulungan na kinakintalan ng kanyang mga pangungusap, at nagnasang iligtas ang kanyang buhay. Dinalaw siya ng mararangal na tao ng iglesya, at pinamanhikan siyang sumuko na sa kapulungan. Inalayan siya ng mainam na pangako na pinaka gantimpala, itigil lamang niya ang kanyang paglaban sa Roma. Datapuwa't gaya ng kanyang Panginoon, nang alayan ng kaluwalhatian ng buong sanlibutan, si Jeronimo ay nanatiling matibay.MT 96.3

    Hindi nagluwat at hinatulan siya. Siya'y inakay roon din sa pook na kinamatayan ni Hus. Umaawit siyang lumalakad, ang kanyang mukha ay maliwanag dahil sa tuwa at kapayapaan. Ang kanyang paningin ay nakatitig kay Kristo, at sa kanya ang kamatayan ay nawalan ng kilabot. Nang pasalikod niya ang berdugo, noong malapit nang sindihan ang talaksan ng kahoy, ganito ang sinabi ng martir:MT 97.1

    “Huwag kang mangimi; lumapit ka sa harap ko; sa tapat ng aking mukha pagningasin mo ang apoy. Kung ako'y takot ay hindi na ako paririto.”MT 97.2

    Ang mga huli niyang pangungusap samantalang tutumataas ang liyab, ay isang panalangin. “Panginoon, Amang makapangyarihan sa lahat,” ang daing niya, “maawa ka sa akin, at ipatawad po Ninyo ang aking mga kasalanan; sapagka't alam Ninyo na iniibig kong lagi ang Inyong katotohanan.”17F. P. de Bonnechose, The Reformers Before the Reformation, tomo 2, p. 168. Nawala ang kanyang tinig, datapuwa't ang kanyang mga labi ay patuloy na gumagalaw sa pananalangin. Nang matapos na ng apoy ang kanyang gawain, ang mga abo ng martir pati ng lupang nakalatan, ay tinipon, at gaya rin kay Hus, ay inihagis sa Rin.MT 97.3

    Sa ganya'y namatay ang mga tapat na tagapagdala ng liwanag ng Diyos. Datapuwa't ang liwanag ng mga kato- tohanang kanilang ipinahayag—ang liwanag ng mabayaning halimbawang iniwan—ay hindi mapapatay. Subukin na rin sana ng mga taong paurungin ang araw sa pagsikat nito, kung hahadlangan nila ang pamimitak ng bukang-liwayway na noo'y malapit nang mamanaag sa sanlibutan.MT 97.4

    Ang pagpatay kay Hus ay nagpaalab ng galit at lagim ng mga taga-Bohemya. Napagkilala ng buong bansa na siya'y nahulog sa kainggitan ng mga pari at kataksilan ng emperador. Siya'y ipinahayag na isang tapat na tagapagturo ng katotohanan, at ang kapulungang humatol na siya'y mamatay ay pinaratangan ng kasalanang pagpatay ng tao. Ang kanyang mga aral ay lalo ngayong naalaala ng madla ng higit sa nakaraan. Sa pamamagitan ng mga utos ng papa ay ipinasunog ang mga sinulat ni Wicleff. Datapuwa't yaong mga hindi nasira ay inilabas ngayon sa mga kinatataguan, at pinag-aralang kaugnay ng Biblia o dili kaya'y ng mga bahagi nitong maaaring mahagilap ng mga tao, at sa ganitong paraan ay marami ang naakay na tanggapin ang bagong pananampalataya.MT 98.1

    Ang mga pumatay kay Hus ay hindi tumayo na lamang na tahimik at nagmasid sa pananagumpay ng kanyang gawain. Ang papa at ang emperador ay nagkaisang dumurog sa kilusan, at ang mga hukbo ni Sigismundo ay isinugo sa Bohemya.MT 98.2

    Ingay at gulo ang sumunod. Linusob ang Bohemya ng mga hukbo ng ibang bayan, at ang bansa'y binagabag ng mga sarili niyang kaguluhan. Yaong nanganatiling tapat sa ebanghelyo ay dumanas ng madugong pag-uusig.MT 98.3

    Samantalang yaong nang una'y kanilang mga kapatid, na ngayo'y nakipagkasundo na sa Roma, ay nangahahawa sa kanyang kamalian, yaon namang nagsipanatili sa dating pananampalataya ay bumuo ng isang hiwalay na iglesya, na pinamagatang “Nagkakaisang Magkakapatid.” Ikinagalit ng lahat ng tao ang kanilang ginawi. Gayon ma'y hindi nakilos ang kanilang katiba- yan. Bagaman napilitan silang magkubli sa kaparangan at mga yungib, ay nagtitipon din sila upang bumasa ng salita ng Diyos at nagsasama sa pagsamba sa Kanya.MT 98.4

    Sa pamamagitan ng mga sugong ipinadadala nila ng lihim sa iba't ibang bayan, ay napag-alaman nilang dito at doon ay may “mangilan-ngilang sumasampalataya sa katotohanan, ilan sa bayang ito at ilan doon, at gaya rin nila, ay pinag-uusig; at sa gitna ng mga bundok ng Alpes ay mayroong isang matandang iglesya, na nabababaw sa mga patibayan ng Banal na Kasulatan, at tumututul laban sa mga masasamang gawa ng Roma na pagsamba sa mga diyus-diyusan.”18J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 3, kah. 19. Ang pahiwatig na ito ay tinanggap nilang may malaking tuwa at nakipagsulatan sila sa mga Kristiyanong Baldense.MT 99.1

    Ang mga taga Bohemyang matatag sa ebanghelyo, ay nagsipagpuyat sa buong magdamag ng pag-uusig, at sa pinakamadilim na oras ay nakatitig pa rin ang kanilang mga mata sa silangan, tulad sa mga taong naghihintay ng umaga. “Ang kanilang kapalaran ay tumama sa masasamang araw, datapuwa't . . . naalaala nila ang mga pangungusap na unang binigkas ni Hus, at inulit ni Jeronimo, na kailangang magdaan ang isang daang taon bago magbubukang-liwayway. Ang mga ito sa ganang mga Taborita [mga Husita] ay gaya ng mga pangungusap ni Jose sa mga lipi ni Israel noong sila'y nasa bahay ng pagkaalipin: ‘Ako'y mamamatay, at walang pagsalang dadalawin kayo ng Diyos, at ilalabas kayo.’ ”18J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 3, kah. 19.MT 99.2

    Ang huling bahagi ng ikalabinlimang dantaon ay sumaksi sa unti-unti nguni't patuloy na paglago ng mga iglesya ng Magkakapatid. Bagaman lagi nang binabagabag ay nagtamasa rin sila ng malalaking kapahingahan. Sa pasimula ng ikalabing-anim na dantaon, ang kanilang mga iglesya sa Bohemya at Morabya ay umabot sa dalawang daan.”19E. H. Gillet, Life and Times of John Huss, ikatlong pagkalimbag, tomo 2, p. 570.MT 99.3

    “Lubhang mapalad ang nalabi, na, palibhasay'y nakatakas sa mapangwasak na galit ng apoy at tabak, ay pinahintulutang makakita ng pagliliwayway niyaong araw na ipinagpaunang sinabi ni Hus.18J. A. Wylie, History of Protestantism, aklat 3, kah. 19. MT 100.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents